Para sa haligi ng aking tahanan

30 0 0
                                    


Alam ko na hindi ako matatawag na anak kung walang ina na siyang naghirap upang ako'y maisilang at nang masilayan ang kagandahan ng mundo.

Ang aking Ama ang dahilan kung bakit naging Ina ang Nanay ko at sya din ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng lakas ng loob na harapin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay.

Sya ang umakay noong mga panahong ako'y nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Ang umunawa at siyang naging sandigan. Alam kong hindi sya perpektong ama at may mga panahon na magkasalungat ang aming paniniwala at hindi magkatugma ang aming opinyon at nauuwi ito sa pagtatalo.

Kadalasan sya pa ang nagpakumbaba at ako naman itong nag mamayabang animo'y meron ng maipagmamalaki kahit wala naman. Sa tuwing ako'y nakakakita ng mga amang pinagmamalupitan ang kanilang mga anak, naisip ko tuloy na ang swerte ko naman pala at sya ang aking naging Ama.

At sa tuwing nakakakita ako ng mga iresponsableng Ama, ako'y nagagalak at higit sa lahat, nakakaramdam ako ng lungkot, sapagka't aminado ako na maka-ilang beses kong kinuwestyon ang kanyang pagiging Ama noon.

Aminado akong hindi ako naging mabuting anak. Inakala kong marami syang pagkukulang. gayong ako pala ang dahilan kung bakit napuno sya ng pag-asa at nagkaroon sya ng lakas upang maitaguyod ang pamilyang kanyang nabuo. May mga pagkakataon na siya'y naging mahigpit. Akala ko ayaw nya maging malaya ako, pero ang totoo, takot pala syang magkamali ako. Takot syang nakikita akong nahihirapan at nasasaktan.

Noong mga panahon na ako'y kanyang pinagsasabihan, ako naman ay madalas na nangangatwiran. Hindi ko man lang naisip na unti- unti palang nadudurog ang kanyang puso. Nasasaktan ko na pala sya, subalit binalewala ko ang lahat ng kanyang mga payo at mga sakripisyo upang ako'y dumaan sa tuwid na landas at nang magkaroon ako ng magandang bukas. Ako'y nagbibingi bingihan sa mga salitang kanyang binibigkas.

Sa tuwing sinasambit nya ang mga katagang "Papunta ka palang pabalik na ako." Nawalan ako ng respeto sa kanya. Natuto akong lumaban at naging bulag sa katotohanan na baliktarin man natin ang mundo, sya parin ang Ama ko.

Ilang libong beses man akong nadapa, lagi syang nandiyan. Tinutulungan nya akong bumangon. Sa lahat ng mga hamon sa buhay lagi syang nariyan at hindi nawalan ng tiwala sa akin. Nawalan man ako ng pag-asa, sya naman ay laging umaasa na darating ang araw magkakaroon din ng pagbabago sa aming relasyon at muling manunumbalik ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Sa aking Ama, patawarin mo ako sa lahat ng aking naging kasalanan. Naging masama akong Anak sa yo at alam kong hindi ako dapat tularan. Hindi ko tinupad ang lahat ng iyong mga payo. Minsan akong nalugmok at nawala sa tamang landas. Nais kong malaman mo na nagpapasalamat ako at ikaw ang naging Ama ko.

Ikaw ang Ama na pinapangarap ng iilan subalit ako naman itong Anak na hindi marunong magpasalamat at madalas na naghahanap ng kung ano man ang hindi mo kayang ibigay.

Sa puntong ito ng aking buhay, ako'y nagagalak at bago pa mahuli ang lahat, naiparamdam ko man lang sakanya ang pagmamahal at pag-aaruga, na noon ko pa ito dapat ginawa, kung hindi nga lang naging matigas ang ulo ko ay malamang maipagmamalaki nya na rin ako, tulad ng pagmamalaki ko sakanya. Nais kong malaman nya na sa mga sandaling ito, sya ang inspirasyon ko at hinahangaan ko. Sya ang matibay na haligi ng tananan na kailanma'y hindi matitibag ng kahit ano mang pagsubok at hindi basta masisira ng kahit ano mang unos.

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami, maraming mga anak na naging suwail sa kanilang mga magulang. Tulad ko, aminado akong nagkaroon ako ng sama ng loob sa aking Ama . Matagal na panahon akong nagkimkim ng galit at sama ng loob. Subalit ako'y natutuwa at binigyan ng Diyos ng linaw, ang aking isipan. Nilinis niya ang aking kaluluwa upang mawala ang lahat ng iyun, nang sa ganun, muling magkasundo ang aming kalooban.

Sana wala nang anak ang maging sakit sa ulo sa kanilang mga magulang dahil wala itong mabuting maidudulot. Isa-isip sana natin ang lahat ng kanilang sakripisyo mula ng araw na tayo'y isinilang sa mundo.

At sa mga amang iresponsable,malupit at nagiging masamang halimbawa sa kanilang mga anak , nais kong magkaroon na nang pagbabago sa inyong buhay, nang sa ganon, darating ang araw na maipagmamalaki din kayo ng inyong mga Anak at Asawa, para magkaroon ng saysay ang bawat salita at mga katagang madalas na sa inyo'y binibigkas sa tuwing darating ang araw ng mga Ama o Father's Day.

Mula sa aking Puso, alam kong magugustuhan nya ang aking  pagpapahalaga sakanya.

Mahal na mahal kita. You're the best Dad!!

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 03, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Salamat :)Where stories live. Discover now