Tag-ulan
1.10.17Nagsimula ang ating istorya sa isang tag-ulan
Kung saan umiiyak at humihikbi ang kalangitan
At sa hindi inaasahang pagkakataon, nagtagpo ang ating landas
Ikaw ay isang magnanakaw, at ang puso ko'y hindi nakaligtas
Ngunit mas hindi ko inasahan ang pag-abot mo
Ng puso mong naghihingalo
Bitak-bitak at halos hindi na makilala
Na tila wala nang pag-asang maayos pa
Ngunit tinanggap ko parin ang basag mong puso
Minahal, inalagaan, iningatan, at muling binuo
Bilang kapalit, inabot ko rin ang aking puso
At hindi ka naman nagsisi, dahil naging masaya ka sa piling ko.
Naging makulay muli ang iyong mundo
Nakabuo kang muli ng panibagong mga pangako
Na hindi mo itinaga sa bato kundi sa aking puso
Na mayroong permanenteng tinta
Na hindi mabubura ng kahit anong pambura
Ikaw ay napapaluha hindi dahil sa lungkot ngunit dahil sa saya
Naging maligayang muli ang iyong mga mata
At ako rin ay naging masaya
Dahil balikat ko ang iyong sinandalan
Unan ko ang iyong iniyakan
Numero ko ang iyong tinatawagan
At ang mahalin ako pabalik ay iyong natutunan.
Ngunit sa isang tag-ulan
Ay muling nagbalik ang iyong nakaraan
Bigla niyang kinuha ang puso mo mula sa mga kamay ko
Ang puso mong winasak niya at muli kong nabuo
Ang puso mo na aking inalagaan
Na ako ang naging kanlungan
Napaluha na lamang ako
Nang binalik mo sa'kin ang puso ko
Puso kong naghihingalo
Bitak-bitak at halos 'di na makilala pa
Na tila wala nang pag-asang maayos pa
Nagtapos tayo sa isang tag-ulan
Kung saan umiiyak at humihikbi ang kalangitan
Kasabay ng pag-iyak ng sawi kong puso
Na buo kong binigay, ngunit wasak na nang maibalik mo.
