Si Joyce, diecinueve anyos, isang probinsyana na lumuwas ng Maynila para matustusan ang pag-aaral ng walo pa niyang kapatid. Si Freiah, isang ampon na muling naabanduna nang mamatay sa isang aksidente ang foster parents nito noong dieciotso anyos siya, at si Brianna na isang mayamang nagrerebelde sa magulang niyang napakarami magdemand, veinte anyos. Pinagtagpo silang tatlo ng tadhana sa isang kilalang nightclub sa may Baclaran.
Umalis si Joyce ng bahay nila sa Cebu na pinanghahawakan ang pangako ng tiyahin niyang taga-Maynila na ipapasok siya nito ng magandang trabaho sa isang kakilala. Wala siyang ideya kung anong trabaho ang tinutukoy ng tiyahin niya at 'di siya nag-abalang magtanong dito, basta ang alam niya ay magandang trabaho ito. Pagkadating niya ng Maynila ay kaagad siyang sinalubong ng kaniyang tiyahin para dalhin sa isang nightclub. Pinakilala siya sa may-ari at iniwan na siya roon, tsaka niya napagtanto na ang pangakong pinanghahawakan ay isa pa lang panlilinlang.
Sa araw na 'yon ay nakilala niya si Freiah. Nakita niya itong umiiyak sa isang kwarto habang nakatingin sa salamin. Nilapitan niya ito at tinanong niya kung ayos lang ba ito at kung ano ba ang dahilan ng kanyang pag-iyak.
“Isa na akong maduming babae. Hindi ako pinalaki ng magulang ko para maging isang prostitute. Sobrang nahihiya na ako sa mga magulang kong pinalaki akong maayos at disiplinado,” tugon nito habang himihikbi.
“What the hell Freiah? Umiiyak ka na naman? Mag-iisang buwan ka nang pokpok dito, at wala namang pumilit sa'yo 'di ba? Kaya 'wag ka nang magdrama d'yan, bilisan mo na lang dahil sasalang na tayo sa stage,” litanya ni Brianna pagkapasok niya kwarto. Inutusan kasi siya ng manager ng club na asikasuhin ang bagong dating na si Joyce. “O ikaw, magbihis ka na. Ano pang tinutunga-tunganga mo d'yan?” puna naman nito kay Joyce.
“Ako? Anong gagawin ko?” inosenteng tanong ni Joyce.
“Gigiling, mang-aakit, at mang-aaliw. Duh?” Nagulat si Joyce sa sagot sa kanya ni Brianna. Napa-atras siya at napailing. Hanggang sa mga oras na 'yon ay wala pa siyang kamuwang-muwang sa mundong kinalalagyan niya.
Napailing si Brianna sa inasta ng baguhan. “Hay nako mga probinsyana talaga. Matanong nga kita, bakit ka ba nandito sa Maynila ngayon?”
“Para kumita ng pera, para makatulong sa pagpapaaral sa mga kapatid ko,” mabilis na tugon ni Joyce.
“'Yon naman pala e. Pwes, magtiis kang mabastos dito, malaking pera naman ang kiktain mo e,” sagot ni Brianna kay Joyce.
“Tama na nga 'yan. Sige na... Teka ano nga palang pangalan mo?” tanong ni Freiah kay Joyce.
“Joyce,” tugon nito.
“O sige na Joyce, isuot mo na 'to para makapagsimula na tayo.” Inabot ni Freiah kay Joyce ang isang pares ng damit na nakahanger. Kinuha ito ni Joyce at tinitigan ang isang hangging na blouse at isang napakaikling shorts, hindi niya maatim na isuot ito subalit wala siyang nagawa kailangan na niya ng trabaho at ito na ang trabahong pinangako sa kanya ng kanyang tiyahin.
Umakyat na sa entablado si Brianna at si Freiah at nagsimula nang magsayaw. Pinapanuod lamang sila ni Joyce pero hindi siya nakatagal dahil nalalaswaan siya rito. Aalis na sana siya nang harangin siya ni Ms. Neneth, ang may-ari ng nightclub.
“Hep! Saan ka pupunta?” tanong nito kay Joyce.
Mangiyak-ngiyak na tiningnan ni Joyce si Ms. Neneth. “Hindi ko po kaya ang ginagawa nila mam, uuwi na lang po ako sa amin, ayaw ko na po dito.” Hindi nito pinansin ang mga sinabi ni Joyce at sa halip ay hinila niya ito pabalik ng backstage para siliping muli ang ginagawa ng dalawang babae sa entablado.
“Nakikita mo ba 'yon?” turo ni Ms. Neneth sa isang lalaking nakaupo sa harapan ng stage, nakajacket ito na kulay itim at nakataklob ang ulo nito sa hood, nasa treinta anyos na kung tatantsahin ang edad at umiinom ng beer. Kaagad naman iyong tiningnan ni Joyce.