Kilala na kita simula pagkabata.
Oo, parati pa rin akong natatawa tuwing nakikita ko 'yung mukha mo sa mga litrato. Hindi mo kasi kamukha. Oo, nung baby ka pa lang sobrang cute mo kasi ang taba ng pisngi mo at ang mga mata mo, kumikinang. Ang ganda rin ng mga pagkakakuha ng litrato; kinuhanan ka habang kumakain, naliligo, at kasama ako.
Magkaibigan kasi ang mga magulang natin, at ginusto nila na magkalapit ang mga bahay natin. Kaya, parang lumaki na rin ako sa bahay niyo. Ganoon ka rin naman sa 'kin.
Naalala ko, parati kang kalbo nung bata. Gusgusin ka pa nga, e. Palagi tayong nasa kalye, naglalaro ng patintero (hindi ka makatakas sa 'kin kapag malapit ka na sa dulo), agawan base (palagi mo 'kong nahuhuli), at tagu-taguan (favorite nating taguan ang isang abandonadong bahay na hindi mahahalata na nando'n tayo). Madalas tayong magkasugat sa mga pinaggagawa natin.
Minsan pa nga, naglalaro tayo ng bahay-bahayan. Ikaw ang tatay at ako ang nanay. Ang mga kalaro natin ang mga anak natin. Nagdala pa nga tayo ng kumot ta's nilapag natin sa isang bahay na di ginagamit at walang bubong tapos humiga tayong lahat sa ilalim ng buwan. Magkatabi pa tayo, tapos pinaggigitnaan ng mga kalaro natin.
Hindi ko 'to kinakahiya. Ako ang unang taong nakakita ng junior mo maliban sa mga magulang mo. Sabay kasi tayo maligo dati tuwing umuulan. Tuwing magbabanlaw na, hindi naman maiiwasan na hindi makita 'yon. Baka nakita mo nga rin 'yung akin, e. Hindi ko naman na maalala.
Tanda mo pa ba nung umiyak ka nang sobra nung namatay ang lola ko? Mas grabe pa ang iyak mo sa 'kin e. Close na close kasi tayo kay Lola. Palagi niya tayong ginagawan ng meryenda. Tapos, hinahayaan niya tayong tumulong tuwing nagbibake siya. Nilalantakan natin kapag tapos na. Pero, bago siya mamatay, may hinabilin siya sa 'yo "Protektahan mo ang apo ko ha?" Nalaman ko 'yun kasi nakikinig ako nang palihim.
Tapos, kasama mo ako nung una nating pagpasok sa eskwelahan. Hindi natin kinakausap 'yung iba kasi nahihiya tayo. Bakit pa natin sila kakausapin kung magkasama naman tayo?
Makalipas ang ilang taon, kilala na tayo ng mga tao. Ikaw at ako. Hindi mo sila mapaghihiwalay. Partners in crime. Alam ko kung paano mo ninakaw 'yung baon ng first honor at alam mo kung paano ko kinuha ang bolpen ng second honor. Kapag wala ka, ako ang unang tinatanong. Kung may nangyari sa 'kin, ikaw ang unang tatanungin.
Hindi naman ako masyadong nagbago, e. Ganoon pa rin ako nung tumuntong ako ng hayskul. Hindi maayos ang buhok na parang bagong gising. Walang pakialam sa ayos. Kung manamit parang lalaki. Pero ikaw, ang laki ng pinagbago mo.
Dati, mas matangkad ako sa 'yo. Ngayon, nasa balikat mo na lang ako. 'Yung dati mong kalbo na buhok, mahaba na at nilalagyan mo pa ng gel. Kung pumorma ka naman, malinis at presentable. Lumalim ang boses mo at lumapad ang balikat mo. Binatang binata.
Masaya naman ako kasama pero kung kumportable ako sa mga tao. Kung hindi ko sila kilala, tatahimik na lang ako. Pero ikaw, pagpasok pa lang sa bagong klasrum, kilala ka na ng lahat. Kasi naman, baka crush ka na ng mga kalalakihan. Inamin pa nga ng isang bakla kong kaibigan na crush ka niya dati e.
Pinag-igihan ko ang pag-aaral ko. Ikaw naman, mas ginusto mong mag-basketball. Gusto ko kasi pumasok ng Ateneo paglaki. Sabay pa nga tayong manood ng UAAP e. Sabi mo, "Balang araw, makakapasok ako sa varsity team ng Ateneo." Kaya ako rin, gusto ko rin doon.
Hindi na tayo madalas na magkadikit. Ako, kasama ng ilang babae kong kaibigan. Ikaw, sa kumpol ng mga lalaki. Sabay pa rin naman tayong umuuwi. Parehas pa rin naman ang pakikitungo natin sa isa't isa. Ata.
Ikaw kasi e. Bigla kang nagbago. Hindi na parang kapatid ang tingin ko sa 'yo. Hindi na ikaw ang dating gusgusing batang kilala ko. Hindi na ikaw ang batang kasabay ko maligo sa ulan, at kasama ko sa krimen. Naging ibang tao ka. Naging binata ka.
Biglang naging gwapo ka sa paningin ko. Parati kitang inaabangan kapag naglalaro ng basketball. Gusto ko ring tumilo tulad ng ibang babae kapag nakakascore ka, pero tutuksuin mo lang ako pagkatapos. "Ano? Manghang-mangha ka na naman sa 'kin?"
At ang tingin mo pa rin sa 'kin ay ang parehas na gusgusing babae na tambay sa kalsada.
Mabuti nga at hindi tayo tinutukso ng mga kaklase natin kasi ikaw ang unang tumatanggi. Wala naman akong reaksyon. Hindi naman kasi ako defensive. Pero, may parte sa 'kin na naguguluhan. Bakit parang nagugustuhan ko ang biro nila? Bakit masayang isipin na may kami?
Binibigyang halaga ko ang maliliit na bagay kapag kasama ka. Tuwing lumalabas tayo kapag magpapasama ka bumili ng pagkain kasi na-tripan mo lang, tinatandaan ko kung anong nangyari nung araw na 'yon. Tuwing nagkakadikit ang mga balat natin, napapalayo ako nang biglaan. Minsan, hindi ko namamalayan na tinititigan na pala kita, kahit memoryado ko ang mukha mo.
Mas gusto kitang makasama na tulad ng ginagawa ng mga magkasintahan. Masama ba 'yon?
Pero, kilala kasi kita e. Kilalang kilala. Na parang ikaw ang likod ng palad ko. Na parang ikaw ang tulang paulit-ulit na minememorya. Bawat galaw at kilos, pati na ang mga sikreto, alam ko. Kasi kilala kita.
At alam ko rin na may mahal kang babae.
Tuwing tinititigan ko ang mga mata mo na nakatingin sa kaniya, kumikinang ito. Ramdam ko na mas gusto mo siyang kasama. Parating siya ang bukambibig mo. Minsan pa nga, nagpasama ka para bumili ng regalo para sa kaniya.
Ayoko. Ayoko nang ganito. Bakit ko ba kasi 'to nararamdaman? Ang alam ko, kaibigan ko lang siya. Kilala ko siya bilang isang kapatid. Pero bakit biglang nagbago? Bakit biglang bumibilis ang tibok ng puso ko kapag malapit ka na?
Ayokong sabihin 'to sa 'yo. Alam ko naman ang kahihinatnan ng lahat. Masisira ang pundasyon ng pagkakaibigan natin. Ang lahat ng taon na pinagsamahan natin, mawawasak kapag inamin ko ang tunay kong nararamdaman.
Kaya, pinipili ko ang pagkakaibigan kaysa pagmamahal. May mas malalim pang kahulugan para sa 'kin ang pagkakaibigan natin. Kung mawawala ito, hindi ko na alam ang gagawin.
Parang may isang bloke ng buhay ko ang mawawala. Buong buhay ko, maghahanap ako ng tulad nito pero alam ko na para sa 'yo lang ang espasyo na iniwan mo.
Nag-ring ang celpon ko. Tumatawag ka. "Hello?" pagsagot ko.
"Ces, kami na!"
"Huh?" Unti-unting napuputol ang boses ko. Namumuo ang luha sa mga mata ko. "Ano'ng meron?"
"Sinagot niya na 'ko!"
"A-Ah..." Hindi. Kailangan kong maging masaya para sa inyo. "Congrats! Libre ka naman d'yan!"
Tumawa ka nang pabiro. "Ikaw naman. Alam mo namang magigipit ako kasi madalas na kaming lalabas. Next time na lang."
Oo. Palagi nang magiging next time ang lahat. Kasi siya na ang prioridad mo. Kaibigan mo lang naman ako, 'di ba?
"Oo na sige na. Bye na, mag-aaral pa 'ko para sa UPCAT."
"Galing talaga ng best friend ko!" buong galak mong sinabi. "Libre na lang kita kapag nakapasa ka sa UP."
"Tse!" At binaba ko ang tawag. Tumalon ako sa kama at doon umagos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
Kayo na.
Siguro, oras na para kalimutan ang lahat ng nararamdaman ko. Pero paano? Paano tuwing palagi kitang nakikita? Kung palagi kang dumidikit sa 'kin? Paano ko kakalimutan ang mga nararamdaman ko kung alam kong nasa malapit ka lang?
Walang nakakaalam.
Kilala kita nang lubusan, pero hindi mo ko kilala tulad ng pagkakakilala ko sa 'yo. Kasi kung ganoon, alam mo na sa simula pa lang, gusto kita.
BINABASA MO ANG
I Knew You Too Well
Genç KurguKilala na kita simula pagkabata. Kaya, kilalang-kilala na kita. Pero, nasobrahan ata.