Nanginginig ang buo kong kalamnan habang inabot ang nakalahad na palad ni Markus sa akin. Kung hindi lang kabastusan ang tumalikod, marahil ginawa ko na iyon dahil hindi ko makayanan ang sakit na aking nararamdaman. Madalas ng sinasabi na napakaliit lang ng mundo at hindi ko iyon inaasahan sa amin ni Markus. Paano, sa dinami-daming lalaki sa mundo ay kung bakit siya pa ang mapapangasawa ng aking kaibigan at manager na si Nichole. Hindi ko makuha kung bakit naging ganito ang hagupit sa akin ng tadhana.
Titig na titig sa akin si Markus. Bagamat blangko ang ekspresyon nito, nagdulot naman iyon ng pagkabalisa sa akin. Hindi ko kinaya na makipagtitigan sa kanya.
"Nice meeting you again, Aki. What a small world!" Wika niya sabay bitaw sa aking kamay.
"Magkakilala kayo, Honey?" Sabad naman ni Nichole na nagpapalit-palit ng tingin sa amin.
"Yeah, we're friends before!"
Nakita ko ang pag-akbay niya kay Nichole at nagdulot na naman iyon ng sakit sa akin at idagdag pa iyong sinabi niyang kaibigan lang kami noon kung kaya nagpaalam ako na umalis na muna para hanapin si Chris. Sabagay, hindi ko rin siya masisi. Nasa harapan namin ang fiancee niya, at napaka-awkward naman kung sasabihin niyang naging magkasintahan kami noong araw. Ano na lang ang iisipin ni Nichole? Baka pagdudahan lang ang kanyang pagkalalaki.
Nang masiguro kong nawala na ako sa kanilang paningin, tinumbok ko agad ang pinto palabas ng hotel. Nagpapahid ako ng aking mga luha habang pinara iyong taxing napadaan. Hindi ko kakayaning makita si Markus na pag-aari na ng iba kung kaya kinailangan ko na makalayo sa lugar na iyon at ang naisipan kong puntahan ay ang seawall na kung saan una kami nitong nagtagpo. Doon ko iniyak ang lahat. Doon ko inilabas ang aking pagsisisi at paghihinayang na pakawalan ang taong noon pa man sinasakop na ang buo kong sistema. Kung hindi lang sana ako naging makitid. Kung hinayaan ko lang sanang itama niya ang inaakala kong pagkakamali niya, marahil nasa bisig ko parin ang lalaking kailanman minahal ko ng husto. Kung sana kayang ibalik ng mga luha kong ito ang mga maliligayang sandali naming nagdaan ngunit kahit pa siguro luluha ako ng dugo ay hindi na iyon mangyayari. Kailangan kong namnamin ang sakit na dulot ng aking pagkakamali.
Tunay ngang nasa huli ang pagsisisi. Gaya sa isang kanta na minsan ko ng narinig, kung maibabalik ko lang ang dating pagmamahal ni Markus ay ito ay aking pakakaingatan at alagaan. Hindi ako mag-aalinlangan na muling tanggapin ang pag-ibig na kanyang iniaalay sapagkat doon lamang ako liligaya. Subalit napakalabo na iyong maibabalik pa sapagkat may itinatangi na siyang iba at sa isang babae pa. Anong laban ko doon? Sinasabing pantay ang lahat sa pag-ibig, ito'y walang kasarian. Ngunit aminin rin natin na kapag babae na ang ating makakatunggali sa puso ng lalaking ating minamahal...wala na tayong laban pa doon. Hindi pa man nagsisimula ang digmaan, talo na tayo.
Nasa ganoon akong pag-iyak nang may nag abot sa akin ng isang kulay puting panyo. Lumingon muna ako sa nagmamay-ari no'n bago ko iyon tinanggap. At laking gulat ko naman ng tumambad sa aking mga paningin ang bulto ni Markus. Puno ng pag-aalala ang kanyang mga mata na nakatuon sa akin. Tinanggap ko ang panyo. "S-salamat!"
"May problema ba?"
"Wala 'to, huwag mo ng pansinin. Anong ginagawa mo rito? Baka hinahanap kana ni Nichole?"
"Bigla ka kasing nawala sa reception at may nakapagsabing umiiyak ka raw habang sumakay ng taxi. Naisipan kong sundan ka rito dahil ito lang naman ang lugar na alam kong puntahan mo!"
Hindi ako sumagot. Katahimikan ang namagitan sa amin habang kapwa pinagmamasdan ang nagkikislapang mga ilaw ng maliliit na bangka sa dagat. Mistula iyong mga gamu-gamo sa aming paningin. Nagpakiramdaman kami sa isa't isa. Hanggang sa, "Congratulations!" Sabi ko.
Isang buntong-hininga ang aking narinig at, "Mahal mo pa ba ako?!"
"Ikakasal ka na, magkakapamilya at balang araw magiging ama, kaya sa tingin ko...hindi na mababago pa ang lahat kung anuman ang aking magiging sagot!"
"Oo o hindi lang ang ninais ko na marinig mula sa'yo, Aki, kaya sana sagutin mo ako ng deritsahan!"
"Naging makitid ako noon. Sinayang ko ang mga pagkakataong ng muli nating pagkabuo. Nagpadala ako sa matindi kong galit at pagkamuhi kaya kung naghihirap man ang kalooban ko ngayon dahil may itinatangi ka ng iba, nararapat lang ito sa akin. Ito marahil ang kapalit ng aking nagawa. Kung tuusin, kulang pa ito sa ginawa kong pagpapahirap sa'yo noon!"
"Wala kang kasalanan. Wala kang alam sa mga tunay na nangyari kaya huwag mong sisihin ng husto ang iyong sarili. Sana sa puntong ito nakahanda ka ng makinig sa akin!"
"Alam ko na ang lahat. Hindi ikaw ang totoong kasiping ni Jovan sa video kundi si Marlon, fabricated lang ang lahat. Hindi rin totoong nagkaroon kayo ng relasyon bago pa man tayo nagkakilala, dahil si Marlon naman talaga ang kinakasama niya nang mga panahong iyon. At alam ko narin na magkapatid kayo ni Marlon sa ama!" Pahayag ko. Narinig ko ang kanyang paghugot ng malalim na hininga. Tumabi siya ng upo sa akin sa dike, hinawakan niya ang isa kong kamay, napakislot ako. Kaytagal ko ring inasam na muling madama ang init ng kanyang kamay.
"Iyon ang dahilan kung bakit hindi ko maiwan-iwan si Jovan noon. Binablackmail niya ako na ipapakalat ang umano'y sex video namin kapag hindi ako pumayag sa mga gusto niya, isa na doon ang layuan ka. Oo nga't may pera ako kung ikukumpara sa kanya, ngunit hindi naman kayang isalba ng yaman ko ang aking reputasyon. Paano ko mapaniwala ang publiko na hindi ako ang lalaking nasa video? Isa pa, napakaraming koneksiyon ni Jovan sa mga sindikato. Kaya ko namang proteksiyonan ang aking sarili laban sa kanila ngunit ang inaalala ko ay ikaw. Kahit naman kasi magkadugo kayo ay hindi siya mangingiyeming saktan ka na maaaring hahantong pa sa kamatayan. Kayang-kaya niya iyong gawin alang-alang sa mithiin niyang maangkin ako. Kaya tigilan mo na ang paninisi sa iyong sarili dahil wala kang kasalan, kung meron man, si Jovan iyon!"
"Pero ikakasal ka na kay Nichole...!"
"Mahal mo pa ba ako?" Pag-uulit niya sa tanong niya kanina na may kasamang pangungulit. Dalawang kamay na niya ang ipinanghahawak sa isa kong palad.
"Kailanman hindi ka nawala sa puso at isip ko, Markus. Nagawa ko mang mahalin si Marlon pero ramdam ko parin ang kakulangan sa aking buhay na alam kong ikaw lamang ang siyang makakapuno!"
"Kung gano'n, aatras ako sa kasal. Hihiwalayan ko si Nichole. Ikaw naman talaga ang tunay na tinitibok ng aking puso... hindi ko kayang dugasin iyon!"
Nagulat naman ako sa kanyang sinabi at, "Hindi mo pwedeng gawin iyan. Masasaktan si Nichole. Napakabuti niyang tao at kaibigan kaya hindi niya deserve iyon. Sapat na sa akin na maipagtapat na ikaw parin ang lalaking mahal ko kahit hindi na kita pwedeng ariin pa. Sapat na sa akin na maging kaibigan ka dahil iyon naman talaga ang nakatadhana para sa atin!" Pinilit kong pasiglahin ang aking boses upang mapangatawanan ang aking mga sinabi.
"Pero paano ako? Paano ka? Paano tayong dalawa? Mahal parin kita bhe. Aaminin ko na ang pagpapakasal ko kay Nichole ay para lamang dugasin ang nararamdaman ko sa pag-aakalang hindi mo na ako mahal. Mali man ang pamamaraan ko dahil lumalabas na ginagamit ko lang siya pero may pagkakataon pang iwasto iyon. Iyon ay ang pag-urong ko sa kasal upang hindi matuloy ang isang huwad na pagsasama. Ito na ang tamang panahon para sa atin upang madugtungan ang naudlot nating kahapon!"
"Maaring sa ating mga mata ito ay tama pero paano naman ang sa iba?"
"Sa kanila ba natin matatagpuan ang kaligayahang ating minimithi? Kung susundin natin sila dahil iyon ang sa tingin ng karamihan ay tama, ngayon kung hungkag ang ating kaligayahan sa hinaharap, at may malaking kulang sa ating buhay, kaya ba nilang punan iyon?"
"Hindi lang naman umiinog sa kung ano ang maaring sasabihin ng iba ang isyung ito kundi pati narin sa kapakanan ni Nichole. Ayokong lumigaya na may naapakang iba. Alam kong wala sa intensiyon mo na lokohin siya pero parang ganoon narin iyon at alam ko ang pakiramdam ng niloloko at maagawan. Ayokong mapagdaanan niya ang sakit na minsan ko ng naranasan. Isa siyang tunay na kaibigan sa akin at hindi ko masikmura na traydorin siya!" Tinanggal ko ang isa kong kamay na mahigpit niyang hinawakan. Tumayo ako. Ganoon din ang ginawa niya.
"Huwag mong isipin na isang pang-aagaw at pagtatraydor ang ginawa mo. Dahil una akong naging iyo, at ika'y naging akin. Ipagpapatuloy lamang natin ang naudlot nating kahapon!" Hinarap niya ako. Hinawakan niya ang magkabila kong balikat. Nagsusumamo ang kanyang mga matang nakatitig sa akin na makiayon sa kung ano ang kanyang nais. Puno iyon ng kasiguraduhan. At sa tingin ko, pursigido siyang totohanin ang kanyang sinabing aatras sa kanyang kasal alang-alang sa akin.
Sa totoo lang nagdiwang ng lubos ang aking kalooban. Batid kong mahal na mahal parin ako ni Markus, walang pinagbago lumipas man ang mahigit isang taon. Parang gusto ko ng sundin ang idinidikta ng aking puso subalit naroon sa aking isip ang takot at pangamba sa kung ano ang kahihinatnan ng lahat. Isa iyong napakalaking eskandalo kung sakali mang malaman ni Nichole na ang taong ipinalit sa kanya ng mapapangasawa niya ay isa ring lalaki at ang masaklap kaibigan niya pa. Umagos ang aking luha. Pakiramdam ko naiipit ako sa dalawang nagbanggaang sasakyan. Kung kailan nakahanda na sana akong ipaglaban si Markus ay saka pa nangyari ang ganito. Kung naging babae lang din sana ako katulad ni Nichole ay ilalaban ko ng patayan si Markus kapalit man nito ng aming pagkakaibigan sa katotohanang ako ang mas nauna sa buhay ng lalaking pareho naming minahal. Ngunit babae siya, pusong babae lang ako. Alam ko ang kaluguran ko dito sa mundo. Alam ko ang dapat sa mali. At hindi sa lahat ng pagkakataon ay sundin mo kung ano ang tama kundi doon ka sa kung ano ang dapat at naayon. Nasa tama ang pagmamahalan namin ni Markus. Dahil ang pagmamahal ay hindi naman tumutukoy sa pagkasino ng isang tao. Pero may naagrabyado kaming iba; doon sa taong napakangakuan niya ng habambuhay na pagsasama. Sa babaeng ihaharap niya sa dambana na magiging maybahay sa bubuohin niyang pamilya.
"Kung sana nagawa ko lang makinig sa'yo noon hindi sana hahantong sa ganito ang lahat!" Ang nasabi ko na lang gawa ng kawalang pag-asa. Muli, hinawakan ni Markus ang aking kamay. Paraan niya iyon upang ipaabot sa akin na magiging maayos din ang lahat, na magiging kami din sa huli anuman ang mangyari. Subalit ayoko ng umaasa. Doon ako sa kung ano ang DAPAT kaysa sa sinasabing TAMA.
Hinatid niya ako sa bahay sakay ng kotse. "Salamat nga pala sa pagpapatira mo sa amin sa bahay mo. Sa mahabang panahon na aming inilagi rito, siguro panahon na para humanap kami ng bagong malilipatan...!" Ang wika ko ng pumasok kami sa loob. "...si Nichole ang may higit na karapatan sa bahay na ito!" Dagdag ko pa na medyo mahahalata ang himig ng pagseselos.
