Chapter 16

68 3 2
                                    

Chapter 16
Bulaklak

Wala na si Papa nang dumating ako sa bahay. Tahimik akong nagmartsa paakyat sa kwarto habang nakatingin sa akin si Mama. Hindi ko siya pinansin ngunit nahalata ko sa kanya ang pagkaguilty sa ginawa niya.

Hinila agad ako ng antok pagkahiga ko sa kama. Dahil na rin siguro sa pagod ko sa pag-iyak ay mabilis akong nakatulog.

Kinabukasan ay maaga akong nagising para pumunta sa school upang magpractice. Mayroon pa kaming isang buwan para magpractice at hanggang ngayon ay hindi pa rin namin natatapos.

Mabilis akong naligo at nagbihis dahil paniguradong hindi ako aabot sa practice kung binagalan ko ang kilos ko. Hindi na sana ako mag-uumagahan ngunit pinilit ako ni Mama. Nakita ko sa mukha niya ang guilt ngunit hindi ko iyon pinansin. Nginitian ko siya bago magsimulang kumain. Nakita ko ang pagtatanong sa mga mata niya kung ayos lang ba ako kaya nginitian ko ulit siya para ipakitang ayos lang. Wala na rin naman akong magagawa dahil nangyari na ang nangyari.

Hindi pa ako tapos kumain ay may biglang bumusinang sasakyan sa tapat ng gate namin. Sinilip ni Mama ang labas ng bahay upang malaman kung bisita ba namin ang naroroon sa labas. Napatingin sa akin si Mama at kumunot ang noo bago itinuro ang sasakyan sa labas.

"Kaibigan mo ba iyon?" aniya. Nagtataka akong tumayo para tingnan kung sino ang sinasabi ni Mama. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ang nasa labas ng bahay.

Gwapong gwapo sa suot na white shirt at polong nakabukas at faded jeans si Ash habang nakasandal sa pinto ng shotgun seat ng sports car niya. Napanganga ako sa porma habang prenteng nakasandal sa kotse sa tapat ng bahay namin at nakapikit habang nakangiti. Dali-dali akong lumabas para buksan ang gate kaya binuksan niya ang mga mata niya.

"Good morning, Aiesha." aniya sa isang ngiti. Napatitig ako sa mukha niyang tila kumikinang at glowing. Mukhang maganda ang gising ng isang ito. Napabalik ako sa wisyo ko nang bigla niyang ini-snap ang daliri sa harap ko.

"U-uh? A-anong ginagawa mo rito?" Hindi ko na napigilan ang pagkautal nang mapansing nakangiti at natatawa siya dahil sa pagkatulala ko. Napailing ako at sinubukang huwag matulala sa kagwapuhan niya.

"Hmm, maaga akong nakapaghanda para sa practice kaya heto at naisipan kong daanan ka. Ang sabi naman ni Liam ay wala ka pa raw sa university." aniya at ngumiti ulit. Napatingin ako sa loob ng gate at nakita si Mama na nakangiti roon habang nakasandal sa pintuan ng bahay.

"Huh? Ah, pasok ka muna. Hindi pa kasi ako tapos kumain. Kung gusto mo ay kumain ka na rin." pag-aaya ko sa kanya na hindi naman niya tinanggihan. Ipinaghanda rin siya ni Mama ng pagkain sa hapag. Tanging si Kuya na lang ang kulang dahil natutulog pa siya.

"Ma, si Ash nga pala, kaibigan tsaka kasama ko sa music org. Ash, si Mama." sabi ko at ngumiti bago ako bumalik sa pagkain.

"Good morning po, Ma'am." ani Ash sa isang pormal na tono. Natawa naman si Mama sa inasta ni Ash samantalang ako ay napangiti. Nakangiti lang din si Ash.

"Tita Nisha na lang. Masyado kang pormal, hijo. Hindi naman kita estudyante." ani Mama bago nagsimulang kumain. Nginitian siya ni Ash at nagsimula na rin itong kumain.

Dinaldal ni Mama si Ash tungkol sa music org at sa iba pa nitong mga hilig. Marahil ay nagtataka na ngayon si Mama kung bakit naririto si Ash. Malamang ay inisip na nyang may something kami ni Ash.

Inabot din kami ng isa't kalahating oras sa pagkukwentuhan at pagkain. Kung hindi ko lang ipinaalala na may practice pa kami ay baka abutin ng tanghali si Ash. Maraming tanong si Mama tungkol sa school at sa mga clubs at practices namin. Sagot naman nang sagot si Ash kaya patuloy ang pag-uusap nila.

Hanggang KailanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon