Oeuvre 135

1.7K 88 5
                                    




Oeuvre 135

Sinclair's POV:

Isa lang ang nasa isip ko noon buhat nang tinanggap ko ang nobility ko bilang isang Baroness: mamamatay na ako.

Galing lamang ako sa pamilya ng mga normal na bampira. Pawang mga tagasilbi ang mga magulang ko. Nang madiskubre nilang may kapangyarihan ako—kahit pa sa tingin ko ay hindi iyon kapaki-pakinabang, ginawa nila ang lahat upang magkaroon ako ng sapat na yaman upang magkaroon ako ng ranggo.

Ginawa nila ang lahat... ngunit kulang pa rin. Kaya naisipan nilang pagnakawan ang amo nilang Duke. Nahuli sila at pinatawan ng parusang kamatayan ng mismong Duke na iyon. Ang mga petty crime kasi ng isang ordinaryong bampira gaya ng pagnanakaw ay hindi na nakakarating sa mga ministro dahil nasa hurisdiksyon na iyon ng isang noble na nakakasakop sa kanila.

Mas lalong lumabo ang chance ko na magkaroon ng ranggo pagkatapos ng kamatayan ng mga magulang ko. Mainit ako sa paningin ng Duke at pinagsususpetsahan niyang lahat ng dineklara kong yaman sa application ko bilang Baroness ay galing sa nakaw.

Ngunit sa hindi inaasahan, hinirang ako ng dating Prinsipe noon. Marami ang nagsasabi na napakabuti niya para maawa sa akin at habang tinitingnan ko ang maamo at nakangiti niyang mukha habang siya ay nakaupo sa trono, iniisip ko kung totoo ba siya sa kanyang kabutihan.

Sa mga sandaling nakatingala ako sa kanyang trono, pakiramdam ko ay sinintensyahan niya ako ng mas mabigat na parusa.

Inihulog niya ako sa bangin na puno ng mga mababangis na buwaya. Lahat ng mga mata ay hinuhusgahan ako. Sa isang kumpas lamang ng daliri ng Duke na pumatay sa mga magulang ko, alam kong may kikilos para patayin na rin ako.

Pero sino ba ako para magreklamo? Naging isa akong noble kahit pa kahiya-hiya ang sinapit ng aking mga magulang. Ha-ha. Ang swerte ko, sabi nila. Ha-ha-ha.

Ilang gabi rin akong namuhay sa loob ng isang malungkot na mansyon. Ni walang tagasilbing gustong mangamuhan sa akin. Vigilante ako sa mga tunog na naririnig ko pero wala naman akong balak manlaban sakaling may dumating para paslangin ako.

Isang gabi, narinig kong umihip ang hangin mula sa bintana ng aking silid. Bigla akong napabangon at nasumpungan ko ang pigura ng isang binata na nakaupo sa bukas na bintana na sa pagkakaalam ko ay isinara kong mabuti.

Sinenyasan niya ako na lumapit sa kanya.

Kinakabahan ako pero kung siya na ang ipinadala para paslangin ako, hindi na dapat ako manlaban. Hindi ko gustong pahirapan ang sarili ko. Bumangon ako ng kama at lumapit sa bintana.

Mamahaling seda ang suot ng aking bisita. Isa ba siyang maharlika? O kaya ay Knight? Nang matamaan siya ng kaunting sinag mula sa buwan, tumingkad ang kulay pula niyang buhok. Sa palagay ko rin ay nagliwanag na parang araw ang ginintuan niyang mga mata.

May naririnig ako tungkol sa isang Duke na kapareho niya ng deskripsyon at lahat ng iyon ay hindi maganda... isa lang ang masasabi ko sa kaharap ko. Siya ang pinakaguwapong lalake na nakita ko, sa buong buhay ko kung hanggang dito na lamang ako. Naaappreciate ko ang moment na ito, kung siya ang papatay sa akin.

Napaatras ako nang kaunti dahil sa gulat nu'ng tumayo siya at lumapit sa akin. May iniabot siya sa aking pulang rosas.

Nag-alangan akong kunin iyon. Siya nga ba ang Duke na laman ng usap-usapan? Ang baliw na Duke na naghahatid ng bangungot sa kahit na sino'ng tumanggap ng inaalok niyang pulang rosas.

Ngumiti siya.

Hindi iyon ngiti ng isang masamang nilalang.

Inabot ko ang rosas mula sa kanya. Kamuntik ko nang mabitawan ang stem dahil isa-isang nagsilantahan ang mga talulot ng bulaklak.

The Forlorn Madness of Blair BlackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon