GarnaRoo Strikes

24 8 2
                                    

"Siya nga!" habang hawak ang pulyetong larawan.

"Malaki ang pagkakautang sa akin ng mga TatsuNin. Hayaan niyong ako ang sa kanya'y tumapos... Ang hugasan ang aking kamay ng kanyang dugo ay isang malaking karangalang ikagagalak kong ipagkaloob."

"Nagsimula na silang kumilos. At bawat minutong tinatagal nila sa mundong ito'y panglalait sa ating mabunying pamahalaan. Naiutos na ang pag-ubos. Susuyurin natin ang kanilang lahi. Nalalapit na ang pagdating ng araw...ang Ritwal ay isa na lamang kwentong panakot sa mga bata at ang Emperyo ang siyang magiging pinaka malakas at pinaka makapangyarihan! Lahat ay pasasailalim sa nag-iisang langit."

Mariin ang ginawang pagyukod. Nakapiin ang mga tuhod sa pulang carpet. Ang matapang na mukha ng pangkat ay natatabunan ng asul nilang mga lambong. Malalim ang bawat paghinga. Nagliliwanag ang kanilang mga mata sa ilalim ng anino. Kakaibang liwanag.

Maririnig ang kulog sa labas ng silid. Nagngingitngit ang langit.

"Walang duda..." sambit ni Budo.

* * *

Itim na mga ibon ang naglipana sa bughaw na langit bilang simbolo ng kamatayan sa Watrule, ang barrio na winakasan ng pambihirang tsunami sa dahilang malapit ito sa bahagi ng dagat. Ang mga bahay ay inanod at na-giba. Bata't matanda ang makikitang nakahandusay sa maduming lupa. May mga sanggol na naglutangan sa kanal yakap ang kanilang mga laruan sa dibdib. Karamihan ay nilunod at nalibing sa rumaragasang putik buhat sa gumuhong kabundukan. Sa ibabaw ng mga katawan ay dalawang mama ang doo'y naghahanap ng kanilang ikabubuhay. May buhay sa kamatayn ika nga... at ang hindi pakikinabangan ng patay ay may silbi sa mga taong humihinga. Hila ng isa ang karosang puno ng pinagpatong-patong na bangkay. Piyesta ang mga langaw at bulate. Ang ilan ay lumulobo na dahil ilang araw nang nalubog sa tubig. Ang kalbo nama'y nangunguha ng mga ayos pang bakal at upuan... pag-asang maaari pang maibenta. Panay putik ang katawan at mukha.

Sa masukal na putikan, unti-uting lumitaw ang pigura ng isang babaeng naglalakad sa dulo ng kalsada. Lupaypay at pasuray-suray sa kanyang mga yapak. Tangkang mapagsino ang papalapit, tumuntong ng isa pang baytang ang kalbo't kinubli ang mata sa nakasisilaw na araw. Kung ibabase sa kulay ng damit, ang bisita'y mula sa kabilang baryo. Aniya.. Dulo ng mga daliri nito'y kulay ube!

Napabalikwas at nahulog sa hagdan ang isa nang mabanaagan na ang dilat nitong mga mata ay puno ng putik at uod!

Dumamay ang kanyang kasama para siya ay hilahin. Tumigil sa paglakad ang babae, ilang dipang layo sa kanila...kahindik – hindik ang kasunod.

"Epi...demya sa...Na..pi....kamat....ayan...."

Lumalabas ang paisa-isang langaw sa bawat buka ng bibig, kasabay nito ang masangsang na amoy ng burak at naaagnas na laman. Nakagigimbal na tanawin!

"...signos...dumating na ang signos..."

Sumuka ng sandamukal na bulate! Sumamang nalaglag ang nanluwag nitong mga mata. Napisak nang ito'y maluhuran! Napatayo ang dalawa at tumalilis sa pagtakbo! Walang lingon-lingon, tanging sigaw ng saklolo! Plakdang tumumba naman ang patang katawan habang pinapasukan ang mata't bibig ng putik! Isang Shikon no jutsu ang nagpakilos sa kawawang kaluluwa, hatid ay takot at masamang babala.

Sa malagong kakahuyan, ngumisi ang may gawa... saka kisapmatang lumisan.

* * *

Ang pangyayari'y mabilis kumalat sa karatig bayan. Binarikadahan ang mga daanang kalsada mula sa bundok ng Tamargo, Sinai... palabas ng Napi at Sucar Panark. Tinabunan ng naglalakihang bato ang lusutang kweba para maiwasan ang pagkalat ng napabalitang karamdaman. Sundalo ng emperyo sa bawat dako. Tinakpan ang sewage system at underground tunnels na pinaghihinalaang pinagmulan ng epidemya galing sa dumi ng daga. Habang sa mga oras na iyon ay maririnig ang hingal at pagal na hagok ng isang babaeng tinatangkang takasan ang natitiyak niyang kamatayan! May dalawang lalaking sa kanya ay humahabol! Palingon-lingon, walang prenong binabagtas ng dalaga ang masukal na kanal kung saan hanggang sakong ang maduming tubig!

RITWALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon