Christmas Carol

193 10 2
                                    

"Sa aming bahay ang ami--"

"Patawad, sa Pasko na lang."

"Kay sigla ng gabi ang lahat ay kay--"

"Leche! Patawad!" sigaw ng katulong.

Naglakad kami papunta sa kabilang kalye para maipagpatuloy ang pangangaroling. Malamig ang hangin ngayong gabi dahil malapit na nga ang Pasko. Tumingala ako at napansing papalalim na pala ang gabi. Kailangan ko na sigurong umuwi, baka hinihintay na ako ng mga kapatid ko.

"Dun tayo!" pag-aaya ni Theody habang nakaturo sa isang Malaki at magarang bahay.

Nagsalita ako bago sila mag-umpisang maglakad ulit, "Uhm...kailangan ko nang umuwi eh, kayo na lang."

Tumango naman sila kaya nag-iba na ako ng daan. Tiniklop ko ang dalawang braso ko para mabawasan ang panlalamig ko kahit papaano. Maliwanag ang buong paligid ng subdivision sa kabila ng kadiliman ng gabi. Marami kasing mga bituin ngayon at salamat na rin sa naglipanang parol at Christmas lights sa bawat bahay.

"Oo naman, mare. Kadarating ko nga lang kasi namili na ako ng mga panregalo." narinig kong sabi ng isang babaeng nadaanan ko habang naglalakad.

Grabe naman, bakit naman ako gagastos para lang magpamigay sa ibang taong may kaya rin naman sa buhay?

Lumabas ako sa marangyang subdivision, tumawid, at lumusot sa isang makipot na daan papunta sa bahay namin. Malayo pa lang ay maririnig mo na ang mga lasing na nag-vivideoke. Akala naman nila ang gaganda ng boses nila kung maka-kanta.

Kumpara sa subdivision na pinagkakarolingan naming magkakaibigan, madilim ang lugar namin. Iilan lang ang may Christmas lights na nakasindi dahil mahal ang kuryente, maliliit at mukhang basura lang din ang mga bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at butas na mga yero, at hindi na iniinda pa ng mga tao ang amoy ng kanal sa likod ng mga bahay.

Pumasok ako sa bahay namin at naabutan ang mga kapatid kong nagkukumpulan sa may lababo. Nandito na yata si Nanay.

"Asan ang Nanay?" tanong ko.

Ngumuso ang kapatid kong si Caloy sa may bandang kusina at doon ko nakita si Nanay na nililipat ang pagkain sa plato mula sa plastic.

Napakamot ako sa hitsura ng nanay ko. Mukhang pagod na pagod na siya at parang isang pitik mo lang ay tutumba na.

"Nay," tawag ko, "Ako na diyan."

"Oh, Carol. Saan ka galing? Gabi na, ah." bungad niya at hindi pinansin ang sinabi ko.

"Nangaroling lang." sagot ko.

Nilingon ko ang tatlo kong kapatid na nakatingin sa akin. Ngumiti ako at kinuha ang iilang barya sa bulsa ko. Binilang ko muna, anim na piso, ayos na 'to.

"Oo na po. Eto na, ibibigay na sa inyo." nakangisi kong saad habang inaabutan sila ng tig-dadalawang piso. "Para kay Cara, kay Carlo, at para kay Caloy."

Nakita ko ang tuwa nila nang matanggap ang kakaunting barya. Kung mas malaki lang ang napamaskuhan ko, edi sana mas malaki rin ang naibigay ko sa kanila o kaya naman ay nakabili ako ng pandagdag ng ulam namin.

"Carol, paghugasin mo na ng kamay ‘yang mga kapatid mo. Kakain na tayo." sabi ni Nanay habang naglalagay ng kanin sa plato.

Katulad ng inutos sa akin, pinaghugas ko na ng kamay ang mga kapatid ko bago kumain. Nakahain ang mga plato sa lapag dahil wala naman kaming mesa, hindi kasi kakasya sa bahay tsaka wala naman kaming pambili.

Naghati kami ni nanay sa isang tuyo na nabili niya bago umuwi samantalang tig-iisa naman sina Caloy. Apat na piraso lang naman kasi yung laman ng supot ng tuyo. Hindi pa ginawang lima para sakto sa amin.

Team FogiiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon