"Dalawang taon na ang nakakaraan nang magkakilala kami ni Markus. Siya ang nirefer sa akin ng isa kong kaibigan na maging booking ng minsang naghahanap ako ng panandaliang aliw....!"
"Booking?" Pag-uulit ko sa sinabi ni Tito na bagamat alam ko ang kahulugan ng salitang iyon, ninais ko lang na linawin kung tama ang aking pandinig sapagkat hindi ako makapaniwalang pinasok ni Markus ang ganoong uri ng gawain sa kabila ng marangya niyang pamumuhay.
"Oo. Iyon ang tawag sa mga lalaking nagpapagamit ng katawan sa mga bakla at matrona kapalit ng pera!" Ang mabilis namang tugon ni Tito.
"Maaring wala na kami ni Markus Tito pero sana naman huwag nyo na siyang gawan ng kwento. Mayaman ang pamilya nila kaya napakaimposible iyang sinasabi mo!"
"Alam ko. Anak siya ng kilalang negosyante sa bansa kaya maging ako man ay hindi makapaniwala nang una na siya iyong magiging booking ko sa gabing iyon. Iyon 'yong mga panahon na naglayas siya sa kanila dahil hindi sila nagkasundo ng kanyang ama. Sa galit ng ama niya sa kanya dahil sa hindi niya pagsunod sa mga kagustohan nito para sa kanya. Pinafreeze ng Daddy niya ang lahat ng bank account niya na naging dahilan ng pamumulubi niya sa mga panahong iyon. At dahil hindi sapat ang kinikita niya mula sa pagkanta sa mga bars, napilitan siyang pasukin ang pagbebenta ng laman at doon kami unang nagkakilala. Dahil sa naawa ako sa kanyang kalagayan, sinabi kong itigil na niya ang gawaing iyon at ako na ang bahalang tumustos sa mga pangangailangan niya sa araw-araw. Siyempre ang kapalit no'n ay ang kanyang katawan. Gusto ko lang siyang solohin at ayokong may ibang bakla at matrona ang makikinabang pa sa kanya. Nang-una, tanging katawan lang naman niya ang habol ko subalit dumating ang puntong nahulog din ang aking loob dahil hindi naman maitatangging taglay niya ang mga katangiang pinapangarap ng lahat. Nagsasama kami sa bahay ko sa Navotas. Buong pagmamahal at pag-aaruga, pinadama ko sa kanya. At minsan habang nagtatalik kami isang gabi, nasabi narin niya sa wakas ang salitang matagal ko naring inaasam na marinig buhat sa kanya. Iyon ay ang salitang "Mahal niya ako" na siyang aking pinanghahawakan hanggang sa dumating ang puntong bumalik na siya sa kanila dahil nagkasundo na raw sila ng kanyang ama at tanggap na nito ang landas na kanyang gustong tahakin. Pumayag naman ako dahil sa pangako niyang ako ay kanyang babalikan subalit nang mamatay ang kanyang ama, hindi na niya ako binalikan pa at nalaman ko na lamang mula sa isang kaibigan na tumungo na siya ng Amerika para doon kumuha ng Masters Degree na hindi man lang nagawang magpaalam sa akin. Sa kabila ng sakit na kanyang ginawa, ni kailanman hindi ako nagtanim ng galit sa kanya, bagkus inintindi ko na lamang ang kanyang ginawa at umaasang balang araw ay magkrus din ang aming landas subalit nang magkita kami, nalaman ko na lamang na kayo na pala. Subalit hindi ako makakapayag na basta-basta niya na lamang akong ipagpalit sa'yo. Una siyang naging akin kaya gusto kong linawin na hindi kita inagawan at mas lalong hindi kita inahas. Huwag kang umaktong ikaw ang biktima dito dahil obvious namang ako iyong naagrabyado!"
Tumaas ang tono ng kanyang pananalita sa kanyang huling tinuran. Kung totoo man ang kanyang sinabi ay mas lalo kong napagtantong tama lang ang aking ginawang pagmamatigas sa kanya sapagkat may ibang tao pa lang naghihintay na kanyang muling babalikan at si Tito Jovan iyon. Hindi ko maatim na sa ligayang aking natatamasa ay may ibang taong lumuluha. Mahal ko parin si Markus sa kabila ng galit ng aking nararamdaman. Ngunit wala akong kakayanang bawiin siya dahil sa una pa lang hindi naman ako ang totoong nagmamay-ari sa kanya.
"P-patawad, Tito. Hindi ko po sinasadya na masaktan ka. Kung sanay sa una pa lang ay naikwento ng isa man sa inyo sa akin ang tungkol sa inyong nakaraan, matagal na sana akong umiwas sa kanya. Hindi ko na sana pinaabot pa sa ganito na masaktan ang bawat isa sa atin dahil sa iisang lalaki lang ang ating minahal!" Ang mapagkumbaba kong tinuran.
BINABASA MO ANG
Ang Lalaki Sa Seawall
RomanceLahat ng naging karelasyon ko ay namamatay. Iyon ang nagtulak sa akin na umiwas nang magmahal subalit nang dumating sa buhay ko si Marcus ay biglang nagbago ang lahat. Nilabanan ko ang pinaniniwalaang kong sumpa masunod lamang ang itinitibok ng akin...