Tahanan Ni Macoy

184 13 1
                                    

Hindi ko mabilang ang mga pares ng matang nakatingin sa 'kin habang nakatayo ako sa harapan. Lahat sila ay naghihintay kung ano ang gagawin ko.

Dahil pasko na, marami ang tao dito sa perya at isa ako sa paboritong panuorin ng madla. Bukambibig ng bayan namin ang mga katagang “Macoy the amazing dwarf,” kumabaga sa twitter, trending ako sa bayan namin.

Huminga ako ng malalim bago nagsimulang maglakad patungo sa bisikleta ko, bisikletang isa lamang ang gulong. Sinakyan ko ito at nagpedal hanggang sa gitna ng stage.

“Maligayang Pasko mga kababayan! Ako nga pala si Macoy, ang inyong amazing dwarf!” masigla kong sabi at nagsimula na silang maghiyawan.

Kilala si Macoy the amazing dwarf sa pagiging talentado dahil marami siyang kayang gawin, kaya naman nagsimula na akong magpakita ng mga magic tricks na itinuro pa sa 'kin ng Lolo Ipe ko no'ng bata pa ako.

“Bulaklak!” masiglang tugon ng mga manonood nang tanungin ko sila kung ano ang hawak ko sa kanang kamay ko. Pinasok ko ang bulaklak sa malaking sumbrero na hawak naman ng kaliwang kamay ko at agad na nilabas itong muli.

“E, ito?” tanong ko sa kanila.

“Kuneho!” sabay sabay nilang tugon. Nakangiti akong tumango at ipinasok na naman ito sa sumbrero at inilibas na naman ang bulaklak. Ilang ulit ko 'yong ginawa at paulit-ulit ding sumagot ang mga manood.

“Ano 'to?” tanong kong muli pagkalabas ng aking kamay mula sa sumbrero.

“Bu-boxers!” sabi nila at malakas na mga halakhak ang pumalibot sa lugar.

“Ay nako, bakit napunta ang boxers ko rito?” sabi ko na dahilan ng paglakas ng tawa ng lahat. Ayan na naman sila, masayang masaya sila sa katangahang ginagawa ko rito sa harapan. Aliw na aliw silang panuorin at pagtawanan ako.

Pero ano nga ba ang magagawa ko? Trabaho ko ang pasayahin sila. Sila ang nagbibigay ng hanapbuhay sa 'kin. Kailangan kong gawin ito para sa sarili ko dahil wala namang ibang bubuhay sa 'kin kundi ako lang dahil wala naman akong ibang pamilya kundi ang Lolo Ipe ko lang na siyang yumao na.

Ipinagpatuloy ko ang pagpapatawa sa kanila, matapos kong mag-magic ay sumayaw naman ako at pagkatapos ay kumanta, parehong nakakatawang paraan. Kitang kita ko ang saya sa mukha ng mga taong nasa harap ko, ang iba'y halos hindi na makahinga sa kakatawa at naiiyak pa.

Kahit pa masama ang loob ko, inisip ko na lang na ito na lang ang tangi kong maibibigay sa kapwa ko ngayong pasko, ang pasiyahin sila at pansamantalang kalimutan ang kanilang mga problema.

Natapos na ang pagtatanghal ko, umalis na lahat ng manonood. Hinayaan ko na ang mga staff na magligpit at napagpasyahan kong mag-ikot ikot na lang muna sa perya.

Naglalakad ako sa gitna ng maraming tao at sa ilalim ng maliliwanag na Christmas lights nang 'di sinasadya kong mabunggo ko ang isang ale.

“Ay ano ba 'yan! Maliit na nga nakakabunggo pa,” mataray niyang sabi. Humingi ako ng paumanhin at kaagad nang naglakad palayo. Sanay na akong makutya pero hindi ko pa rin maiwasang hindi masaktan.

Pinagmasdan ko ang paligid ng perya at ang mga taong laman nito, napansin kong ako lang 'ata ang mag-isa ngayong pasko. Ang ibang magkasintahan ay nasa ferris wheel, ang mga magkakaibigan naman ay naglalaro at ang mga bata ay tuwang tuwa sa rides.

Sabi ng karamihan, para sa mga bata lang daw ang pasko ngunit para sa 'kin, ang pasko ay para sa isang buong pamilya. Pamilya na siyang wala na ako.

Tulad ng mga nagdaang pasko, umalis ako sa perya para bisitahin ang Lolo Ipe ko.

“Nag-enjoy ka ba anak? Tara na sa bahay, kakain na tayo ng noche buena,” rinig kong sabi ng isang nanay sa anak nito. Hindi ko maiwasan ang mainggit, napaka-swerte ng batang 'yon, dahil may isang ina siyang ganoon na lang kung mag-alaga sa kanya. 'Di tulad ko, na iniwan lang sa kariton ng mga magulang ko. Ni hindi ko man lang naramdaman kahit saglit ang pagmamahal nila para sa akin.

