Nang makalabas ako ng bahay ay tuluyan ko ng pinakawalan ang mga luha ko sa mata. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na aking nararamdaman na para bang may libo-libong palaso ang nakatusok rito. Sobrang sakit lang dahil ni sa panaginip ay hindi ko inakala na magagawang magtaksil sa akin ni Markus. Nasaan na iyong sinasabi niyang mahal niya ako? Nasaan na iyong sinasabi niyang hindi niya alam ang salitang sorry sapagkat hindi niya ako magawang saktan? Saan na iyong mga ipinapangako niyang hindi niya sa titingin pa sa iba? At ang lubhang nagpapasikip sa aking kalooban ay sa Tito ko pa siya pumatol na maski ako, hindi ko inakala na bading rin pala si Tito Jovan. Gusto ko siyang bulyawan, sapakin, at sabunutan sa ginagawa nilang iyon ni Markus ngunit akin ring naisip na malaki ang naging utang na loob ng pamilya ko sa kanya. Siya ang sumagip sa amin nang mawalan kami ng kabuhayan sa probinsiya dahil sa pagtama ng malakas na bagyo. Tumutulong rin siya sa pag-aaral sa akin kaya pakiramdam ko ay napakaliit kong tao. Mistula akong isang langgam na kumakalaban sa isang elepante kung gagawin ko ang panunumbat na iyon sa kanya. Kaya ang tanging magagawa ko na lamang ay namnamin ang sakit na dulot nila sa akin.
Tigib sa mga luha ang aking mga mata habang binabaybay ko ang maliit na eskinita patungong highway. Nakatulong ang biglang pagbuhos ng malakas na ulan para hindi mapansin ng mga taong aking nadadaanan ang walang impit kong pag-iyak. Iniisip ko kung saan ba ako nagkulang gayung Diyos ang tanging saksi kung gaano ko kamahal si Markus at kung paano ko inalagaan ng mabuti ang aming relasyon. Naging tapat naman ako sa kanya ay kung bakit ganito ang isinukli niya sa akin. Bigla kong naalala sina Andy at Arnold na bagamat maaga silang kinuha sa akin ng Maykapal subalit hindi naman nila nagawang magtaksil sa akin. Oo..nasaktan ako sa kanilang pagkawala ngunit noong nabubuhay pa sila, wala akong natatandaan na ako ay kanilang pinaluha ng ganito. Sana hindi na lang nawala ang isa sa kanila at nang hindi na nagkrus ang landas namin ni Markus na hindi marunong manindigan sa kangang mga sinasabi. Isa siyang napakalaking sinungaling at ako naman iyong napakalaking tanga. Talagang dalawang uri lamang ng tao ang nabubuhay sa mundo; ang mga manloloko at nagpapaloko.
Naglakad ako sa walang matinong direksiyon. Hinayaan ko na ang aking mga paa kung saan man nila ako gustong dalhin. Basta ang gusto ko lang ay ang umiyak ng umiyak para kahit papaano maibsan kahit na kaunti itong sakit sa aking dibdib. Hanggang sa natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa tapat ng pinto ng bahay nina Chris.
"Friend?....nagpakabasa ka sa ulan, anong kadramahan 'yan?" Ang tanong niya kaagad sa akin nang pagbuksan niya ako ng pintuan. Hindi naman agad ako nakasagot, basta na lamang akong yumakap sa aking kaibigan at humagolhol. Siya naman iyong hindi magkandaugauga sa pagpapatahan sa akin haplos-haplos pa ang basa kong likod.
"W-wala na kami ni Markus,friend!.." Sa wakas nasabi ko rin ang dahilan ng aking paghihinagpis. Siyempre hindi kaagad siya naniniwala gayung monthsary pa naman namin ni Markus ng araw ding iyon. Abot-langit pa nga ang kasiyahan ko nang ibinalita ko iyon sa kanya noong bago magsimula ang meeting sa club namin sa paaralan.
Pinapasok niya muna ako sa loob saka iginiya sa banyo upang makapagbanlaw. Nang matapos ako, pinahiram niya ako ng mga damit na maisusuot. "Ano kamo, hiwalay na kayo ni Markus? Huwag kang magbiro ng ganyan friend, sasapakin kita!"
"Sapakin mo man ako ng makailang beses, e, sa iyan ang totoo, Chris. Walang dahilan na ako'y magbiro. Kita mo naman ang mga luhang ito diba?" Sagot ko sabay pahid sa gabutil kong mga luhang muli na namang dumaloy sa aking pisngi.
"A-anong mga dahilan, Friend? Nakulangan ka ba sa sukat niya o masyado na siyang naluwagan sa'yo?"
BINABASA MO ANG
Ang Lalaki Sa Seawall
RomanceLahat ng naging karelasyon ko ay namamatay. Iyon ang nagtulak sa akin na umiwas nang magmahal subalit nang dumating sa buhay ko si Marcus ay biglang nagbago ang lahat. Nilabanan ko ang pinaniniwalaang kong sumpa masunod lamang ang itinitibok ng akin...