Panaginip ay paulit-ulit;
lagi raw akong naliligaw, tumatakbo.
Paikot-ikot sa lugar na alam ko, sa isang lugar na pamilyar sa paningin ko.
Subalit ang tanong, "Bakit ganito? Bakit ako nawawala sa sarili kong paraiso?Iba't iba'ng pangitain, buhol-buhok na kaganapan.
Hindi maintindihan,
walang mahanap na kasagutan.
Tulog yaring pisikal na katawan,
subalit diwa'y napapadpad kung saan-saan.Ilang beses na rin akong nahulog sa bangin,
subalit sa bawat paggising ko'y buhay naman.
Parati akong nawawalan ng tsinelas; o 'di nama kaya'y natutuklaw ng makamandag na ahas.At ngayong gabi nga'y eto't panibagong eksena na naman.
Naririto raw ako sa isang lumang dampa, kasama ang isang matanda.
Nakasuot ito ng itim na bestida,
nakayuko ang ulo na natatalukbungan ng itim na belo.
Nakaluhod sa natutulos na pulang kandila; may binubulong na kung ano.Ako'y tahimik lamang na nakamasid.
Nakaupo sa isang sulok, kinikilala ang paligid.
Kalauna'y umuuga-uga na itong ulo; nakadama na nang pagkaantok.
Subalit alam ko namang ako'y nakahiga na't tulog, pero bakit sa eksenang ito'y inaantok?Ako ay napakamot.
Nakaramdam ako ng bahagyang pagyugyog sa aking balikat; mga mata'y biglang napadilat.
Subalit...
Sa pagbukas ng aking mga talukap,
panibagong eksena ay agad akong niyakap.Ibang lugar na naman ang aking nakita.
Kanina'y nasa isang lumang dampa, ngayo'y nasa sariling tahanan ko na.
Pero naroon pa rin sa eksena 'yung matanda.
Nakaitim pa rin na bestida: may belo pa rin sa ulo, at may tabing pa rin ang mukha.
Kahit ano'ng gawin kong silip, hindi ko magawang makita.
Laging bumabalik ang aking paningin, sa mga ngipin niyang mapupula: mantsa ng nginunguya niyang bunga.Ako'y hindi na rin nakaupo; bagkus, ngayo'y nakahiga.
Nakahiga sa aking kama, katabi ang aking ina.
Batid kong matandang ito ay aking kilala;
sapagkat sa unti-unti niyang paglapit, ako'y nakangiti pa nga.
Pero ang hindi ko maipaliwanag,
ay 'yung biglaan niyang pagsunggab - pagsakmal sa aking leeg.
Hindi ako makapalag.
Hindi ako makagalaw.
Hindi ako makasigaw.
Hindi ako marinig ng aking ina, kahit anong gawin kong kulahaw.
Hanggang sa sumilip ang liwanag na nakakasilaw;
nakakasilaw na sinag ng araw.Umaga na.
Mata'y kumukurap-kurap, sunod-sunod ang pagsinghap.
Ako'y tigmak ng pawis at mga luha,
sa kabila ng sariwang hangin na nanaog-labas sa bukas na bintana.Isipa'y blangko, subalit tolero;
ang paningin na malambong,
sa dreamcatcher nakatuon.
Ang inuugoy ng hangin na dreamcatcher sa may bintana;
ang dreamcatcher na ibinigay sa akin ng isang matanda.
Na ang buong akala ko'y swerte ang dala, 'yon pala ay malagim na SUMPA.Kaya ngayon...
...ako naman ang maghahanap ng mabibiktimang kaluluwa.
Pero ang tanong..."Pwede ka ba?"