Sword Of The Stranger

30 8 3
                                    


SITHAWA, ang dating tahimik at maayos na bayan na ito'y hindi na maibabalik sa dati pagkatapos ng digmaan. Karamihan sa mga bahay na nakatayo'y abandunado na't giba o napabayaan. Mistulang impyerno sa lupa, 'yan ang mga bayan sa ilalim ng Emperyo. Mangilan-ngilang tindahan ang makikitang nagdarahop sa pagtitinda ng inihaw na isda at mga paso na yari sa gulong na tinunaw at hinulma matapos kulayan ng berde. Saan ka man tumingin, makikita mong palakad-lakad ang mga mersenaryo't maton na nangungulekta ng gilda sa mga tindero't tindera doon. Ang bayan na ito'y pinamumugaran ng mga grupo ng mamamatay tao mula sa iba't-ibang dako; naglalaban at nagpapataasan ng kanilang ihi sa dami ng sakop at koneksiyong hawak. Ilang kalalakihan ang makikitang nagsasayaw sa gitna ng palayan habang nakabilad sa ilalim ng mainit na araw sa katanghalian. Hinahalo ang kanilang mga palay sa putik gamit ang kanilang mga paa at nangangapal nang talampakan.

Sa gitna ng lahat ng iyon ay isang kalbong lalaki ang tumatakbo na para bang hinahabol ng isang hindi nakikitang kalaban! Ang layo at hirap ng kanyang pinagdaanan ay makikita sa suot niyang marumi at sira-sirang damit. Namumuo din ang balakubak sa kanyang bunbunan. Pakay niya ay ang tabernang nasa dulo ng kapatagan. Nagdudugo ang mga paa sa batong naaapakan!

Hangos hingal ang pagpasok ng kalbo. Laylay ang dilang inusal ang dalang balita. Halos pabulong.

"R...W.........a..L"

Walang pumansin. Lubhang mas malakas ang tawanan ng humigit kumulang isang dosenang maton na nag-iinuman at nagkakantahan sa videoke, idagdag pa ang hiphop music na maririnig mula sa isang malaking speaker na nakabuilt-in sa may kisame malapit sa counter. Maging ang barista'y abala sa paglalagay ng alak at panunukli sa kanyang mga miron na halatang mga suki sa lugar na iyon. Muriel ang pangalan ng babae, siya ang tagapangalaga ng tabernang tinitigilan ng mga mersenaryo't manlalakbay mula pa sa ibang ibayo. Isang regular na pigura pero may angking tamang ganda. Kalmado ang kanyang mukha.

Napaluhod ang kalbo malapit sa swinging door at sumigaw.

"Andito siya!!!"

"Anong pinagsasasabi mo?!?"

"Alagad ng ritwal!! RITWALLL!!" bulalas nito, sabay napadapa sa sobrang pata.

Lumapit ang isa para hilahin ang nakaharang sa daraanan! Natigalgal ang lahat sa isang bigkas ng salitang nagsisimula sa letrang R at nagtatapos sa letrang L! Dumuro ang nagtatalimang mga mata sa kalbong hindi makagulapay. Natahimik ang lahat maliban sa hiphop music sa ere. Nagsimula ang bulung-bulungan.

"One sided na suklay ng buhok..kayumangging balat na medyo tagihawatin..nakaputi't parang bagong gising na mga mata..."

"Kayumangging balat at inaantok na mga mata?"

"Hindi pwedeng ipagkamali...siya na nga! Ang alagad ng ritwal!" sabay kagat sa kikiam sa stick.

"...ang lalaking nagpatumba sa pangkat ng mamamatay sa kanluran?" pawisang pahayag ng isang miron. "Mga mandirigmang walang awa at walang kapantay sa pakikipaglaban.."sabi ng isa. "Tumalo sa magkakapatid na Uzera sa pamamagitan lamang ng limang galaw!"

"Pambihira..." ramdam ang pangamba. Subalit hindi lahat ay natatakot.

"Asan na ang mga itlog nyo, mga hinayupak!?" sabay hagis sa basong sumambulat sa pader! "Ito ang pagkakataong hinihintay natin! Ako mismo ang tatabas sa ulo ng TatsuNin na ito sa sandaling pagtungtong niya dito sa loob!"

"Kagaguhan!! Hindi mo kaya!" tumayo ang isang may sukbit na samurai sa kanyang balikat. "manood ka't gagawin kong palaman sa tinapay ang timawang ito!!".

Nagsimulang magtayuan ang iba pang mersenaryo't maton sa wikang sila ang tatapos sa TatsuNin. Napuno ng payabangan at kantiyawan ang taberna sa pag-uunahan sa ulo ng alagad ng Ritwal. Ang may pinakamalalaking sandata ang siyang may pinakamalakas na pahaging!

RITWALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon