Elsa (Sa sumpa ng Manananggal)

335 8 0
                                    

Sa paglitaw ng bilog na buwan
Mababakas ang sumpa ng kadiliman.
Kasabay ng maka panindig balahibong alulong mula sa kawalan
Patingaw sa gabi ng katahimikan.

Tangay ng malamig na simoy ng hanging amihan ang marahang pag-igik.
Dulot ng matinding sakit.
Katawang umiiktad at pumipilantik
Nang ito'y lukuban ng kakaibang init
pagkauhaw sa dugo't laman
Na kanyang pinipigilan
ngunit hindi na makayanan.

"AHHHH!!!"

Sa pagbukas ng kanyang malapad at itim na pakpak.
Katawan niya'y unti-unting nabibiyak
Kulay dugong mga mata'y hilam ng mga luha tanda ng pag-iyak.
Habang mga kuko't pangil ay kasing talas na ng isang itak.

Sumpa ng pagiging manananggal sa kanya'y pumaloob na.
Ngayon siya'y hindi na si Elsa
ang mahinhin at magandang dalaga sa umaga
kundi si Iska.
ang kampon ng kasamaan.
Na sa isang malakas na pagpagaspas siya'y pumailanlang.
Habang kalahati ng katawan ay naiwan sa damuhan.
Duguan...
Nakalaylay ang bituka't ibang laman.

Sa malawak na parang
isang lalaki ang nakatunghay sa kalangitan.
Naghihintay sa piling ng mga tala at buwan.
At ng kanyang katapusan.

Siya'y si Emmanuel
ang mambabarang.
Ang lalaking kanyang minamahal.
Taglay ang puso na siyang lunas sa kanyang pagiging manananggal.
Siya'y nakangiti habang pinapaslang.
At sa kadiliman...
panaghoy niya'y pumailanlang, "Elsa..ma..hal."

"Emmanuel..."

KilabotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon