Yuro Of The Wind

17 7 1
                                    

Sa pinagsamang lakas ng isip at Golema, hinati ng napakalakas at matalim na hangin ang missile bago pa man ito makalapit sa Infinitu. Lumikha ng malaking uwang sa harap ang delikadong bigwas. Napuno ng balumbon ng usok at pagsabog ang kaliwa't kanan ng taberna.

Nabitawan ng mga mistah ang kanilang mga armas sa lakas ng pwersang sa kanila'y bumangga. Napanganga ang ilan sa kakaibang nasaksihan. Humiwalay ang dulo ng kanilang mga sandata. Naputol. Napatayo sina Yena't Dita na tila nakakita ng aparisyon. Sinipa ni Yuro ang wasak na pintuan at hinarap ang mga hagad na nasa labas lang ng kanyang taberna. Tumungo sa may hagdan. Namulat ang dalawang "Mulat" sa kakayahan ng isa pang alagad ng Ritwal.

Tumalilis ang ilang nasindak na sundalo palayo sa Sector 8. Bahag ang mga buntot na nagsitakas hawak ang kani-kanilang mga riple. Kamatayan ang kapalit sa karuwagang maipapamalas sa ilalim ng militar ng Emperyo! Naghanda ang mga Tinyente ng pangkat at ilang tagasunod at itinuon ang mga built –in gatling guns ng mga tanke at Hummer sa mga ito. Ang Gryazev-Shipunov GSh-6-23 , ay isang 6 barrelled weapon na may kakayahang magpakawala ng 10,000 na bala bawat minuto. Bumalandra ang 23mm ammo belt at walang habas na niratrat ang mga papalayo! Nagliparan ang mga lamang loob ng mga sundalong papatakas sa bawat tama ng balang gabraso ang haba bawat isa. Putol-putol na katawan! Butas-butas na kalamnan! Walang pinaligtas ang kamatayan. Ganito kalupit ang pamahalaan.

"Nakita mo kung gaano ka seryoso ang Emperyo sa pagpapanatili ng kapayapaan, alagad ng Ritwal?!?!! Ang sinumang kumalaban at sumalungat sa pamahalaan ay haharap sa iisang hatol! Kamatayan!!." Lumantad si Marzen at tumuntong sa ibabaw ng M1A2. "Magandang..." sabay tingin sa relo. "...magandang hapon sa'yo magiting na tagasunod ng Ritwal! Ngayon ko lang nakita sa personal ang isa sa mga kinatatakutang galaw ng mga Inin! Praktisado..marahil?!?"

Nanatiling nakatayo si Yuro sa harap ng taberna malapit sa hagdanang kahoy. Nakangisi, kagat ang paubos nang sigarilyo. Nakayapak ang dalawang paa. Nakayuko sina Yena't Dita sa loob.

Lumapit ang isa sa mga sundalong kanina pa abala sa pag-aanalisa ng enerhiyang nagmumula sa paligid ng Infinitu. Isang hindi pangkaraniwang Golema. Bumulong sa mersenaryo't kinagitla ng huli. Ngayon tumimo na sa kanila kung sino ang kanilang kaharap.

Si Yuro'y hindi lamang isang regular na alagad ng Ritwal. Siya'y master ng ika-limang kapangyarihan.

Ang Hangin.

Nagsalubong ang kilay ni Marzen at tumalim ang mga mata. Pinag-umpak ang kamao't palad. Kilala ang mga Inin sa kanilang bilis at galling sa pakikipaglaban; kailangan niyang maging seryoso. Kailangan niyang ituon ang kanyang atensiyon kung nais niyang magtagumpay sa kanyang pagsugod.

"Roy Yuroooo!!! Oras na para sa iyong kamatayan!!!" muling pinagsalubong ang mga palad! Tila batang nagpapakitang gilas! Selyo'y binuo.

Hebi, Zai, Ousu-Buta, Uma, Zai!!

Ninpou...Kirigakure no Jutsu!!

Namuo ang maliliit na butil ng hamog sa ere buhat sa kanyang kinatatayuan. Ang kaninang nabalutan ng alikabok lupa'y napalitan ng nakabubulag na ulap. Mabilis na tinakpan nito ang pangkalahatan ng Sector 8. 0 visibility. Nawala sa paningin ng tatlong Mulat ang mga nakaparadang tanke at nakaambang mga sundalo. Tanging mga yapak, tinig at nagkakasahang mga AK-47.

Walang pagkilos mula kay Yuro.

Nagsindi ito ng yosi. Humithit at nagbuga ng usok. Paitaas. Malaki ang ngising tila nakakaloko.

"LINTEK KA!!! Kaibigan ko ang hangin!!" sigaw nito.

"OPEN FIRE!!" hiyaw buhat sa malayo.

Hindi magkakitaan. Hinugot ng mga sundalo ang mga pistola sa kanilang tagiliran at mabilis na itinutok sa kalmado at nakangising Inin.

RITWALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon