Chapter IV: Airplane

84 4 2
                                    

“Magandang umaga po sa inyo.” Nandito ako sa opisina ni Sister Tina at naabutan ko pa ang ilang madre doon.

“Magandang umaga din.” Bati nilang lahat sa akin. Ngumiti ako.

“Sister Tina, magpapaalam po sana ako. Kailangan ko pong pumunta sa unibersidad na papasukan ko para maibigay yung certificate na natanggap ko galing sa kanila.” Nakatingin ang lahat ng madre sa akin habang nagsasalita ako. Hindi ko tuloy maiwasang mailang. Yumuko na lang tuloy ako para hindi ko makita ang mga mukha nila.

“Ahh, ganoon ba? Sige, pero huwag magpapagabi. Maliwanag ba? Alam mo na naman ang patakaran. Kung wala ka pa ng alas-siyete ng gabi, hindi ka na makakapasok ng New Hope. Maghihintay ka ng kinabukasan.” Inayos niya ang kanyang makapal na salamin at tumitig sa akin.

 

“Alam ko po yun at naiintindihan ko po ang mga patakaran dito. Huwag po kayong mag-alala, hindi naman po ako mahilig maglakwatsa. Uuwi po ako agad. Sige po, mauna na po ako sa inyo.” Nginitian ko ang lahat ng mga madreng nakaupo doon bago ako tuluyang umalis.

Sisimulan ko ang bago kong buhay ngayon.

Lumabas na ako ng ampunan. Haayyy… ang gaan ng pakiramdam ko ngayon. Tumingala ako at tiningnan ang napakaliwanag na kalangitan. Ang tagal ko nang nabubuhay pero ngayon ko lang napansin ang ganda ng langit.

May humintong tricycle sa harap ko. Tiningnan ako ng driver na hindi naman katandaan ang itsura.

“Ineng sasakay ka?” Tanong niya sa akin. Hindi agad ako nakasagot at medyo matagal din akong nag-isip. Tiningnan ko munang mabuti ang mukha ng driver at ang tricycle niyang may malakas na tunog sa makina, marahil siguro sa kalumaan nito. Sasagot na sana ako sa driver pero pinaandar na niya yung tricycle at umalis na. Nainip siguro sa paghihintay sa sagot ko.

Sasakay ba ako o maglalakad na lang? Hindi ko nga pala alam kung saan yung unibersidad na yun. Huminga ako ng napakalalim. Heto na naman ako, nagiging ignorante sa maraming bagay. Ang hirap talaga kapag nabubuhay ka na mag-isa lang.

 

Lumingon-lingon ako sa kalsada. Magtatanong na lang ako kapag may dumaang tao o tricycle. Nanatili akong nakatayo sa harap ng gate ng New Hope nang may lumipad na papel na eroplano at napunta yun sa mga paa ko.  Pinulot ko yun at nakita ko na may mga nakasulat kaya binuksan ko ito at binasa.

Mas maganda ka kapag nakangiti…

Uyyyy…ngingiti na yan!!!

 

Yan yung nakasulat sa eroplanong papel. Napangiti ako.

“Sa wakas! Ngumiti ka din!” Nagulat ako sa biglang pagsasalita ng taong tumabi sa akin. Tiningan ko kung sino yun.

“Rafael!” Napalakas ang boses ko. Malakas, dahil natuwa akong nakita ko siya ulit. Malapad ang ngiting ibinigay niya sa akin. “Ikaw ba ang gumawa nito?” Ipinakita ko sa kanya yung papel na kanina lang ay hugis eroplano.

The 7th Curse (On-Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon