Tuwing sasapit ang pasko, laging nakakunot ang noo ko. Marahil ay naiinis ako sa mga taong naniniwala sa pasko. Ayaw ko sa pasko, lalong lalo na ‘pag nagsasalo salo ang bawat pamilya. Hindi ko alam pero ang bigat ng pakiramdam ko tuwing sasapit ang pasko. Ayaw ko sa pasko mula pa ng bata ako. Mula pa nang ginawan niya ako ng kasalanan.
“Bakit ka naniniwala sa pasko?” tanong ko sa nakababatang kapatid ko. Bahagya siyang nagulat, pero agad ding nawala ‘yon. Umayos siya ng upo at hinarap ako. Hinawi niya ang mga buhok niyang nakaharang sa mukha niya. Ngumiti siya ng kay tamis at sinagot ang tanong ko.
“Simple lang naman ate Miranda. Bakit nga ba ako naniniwala sa pasko? Hmm, Dahil saksi ang pasko kung paano bumalik muli si Papa dito. Siya ang saksi sa mga masasayang pangyayari sa buhay natin. At syempre, kaya ako naniniwala sa pasko, dahil kaarawan ni Hesus,” nakangiting sagot niya.
Ngumiti ako sa kaniya ng mapakla, “Saksi? Pinagloloko mo ba ako? Kung para sa inyo ang pasko ang saksi sa mga masasayang pangyayari sa’ting buhay, pwes, sa’kin hindi. Ang pasko ang dahilan kung bakit nagkakaganito ako ngayon. Tandaan mo ‘yan,” pagkasabi ko ‘non ay umalis na ako. Ayaw ko nang marinig pa ang mga kalokohan niya.
Tuwing sasapit ang pasko, bago mag alas dose ng madaling araw, tinutulugan ko ang mama at papa ko. Ayaw kong marinig ang pagbati nila sa’kin ng “Maligayang pasko, anak.” Ano bang masaya sa pasko? Mga regalo? Mga pera? Wala naman diba? Bakit kailangan pang ipagdiwang ang pasko, kung puro ganoon lang naman ang matatanggap mo? Buti sana kung paghingi niya ng tawad ang makukuha ko.
Agad akong nagtalukbong ng kumot nang marinig ko ang mahihinang katok ng mama ko. Pumikit ako at nagkunwaring tulog. Nang marinig ko ang pagbukas ng pintuan, agad akong nainis. Bakit ba sila pumapasok ng kwarto ko ng walang paalam?
Nakakainis n—
“Miranda, anak. Gising ka pa ba?” tanong ni mama. Hindi ko pinansin ang pagtawag niya sa’kin. Nagpatuloy pa rin ako sa pagkukunwari, “Miranda—” napairap ako nang maramdaman ko ang pag-upo ng mama ko sa kama ko. Lalo pa akong nainis nang kinanta niya ang favorite lullaby ko…dati.
“Sana'y di nagmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni nanay
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan
Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin
Sa piling ni nanay, langit ay buhay
Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan
Nais kong matulog sa dating duyan ko, inay
Oh! Inay,” kanta niya sa harapan ko. Sa sobrang inis ko ay napasigaw ako.
“Nagpapahinga ako, ‘wag kang magulo!” sigaw ko sa kaniya.
Tuwing sasapit ang pasko, lagi akong nag-iisa. Ayaw kong may tumabi sa’kin. Gusto ko ako lang at wala ng ibang sasama sa’kin sa…dilim.
Napakainit dito sa bodega. Maraming daga, ipis, at kung ano pa. Pinagpapawisan na rin ako ngayon dahil sobrang init na at wala pang ilaw. Ayaw ko namang makihalubilo sa kanila. Naiinis ako. Naiinis ako sa kanilang lahat lalong-lalo na sa papa ko.
Tuwing sasapit ang pasko, palaging itim ang damit ko. Nakagawian ko na rin ‘yan sa t’wing sasapit ang pasko. Maraming tao ang naiinis sa kulay ng damit ko—ano bang pakielam nila?
Hinablot ako ng nanay ko at galit na sinigawan ako, “Miranda, ano bang nangyayari sa’yo?! Malaki ang pinagbago mula nang…” hindi niya naituloy ang sasabihin niya. May naaalala na naman siguro siya.