"Walang kay Nichole, Aki. Pinagawa ko ang bahay na ito para sa iyo, para sana sa ating dalawa. Nang tinanggap mo ang aking pagmamahal noon at naging tayo, wala akong ibang inisip kundi ang ating kinabukasan. Ang lahat ng pag-aari ko ay pag-aari mo rin Sa tuwing binabanggit ko ang mga katagang MAHAL KITA...kalakip no'n ay pag-aari na kita at ganoon din ako sa'yo. Hindi ko na inisip ang tumingin at magmahal pa ng iba. Gaya ng lagi kong sinasabi sa'yo noon, ikaw ang sagot sa aking mga dalangin kaya kahit ipinagtabuyan mo na ako dahil sa paninira ni Jovan, hindi ako basta-basta bumitaw dahil alam kong ikaw ay nilikha para sa akin lamang!"
Nakonsensiya naman ako sa kanyang sinabi. Kaya hindi ko na naman mapigilan na huwag maiyak. Ambabaw lang ng aking mga luha sa sandaling iyon. Kasi ba naman, naalala ko ang pangtataboy ko sa kanya at paghahabol niya sa akin. Sa kabila ng mga maaanghang na salita na aking ipinukol sa kanya, wala siyang ibang ginawa kundi ang magpakumbaba, ang maglumuhod upang humingi ng kapatawaran sa kasalanang hindi naman talaga niya ginawa. Naisip kong napaka-unfair ng ginawa ko. Mas pinaniwalaan ko kasi ang mga pinagtagpi-tagping kasinungalingan ni Jovan na siyang sumira sa aming magandang samahan.
"Umiiyak ka na naman. Kahit kailan iyakin ka talagang baby ka!" Sabay pahid sa gabutil kong mga luha. Niyakap niya ako ng mahigpit. Muli ko namang nadama ang init ng kanyang katawan.
"Pinahihinayangan ko kasi ang mga sandaling pag-aari pa kita!"
"Ikaw naman talaga ang nagmamay-ari sa akin ah, may iba pa ba?"
"May Nichole ka na kaya?"
Kumalas siya sa akin. Bumuntong-hininga. Seryoso ang kanyang mukhang nakatitig sa akin. "Let me settle this. Bigyan mo lang ako ng sapat na panahon. Sa ngayon, gagawin ko ang pakikipagkalas kay Nichole na hindi nadadamay ang iyong pangalan lalo na ang inyong pagkakaibigan. Pero alam naman nating walang lihim na hindi nabububunyag, sakali mang malaman niya ang tunay na dahilan sa pag-urong ko sa kasal namin, at malaman niya ang tunay kung pagkasino, sana damayan mo ako. Kasama nating harapin ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba dahil natitiyak kong ganoon ang mangyayari!"
Alam kong mali dahil hindi naman ito ang nasa isipan ko kanina subalit nang makita ko ang mga mapupungay niyang mga mata na nakikiusap sa akin, bigla na lamang nabuo sa aking isip ang desisyon, nakahanda na akong ipaglaban si Markus. Marami ng oras ang nasayang sa amin. Minsan na kaming pinaglayo dahil sa mga makikitid kong desisyon at ayoko na ulit iyon na mangyari. Ito na ang pagkakataon na paninindigan ko ang isang bagay na alam kong tama para sa akin--para sa amin. Sigurado akong malagay sa alanganin ang pagiging magkaibigan namin ni Nichole pero kaligayahan naman namin ng mahal ko ang nakataya rito. Maaring iisipan niya at ng karamihan na mang-aagaw ako pero sa tingin ko naman, kinukuha ko lang ang sa tingin ko'y akin. Hindi ko naman siguro naapakan ang kanyang pagkatao dahil ako naman talaga ang ninanais ni Markus na makasama. Maari ngang mali ang naging pamamaraan ni Markus upang sana ay iwaksi ako ng tuluyan sa buhay niya, lumalabas kasi na ginagamit lamang niya si Nichole, subalit mas lalo lamang lalala ang pagkakamaling iyon kung itutuloy niya ang kanilang kasal dahil alam ng Diyos kung sino talaga ang itinitibok ng puso ni Markus. Habang maaga pa, kailangan na niyang bumangon sa pagkakamaling iyon. Mas mabuti ng masaktan si Nichole ng harapan kaysa naman habambuhay siyang mamuhay sa isang kasinungalingan.
