Wounds

23 8 1
                                    

Tahimik ang bawat paglubog ng araw. Bahagyang lumalagos sa mga uwang sa itaas ang dalandang langit. Ang nahintong ilog sa ilalim ng Dominia ay matatagpuan lamang sa likod ng bahay ni Dita. Pinamumugaran ito ng mga naglalarong langaw. Pinagmamasdan ni Jom ang repliksyon ng kanyang mukha. Sa loob ay banayad na niyayapos ni Yena ang buhok ng kanyang kapatid habang mahimbing itong nakahiga sa katre. Balot ng benda ang bahagi ng tiyan at nakakabit ang swero sa kanyang kaliwang kamay.

Nakasandal si Paul sa may pintuan katapat ng higaan.

"...akala ko, ako ang nagbabantay sa kanya...baliktad pala..."

Umagos ang luha sa kaniyang pagyakap. Pasan ang bigat ng responsibilidad sa kaligtasan ng mahal na bunso. Pangakong binitiwan sa kanilang mga magulang bago ito magsipanaw.

"Wala kang kasalanan...walang isa mang may gusto sa pangyayari. Sa murang edad naiintindihan ni Ivan ang lahat ng ating pinaglalaban...."

"...walang silbi ang lahat ng pangarap na ito kung wala akong pag-aalayan...." Bulong ni Yena.

"...sidhi...bugso ng damdamin. Sobrang sidhi, ibinuwis niya ang kanyang buhay..."

Pinunasan ni Yena ang kanyang mukha. Sa loob-loob niya'y alam niyang hindi dapat umabot sa ganito. Kung may masamang mangyari sa kapatid niya'y hindi niya makakayanan. Napalingon ang dalawa sa marahang pagbukas ng pintuan... si Dita't ang Inin. Dumiretso si Yuro sa may sirang bintana at nagbukas ng isang nakalundong panel. Doon siya'y naupo. Pumasok ang banayad na hangin.

"Ligtas na siya, Yena. Bagamat maraming dugong nawala sa kanya, salamat naman at walang napinsalang internal organs."

Lumapit si Garmat at hinawakan sa balikat ang kababata. Luha ng tuwa ang nasa mukha ng dalaga. Medyo lumuwag ang paghinga. Sinindihan ni Yuro ang kanyang sigarilyo. Bumuga ng usok sa labas. Umayos ng upo't hinarap ang dalawa.

"Malinaw na hindi pa tapos ang laban. Sa mga sandaling ito'y pinaplano na ng mga kumag ang pag-ubos sa atin. Kung hindi natin sila uunahan sa itaas ay tayo ang bababain nila dito."

Humithit ng sigarilyo... Nagpatuloy. Bitbit ang backpack ni Yena'y lumapit si Dita.

"Ang Biros..." ang sambit.

"Binanggit sa akin ng prinsesa kung saan 'to dapat ilagay bago kami nagkahiwalay. Irereverse nito ang magnetic pull ng still plates sa sandaling madismantle ito't maghiwa-hiwalay."

"...at ang pangkalahatang blueprint ng Sector 5 tower ay matatagpuan din sa disk na bigay ni Kenda." Ani Dita. "Magsisimula na akong magprint ng kopya."

"Kailangan nating mai-shutdown ang powersource upang ma-disengage ang platforms... yun ang una nating dapat gawin..."

"Alam ko..." sarkastikong sagot, muling bumaling sa labas ng bintana ang Inin. Doon tanaw niya ang ibang miyembro ng Mulat, nakakumpol sa matigas lupa. Panay ang daan ng alikabok subalit hindi alinatana. Nakapalibot at alay ang dasal sa kanilang mga pumanaw na kasama't kapatid sa paniniwala. Sina Reineer,Gorteg, Tefano'y walang tigil sa paghikbi't pag luha. Inalayan ni Mhotto ng Grenache ang patong-patong na hollowblocks na kinorteng puntod. Ang puntod ng kanyang kakambal na si Otto. Ibinuhos doon ang alak.

Isang pagsaludo.

Pinagdikit niya ang kanyang hinlalaki at hinliliit at inilapat ang tatlong daliri ng kanyang kanang kamay sa kanyang noo, labi at dibdib. ManusFortunae . Ang pag-aantanda sa turo ng kataastaasang Kadan. Isinabit ni Mhotto ang kanyang kwintas sa puntod at pinahiran ang kanyang luha. Umakbay ang kanyang mga kaibigan.

"Magbabayad sila..." ang wika.

* * *

Puno ng energy surge ang mismong base ng Sector 5 Ecolai. Parang isang napakalaking tore lamang ito sa malayo na sumosuporta sa malawakang plate sa langit na nababalutan ng maitim na usok ng polusyon. Ang nag-iisang reactor ay hirap sa pagsipsip ng Golema buhat sa planeta.

RITWALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon