Hay, Buhay! Parang Buhay!
Noong ipinanganak tayo sa mundo, hindi naman tayo pinapili kung gusto ba nating mabuhay o hindi. Basta na lang tayo isinilang at nang magkaisip ay nandito na tayo. Pati nga magulang natin ay wala rin tayong naging boses kung sino ang gusto nating maging tatay at nanay. Kung sino ang kinagisnan nating mga magulang, iyon na 'yon. Wala tayong choice but to embrace them.
Habang lumalaki tayo hanggang sa magkaroon ng sapat na pag-iisip, at saka lang tayo nagkakaroon ng karapatang magdesisyon para sa ating mga sarili. Iyong iba nga minamalas pa dahil hanggang sa pagtanda nila ay nananatili lang silang sunud-sunuran sa gusto ng iba (parents included).
Ngunit kahit na ang lahat ng kilos natin sa ating pagkabata ay nakadepende sa kung ano ang gusto ng mga taong nakapaligid sa atin, hindi maitatanggi na napakasarap pa ring maging bata. Iyong tipong wala kang iisipin kundi maglaro, kumain, mag-aral, matulog at sumunod sa mga utos ng mga nakatatanda sa'yo. Minsan talagang nakakasawa rin ang maging sunud-sunuran, pero ganoon talaga ang proseso. Kailangan mong sumunod. Puwede ka namang kumontra, pero kalaban mo ang buong mundo. Ikaw na ang magiging pinakawalang kuwentang anak sa paningin ng ibang tao.
Kasabay ng ating paglaki at unti-unting pagkakaroon ng sariling pag-iisip ay ang pagdating naman ng ating mga personal na problema. Nakaka-shock sa umpisa. Iisipin mo, may ganito pala? Parang, ako ba talaga ang dapat magresolba nito? 'Ma, 'Pa! Patulong naman. Oo, ganoon 'yon. Sa huli, hihingi at hihingi pa rin tayo ng tulong sa pamilya.
Habang nagkakaedad tayo, nagiging mas pabigat ng pabigat ang mga dumarating na problema. Minsan nga dumadating sa punto na parang ayaw mo nang mabuhay. Gusto mo nang sumuko. Iyong tipong bagsak na bagsak ka na, subsob na subsob pa. At ang nakakainis pa, may mga taong parang masaya pa na nasadlak ka sa ganoong sitwasyon. Mga tinamaan ng lintik! Sadista. Nagdiriwang habang nagdurusa ang iba!
Ganoon lang ang magiging ikot ng mundo para sa'yo. Malungkot ngayon, bukas masaya. Masuwerte bukas, sa kasunod na araw malas naman. Parang gulong na umiikot lang. Sabi nga, minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Pero sana nga ganoon talaga ang pag-ikot ng gulong. Paano naman kasi, bakit may mga pagkakataong parang minsan nasa ibabaw, madalas nasa ilalim. At tila hindi pa nakuntento, huminto na sa pag-ikot ang gulong kung kaya naipit ka na sa ilalim. Hanggang gusto mo nang sumigaw ng "Ayoko nang mabuhay!!!". Pero alam mo ba na ang pagdating ng mga problema sa buhay natin ay katulad ng pagsapit ng gabi pagkatapos ng isang buong araw? Sa simula ng gabi, papadilim pa lang. Tapos magiging madilim na talaga. Hanggang sa umabot sa puntong madilim na madilim na. Iyon bang sobrang kadiliman na ang bumabalot sa mundo. Ganoon din ang mga problema. Nag-uumpisa na parang kayang-kaya mo pa. Tapos biglang, teka mabigat na pala. At aabot na sa puntong halos bumagsak ka na sa bigat ng pinapasan mo sa iyong balikat. Pero tatandaan mo, sa bawat problemang dumarating at darating pa sa ating mga buhay, laban lang. Huwag na huwag susuko. Dahil katulad ng gabi, kung kailan madilim na madilim na, iyon ang oras na malapit nang sumikat ang araw. At sa pagdating ng isang bagong umaga, puwede ka nang mag-umpisa ulit na ngumiti. Puwede ka nang maging masayang muli at magsabing, "Hello, problem. Natalo kita!".
Pero ang kaso, hindi naman kasi lahat ng tao ay marunong magdala ng problema. May mga taong likas na mahina. Likas na iyakin. Feeling nila, hindi nila kaya. Hindi pa nga nasusubukan sumusuko na kaagad. Makanti mo lang ng konti, pakiramdam nila aping-api na sila. Mapagsabihan mo lang (dahil iniisip mo ang kapakanan nila), feeling nila against na sa kanila ang buong mundo. Akala nila mag-isa na lang sila at walang kakampi. Kaya pagsuko ang unang-una nilang naiisip. Kung hindi man pagsuko, pagtakas sa problema ang kanilang ginagawa. Akala siguro nila, matatakasan ang problema. Hindi naman, 'di ba? Kasi ang problema, kung hindi mo mareresolba ay mananatiling andiyan lang. Hindi mawawala. Problema pa rin na maaaring magpasakit ng ulo mo sa darating na mga araw.
Totoong malupit ang mundo. Hindi ito para sa mga taong iyakin. Para ka mag-survive, kailangang matapang ka. Kailangang marunong kang sumagupa sa mga hamon ng buhay. Dapat kaya mong makipaglaro sa alon. Hindi dahil lang sa ayaw mo na ay ayaw mo na talaga. Oo, may free will ka at puwede mo itong gamitin anytime pero hindi ibig sabihin na malaya kang abusuhin ang free will na 'yan lalo na at ikaw rin ang maaapektuhan in a negative way sa maling paggamit mo ng iyong ipinagmamalaking free will.
Hindi ka dapat nagpapadalos-dalos sa pagdedesisyon. Mag-isip ka muna. Balansehin mong mabuti ang mga bagay-bagay. Isipin mo, hindi lang ang magiging epekto sa'yo ng magiging desisyon mo kung hindi ang magiging epekto nito sa mga taong nakapaligid sa'yo. No man is an island. Hindi ka nabubuhay para sa sarili mo lamang. Mag-isip ka. Mag-isip ka nang mabuti. At mag-isip ka nang tama.
Minsan, may nagtanong sa akin. Sabi niya, "Kuya, is it okay if I regret living?"
Natigilan ako. Of all people, hindi ko ini-expect na sa kanya pa manggagaling ang ganoong tanong. I know that person to be very religious and full of life. How come na maiisip niya ang ganoong klaseng tanong?
Sabi ko sa kanya, "It's not okay. Life is a gift from God. Do you regret receiving the gift of life?"
"Of course not," sagot niya. "Everytime na naaalala ko na life is a gift from God... No, no, no, no..."
"May times lang talaga when you'll feel the emptiness," pagpapatuloy ko. "Pero huwag mong gawing reason 'yung emptiness na iyon to regret living."
"Yeah," pagsang-ayon niya.
"Kailangan lang talaga nating ma-experience iyong mga 'di maganda para ma-appreciate natin kung ano 'yung maganda. How can you appreciate the beauty of life when you have not experienced struggle and all?"
"Grabe, kuya. Tagos!"
"Basta, kapag nabibigatan ka na, always talk to the Lord. Kahit asan ka, kahit anong oras pa 'yan..."
Sana lahat ng tao ay marunong magpahalaga, hindi lang sa buhay kung hindi pati na rin sa mga magagandang nangyayari sa buhay nila. Sa mundo na napakahirap mag-survive, suwerte na kung magkakaroon ka ng isang bagay na napakahirap makuha pero naabot mo nang mabilis at madali lang. You're blessed.
Sana huwag mong sayangin ang blessing.
BINABASA MO ANG
He Speaks, She Talks (Completed)
No FicciónManiwala ka, buhay mo ang laman nito. A collaboration with @greatfairy ©2017 by greatfairy and manrvinm Rank 123 in Non Fiction - Jan 1, 2018