Nasa buhanginan si Dino nang umihip ang malakas na hangin. Kanyang pinagmamasdan ang malawak na dagat habang inaalala ang masasayang tagpo ng buhay niya.
Dayo lamang siya sa nayon na iyon. Nandoon siya upang bisitahin ang kanyang tiya. Hindi nabiyayaan ng anak ang kanyang tiya kaya't mag-isa na lamang ito nang pumanaw ang kanyang asawa.
Si Dino’y galing sa Maynila. Isa sa kanyang naging rason sa pagdalaw ay para makapagpahinga sa kinagisnang buhay niya roon.
Dahil nga sa probinsiya ang kanyang pinuntahan, hindi naging uso ang mga gimik at inuman tuwing gabi. Kada sumasapit ang alas sais ng gabi ay nasa kani-kanilang bahay na ang mga taga-roon.
Maaga siyang natulog ng gabing iyon, pero naalimpungatan siya dahil sa isang awit. Hindi niya alam kung bakit, pero napatayo siya sa kanyang kama at sinundan ang pinanggagalingan ng tinig na kanyang narinig. Napapikit siya habang naglalakad, hinayaan niya ang kanyang pandinig at ang mga paa na dalhin siya sa lugar kung saan nanggagaling ang tinig na kanyang narinig. Binuksan niya ang kanyang mga mata nang marinig ang agos ng tubig. Dinala siya ng mga ito sa isang mapayapang lugar, ang dagat.
Sa 'di kaluyuan natanaw niya ang isang babaeng naka-upo sa isang malaking bato. Una niyang napansin ang malaking banga sa tabi nito, kulay berde ito at mukhang mahahalin dahil sa mga perlas na nakadisenyo rito. At ang mahabang kahel na buhok nito, kumikinang ito kada matamaan ng sinag ng buwan.
Napatingin ito sa may gawi ni Dino, nanlaki ang mga mata nito nang magtama ang kanilang mga paningin. Kulay berde at mapangahas, ibang klaseng mga mata ang taglay nito. Tila'y nataranta ito sa kanyang mga nakita. Ngumiti si Dino ngunit sumisid na ito.
Sa sumunod na gabi'y naghintay uli si Dino sa mismong lugar. Naghintay siya nang ilang oras sa pagdating nito; hanggang sa naisipan niyang sumuko at magbaka sakali na lamang sa susunod na araw. Tatalikod na sana siya nang mahagip ng kanyang mga mata ang pag-ahon nito mula sa dagat.
Ang ganda niya, sabi niya sa kanyang isip. Wala na itong dalang banga sa pagkakataong ito. Mas kuminis ang balat nito at ang kanyang buhok ay umikli. Nagsimula itong umawit ng isang malungkot na kanta.
Mahahalintulad ang tinig nito sa isang anghel, nahalina si Dino sa ganda ng boses nito. Hindi niya napansing papalapit na pala siya sa kinaroroonan nito.
Nagtama muli ang kanilang mga mata. Ang ganda ng mga mata niya sa malapitan, sabi niya sa kanyang isipan. Sisisid na sana ito ulit nang hinablot ni Dino ang braso nito.
"Ka-kamusta?" Sabi ni Dino sa kanya.
Tila ba'y naguluhan ito sa mga sinabi ni Dino pero tumungo lamang ito.
"Hindi ka ba nakapagsasalita?" Tanong niya.
Wala pa rin itong sagot. Kaya't nagpatuloy na lamang sa pagsasalita si Dino. Inisip niyang baka hindi ito maaring makipag kausap sa hindi nito kauri. Nakwento ni Dino kung ano ang naging buhay niya sa Maynila at kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Tatango lang ito nang tatango sa tuwing magtatanong si Dino.
Isang gabi, habang nagkukwento si Dino ay natukso siyang halikan ito. Papalapit nang papalapit ang kanilang mga labi, konting-konti nalang at magtataman na ang mga ito nang...
"Dino! Dino! Gising!"
Naalimpungatan si Dino sa sigaw ng kanyang Tiya. Makikita sa mukha nito ang labis na pag-aalala.
"Mabuti naman at nagising pa kita! Binabangungot ka na naman!" Tugon nito.
Biglang naguluhan si Dino sa mga pinagsasabi ng kanyang Tiya. Pawis na pawis ito at nanginginig habang nagsasalita.