Bago pa man tumulo ang namumong luha sa mga mata ko ay agad ko na itong pinunasan at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Sa paglalakad ko, nadaanan ko ang makukulay na bahay gawa ng mga makukulay na parol at maririnig mo sa loob nito ang malalakas nilang kwentuhan at tawanan.

Ano kaya ang pakiramdaman ng nagdidiwang ng pasko ang isang buong pamilya? Malamang masaya, sabay kaming bubuo ng Christmas tree, mag-dedecorate ng buong bahay, magluluto ng pang-noche buena at marami pang iba na sabay naming gagawin.

Ano ba ang silbi ng pasko kung wala kang pamilya? Sino ang bibigyan mo ng pagmamahal at sino ang magbibigay sa 'yo no'n?

Ilang sandali lang ay narating ko na ang sementeryo kung saan nakalibing si Lolo Ipe.

“Merry Christmas Lolo Ipe,” bati ko rito pagkaupo ko sa lapag.

“Lo, bakit gano'n? Ang lupit 'ata ng mundo sa 'kin? Kahit pasko ay 'di ko magawang maging masaya. Gusto ko mang magdiwang pero hindi naman maganda kung wala akong kasamang magdiwang 'di ba?” sabi ko na para bang lumong lumo sa ideya na 'yon. Hanggang kailan kaya magiging malamig ang pasko ko?

“Sadya nga namang 'di patas ang mundo, kung gaano ko na papasaya ang ibang tao ay siyang kabaliktaran naman nito sa sarili ko.” Napabuntong hininga na lang ako pagkatapos ay nagkwento pa ng marami sa Lolo Ipe ko. Sa ganitong paraan ay nararamdaman kong hindi pa ako nag-iisa sa mundong ito dahil kahit papaano ay may nakwekwentuhan pa rin ako tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa buhay ko, at may nalalabasan pa rin ako ng sama ng loob ko.

Nang maubos na ang kwento ko, napagpasyahan kong magpaalam na kay Lolo Ipe at bumalik na sa perya, na siyang tirahan ko na rin.

Marami pa rin ang tao dito pero hindi na kasing dami ng kanina, marahil umuwi na ang iba sa kanya-kanya nilang tahanan para magdiwang ng pasko.

Naglakad ako patungong headquaters, balak ko nang matulog at magpahinga dahil wala naman akong planong salubungin akong pasko. Hindi ko inaasahan ang nangyari matapos kong buksan ang pinto, sabay sabay nila akong binati ng “Merry Christmas Macoy!” at nagsitakbuhan sila palapit sa 'kin para yakapin ako.

“Macoy, saan ka ba galing? Paskong pasko nawawala ka na lang bigla, may problema ka ba? Sabihin mo lang sa 'min, tutal pamilya mo na naman kami 'di ba?”

Si Maria ang tinaguriang pinakamatabang sirena, si Dodong na siyang dugong dahil sa malapad niyang ilong at labi, si Rick na isang patpat na mahikero, at si Jelyn na isang tulad kong unano, bakit ko nga ba nakalimutang pamilya ko na rin sila? Ang mga taong 'yan lang ang namumukod tanging nakakaintindi sa nararamdaman ko, sila ang palaging kong nasasabihan ng problema ko, nandyan sila palagi at hindi nila ako iniiwan at isa pa, hindi nila ako kinukutsa gaya ng iba at hindi nila ako pinatatawanan gaya ng mga manonood sa aking programa. Sa madaling salita, tanggap nila ako at trinatato nila ako bilang ako, at tanggap ko rin sila, isa na kaming buong pamilya na magkakaiba lang ang dugo.

“O paano ba 'yan? Kumpleto na tayo, tara na at magbigayan na tayo ng regalo!” excited na sabi ni Jelyn kaya naman sabay sabay kaming nag-abutan ng regalo kasabay ng pagbati sa isa't isa ng “Merry Christmas” at sabay sabay rin namin itong binuksan. Nakakuha ako ng medyas, si Rick naman ay toothbrush, habang si Jelyn naman ay nakakuha ng suklay, panyo ang nakuha ni Maria at sabon ang nakuha ni Dodong.

“Walangya! Ang kukuripot niyo talaga kahit kailan!” sambit ni Jelyn at napuno ng tawanan ang buong tahanan. Tama, tahanan nga ang tawag dito at hindi lang basta tirahan. At sa ilalim ng bubong ng tahanang ito naging at magiging masaya ang pasko ko, kasama ng mga tinuturing kong pamilya.

Team FogiiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon