SIMULA PAGGISING niya kanina ay hindi na naiintindihan ni Jenneliza ang nararamdaman. Bigla-biglang sumasakit ang kanyang tiyan. Wala naman siyang nakain na pwedeng makakasama sa tiyan niya. At higit sa lahat wala pa iyon kagabi.
Sa tuwing pupunta naman siya sa banyo para magbawas ay nawawala na lang bigla ang pananakit. Napapalitan iyon ng kakaibang pagtibok ng kanyang puso .Napakabilis na para bang inikot niya ang buong village nila sa pagdya-jogging.
Itinumba na lamang niya ang sarili sa malambot niyang kama. Nakipagtitigan uli sa kisame. Paulit-ulit niya iyong ginagawa habang sinusulyapan ang orasan na nakasabit sa kanyang pader.
Mag-a-alas dose na ng tanghali pero hindi pa rin niya alam kung anong oras sila magkikitang dalawa ni Johhans. Nakalimutan niya kasing itanong dito dahil sa sobrang saya no'ng gabi na niyaya siya nitong makipagdate. Hindi naman niya maisingit sa mga nakaraang araw na magkasama sila sa trabaho dahil tutok ito sa ginagawa nilang pelikula, ayaw niya itong isturbuhin baka iyon pa ang maging sanhi kung bakit mauunsiyami ang date nila.
Napabangon siya nang maisip na tawagan si Madelaine. Mahilig itong magbigay ng payo at kailangan niya iyong ngayon.
"Mads, si Jen 'to."
"Uy, Jen, nagpalit ka na ng digits?"
"Hindi, kay Johhans 'to, nasira kasi ang phone ko kaya pinahiram niya cellphone niya."
Narinig niyang tumili ito. Actually, hindi lang ito ang tumitili dahil naririnig niya ang mga boses nina Sav, Agnes at Christine. Mukhang nasa cafe ang mga ito.
Inalayo niya bahagya ang cellphone sa tainga. Mabibingi siya sa tili ng mga ito.
"Tapos na kayong tumili?"
"Oo," sabay na usal ng mga ito sa kabilang linya. Naka loudspeaker 'ata ang mga ito.
"Ano na? Kayo na ni Johhans?"
"Hindi pa pero "
Isang malakas na buntong-hininga ang narinig niya mula sa mga ito. Ngumisi siya. Ang mga kaibigan niya ay masyadong sabik na magkaroon na siya ng love life. Ganoon pala ang nararamdaman ng mga kaibigan nila noon lalo na ni Madelaine nung kinukulit nila ito tungkol sa love life nito.
"Para kayong mga baliw diyan. Kaya nga ako napatawag dahil "
"Sasagutin mo na siya?" singit ni Agnes.
"Ayan na naman kayo, sumisingit."
"Sorry."
"'E kasi, magdi-date kami mamaya kaso..." Napakagat siya sa ibabang labi sabay sulyap sa orasan na nasa pader. "Hindi ko naitanong kung anong oras kami magkikita. Ang sabi niya lang kasi ay susunduin niya ako sa harapan ng pinagtatrabahuan namin."
Sinabunutan niya ang sarili at itinumba uli ang katawan sa kama.
"Ano'ng gagawin ko?"
"Simple lang Jen," usal ni Madelaine. "Tawagan mo siya at tanungin kung anong oras kayo magkikita."
"Tama si Mads. Tawagan mo siya kaysa tumunganga ka lang diyan at maghintay sa wala," singit naman ni Sav.
"Sayang ang oras," dagdag pa ni Agnes. Pagkatapos niyon ay pinutol na nito ang tawag.
Napatingin siya sa screen. Kanina pa niya balak tawagan si Johhans pero kinakabahan siya. Kung alam lang ng mga kaibigan kung gaano siya kabado ngayon baka pagtawanan pa siya ng mga ito.
Nakipagtitigan muna siya sa screen saka napagpasiyahang tawagan ito. Ngunit hindi pa nga niya napipindot ang contacts na logo ay tumatawag na ito.
BINABASA MO ANG
So Perfectly In Love (PUBLISHED under PHR)
Romance"Do your best and God will do the rest." Iyon ang mantra ni Jenneliza. Gagawin niya ang lahat hanggang sa umabot sila ni Johhans Santimaier sa simbahan. Naniniwala siya na kung ang babae ay nakukuha sa effort at sinseridad ng mga lalaki, ganoon din...