ak amasaK
9.17.17
revised on 4.11.18Nagbibilang ng segundo
Lima, apat, tatlo
Hinahakbang paatras
Ang mga paang dapat naglalakad pasulong
Tatlo, dalawa, isa
Sana sa pagmulat ng aking mga mata
Ay nasa tabi muli kita.
Ibalik sa paglubog ng buwan
Sa pagliwanag ng araw bago sumapit ang kadiliman
Sa umagang sumapit kahapon
At sa pagbalik ko, sana'y huwag nang sumapit ang hapon
Para makasama kita nang mas matagal
Teka, ayoko ng matagal
Gusto ko ng walang hanggan
Gusto ko ng hindi tumitigil
Gusto ko ng walang pagmamadali
Nais ko lamang manatili
Dito sa iyong tabi.
Sa yakap mong mahigpit
Sa mainit mong mga halik
Sa ating pagsayaw sa ilalim ng araw
Kasama ka sa bawat sandali.
Sa paglingon ko sa iyong gawi
Ay nasilayan kong muli ang iyong ngiti
Ngunit iyon lamang ay sandali
Pagka't ang segundo'y nagbibilang muli
Isa, dalawa, tatlo
Paa ko'y muling naglalakad nang pasulong
Tatlo, apat, lima
Minulat ko ang aking mga mata
Kasama ka, sa loob ng isang litratong luma.
