Malalim na ang gabi ng pumasok sila sa kwarto. Tahimik ang kanilang pagpasok, tila mga magnanakaw sa gabi, ayaw makagambala dahil maaari silang mahuli. Pero ito lang ang tanging paraan upang magkaniig sila ngayon, matapos ang ilang linggong hindi nila pagsasama.
Lingid sa kanilang kaalaman ay mayroong nakamasid sa kanila. Nagbabantay, pinag-aaralan ang kanilang mga kilos. Sumusunod sa kanila mula pa sa kanilang paglisan mula sa isang mamahaling kainan.
Makalipas ang ilang oras ay dali-dali silang nag-ayos at lumisan sa lugar. Nakasunod pa din sa kanila ang matang mula pa kanina ay nagbabantay sa kanila.
Kinabukasan ay pumutok ang balitang ni-raid ang isang motel na pinangyarihan ng palitan ng bawal na gamot. At ang bumungad na mga pangalan - Alden Richards at Maine Mendoza, sangkot sa isang drug deal.
Mabilis na pinabulaanan ang mga balita, subalit hindi maikukubli ang mga kuha ng CCTV. Nakita ang kanilang pagpasok sa loob ng isang motel at ang kanilang paglisan. Hindi mahagilap ang dalawa upang magbigay ng pahayag. Hindi din malaman ng kanilang management kung papaano maikakaila ang mga nakuhanan sa CCTV.
Ang kanilang mga pamilya ay pilit ding kinukuhanan ng pahayag. Abut-abot ang mga komento sa telebisyon, sa radyo, sa mga dyaryo, lalo na sa lahat ng social media. Ilang araw silang ikinubli ng kanilang management. Ang mga social media accounts nila ay kapwang pinutol upang hindi makadagdag sa kanilang mga dinaranas na panghuhusga.
Hanggang sa dumating ang isang paanyaya mula sa Senado para sa isang imbestigasyon. Wala silang magawa kundi ang sumunod.
Sa unang araw ng imbestigasyon ay mistulang malaking rally ang nangyari sa labas ng Senado. Halos hindi maka-andar ang sasakyang lulan sa dalawa upang humarap sa mga senador. Ang lahat ng istasyon ng TV at radyo ay nandoon upang masaksihan ang magiging pahayag ng dalawa sa imbestigasyon. Kanya-kanya ng panayam ang mga reporter sa mga taong nakabantay, sumusuporta man o tumatakwil sa dalawa.
Isang reporter ang nakapansin sa isang babaeng nakamasid lamang, hindi sumasali sa gulo ng karamihan. Kipkip ang kanyang bag, waring inoobserbahan nya lamang ang lahat, naghihintay sa mga mangyayari at hinihintay ang pagdating ng dalawang isinakdal na hindi pa man nagsisimula ang imbestigasyon.
Nilapitan ito ng reporter ng buong ingat, sa takot na baka ang laman ng bag ay baril or kahit na anong armas na makakalikha ng gulo.
"Mam, mawalang galang po, fan po ba kayo nina Alden at Maine? Nandito po ba kayo upang sumuporta? Naniniwala po ba kayo na may kinalaman sila sa nangyaring drug deal?"
Tiningnan lamang siya ng babae.
"Wala silang kinalaman sa nangyari."
Nagulat ang reporter at pinalapit ang camera man upang maitutok dito ang panayam. Matapang ang pagbitiw ng salita ng babae.
"Ah, papaano nyo po ito alam, may mga ebidensya po na nandoon sila sa pinangyarihan ng palitan ng bawal na gamot"
"Dahil nandoon din ako. Wala silang kinalaman. Mapapatunayan ko. Hindi sila sangkot sa palitan ng bawal na gamot, dahil nasa kabilang kwarto sila at umalis ng mas maaga bago pa nangyari ang palitan."
Narinig ng iba pang reporter ang binitawang salita ng babae at dali-daling nagsipag-lapitan ang mga ito upang marinig ang pahayag ng babae.
"Mam, mabigat po ang pananalita ninyo pero maaaring ito ang magiging kasagutan upang mai-ligtas sina Alden at Maine mula sa paratang sa kanila. Anong ebidensya po ang hawak ninyo?"
"Isang video, kuha mula sa pinasukan nilang kwarto, makikita ninyong ang oras na nakalagay sa video ay hindi tumutugma sa oras na nakalagay sa CCTV. Patunay na wala silang kinalaman sa palitan ng bawal na gamot."
"Pero mam, ibig sabihin ay may kuha kayo sa dalawa na..."
Ngumiti na lamang ang babae.
***
AMACon 3 Prompt 22
A stranger was approached on the street and was asked to tell one thing they never told anybody. What do they share to Alden and Maine?
10 September 2016