Isang pagtango ang aking ginawa pagpapahiwatig na sumasang-ayon na ako sa gusto niya, na ipaglalaban ko ang aming pagmamahalan kapalit man nito ang paghamak ng ibang tao. Dahil doon, dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang mukha sa aking mukha. Pumikit ako. Naamoy ko na ang mainit ngunit mabango niyang hininga. Naglapat ang aming mga labi. Banayad at puno ng pagmamahal. Buong akala ko ay sa panaginip ko na lamang madama ang kalambutan no'n. Ngunit heto ito ngayon...totoo at ang init nito ang siyang nagpapatunay.
Naging maalab ang aming halikan. Damang-damang namin ang pananabik ng bawat isa. Hanggang sa naalimpungatan ko na lamang ang aking sarili sa ibabaw ng kama, walang saplot sa katawan habang inaangkin ni Markus. Napuno ng aming mga ungol at halinghing ang apat na sulok ng kwarto nang nilalasap namin ang sarap ng aming pagsinta. Hindi ako makapaniwala na heto, narito muli ang mahal ko at kami ay naging buo.
"Paano ba kayo nagkakilala ni Nichole?" Ang tanong ko nang matapos kami. Nakaunan ako sa isa niyang bisig habang ang isang kamay niya ay sinusuklay-suklay ang aking buhok, dinadampian ng halik paminsan-minsan.
"Kababata ko si Nichole, inaanak siya ni Daddy. Teenager pa lang kami ay batid kong may malaki na siyang pagkakagusto sa akin subalit hinihintay lang niyang ako iyong unang gumawa ng hakbang dahil sa ako iyong lalaki ngunit hindi ko iyon ginawa. Aminado akong maganda siya. Nasa kanya na lahat ng katangian na hahanapin mo sa isang babae-yaman,talino, kagandahan subalit wala talaga akong nararamdaman para sa kanya. Noon pa man kasi ay alam ko na ang aking pagkatao at hindi ko iyon kayang dayain. Gawa ng hindi na niya makayanan ang kanyang nararamdaman at sakit ng hindi ko pagpansin sa kanya, pumunta siya ng Amerika upang doon ituloy ang pag-aaral at upang limutin na ako!" Pahayag niya.
"Paano naman naging kayo?" Tanong kong muli.
"Matapos nang huli nating pag-uusap noon, at tinanggap ko sa sariling ayaw mo na talaga sa akin, ay siya namang pagbalik niya galing Amerika upang pamahalaan ang kumpanyang pag-aari nila, isa ang pamilya namin na may malaking shares sa kumpanya kung kaya nagawa kitang ipasok sa opisina!"
"Ibig sabihin, ikaw iyong tinutukoy ni Chris na kaibigan umano ng boyfriend niyang Kano na tumulong sa akin para mapasakok sa trabaho?" Nagulat ako. Andami ko pa palang hindi alam na mga sekreto. Tumango siya sabay sabing,
"Kahit naman kasi wala na tayo at magboyfriend na kayo ni Marlon noon ay nandoon parin sa puso ko ang hangaring tulungan ka. Minabuti kong ilihim ang lahat dahil natitiyak kong tatanggihan mo ang inaalok kong tulong. At dahil sa nakikita kong masaya ka na sa piling ni Marlon at naging stable narin ang inyong pamumuhay, doon na ako tuluyang naging panatag at inisip ko na panahon narin siguro upang magsimula ako ng panibago. Kailangan ko naring may mapagbabalingan upang kahit papaano'y maging masaya narin ako kagaya mo na naging masaya narin sa piling ng bagong kinakasama. And that made me realised to give Nichole a chance. I started dating with her and that's the beginning of what we have right now. Pero alam kong ikaw parin ang nilalaman ng puso ko. At kahit anumang pamimilit ko sa sariling mahalin si Nichole ay bigo ako. Ngunit nandoon na ako e, kailangan ko na lang panindigan. Ayoko namang magmahal ng panibago ng kagaya ng sa atin dahil gusto kong ikaw lang talaga ang mananatili sa puso ko at ayokong may pumalit sa'yo. Kung sakali mang magawa kong magmahal muli, doon ako sa babae upang kahit papaano mabigyan ko ng katuparan ang mga nais ni Daddy para sa akin. Naalala ko kasi ang huling sinabi niya nang tinanggap na niya ang pagkatao ko, "Hahayaan na kita sa gusto mo, ngunit kung sakali mang mabigo ka sa lecheng uri ng pag-ibig na 'yan, ipangako mong bumalik ka sa kung ano talaga ang nararapat para sa'yo" May laman ang biro niyang iyon. Kaya iyon ang nag-udyok sa akin upang pakasalan si Nichole!"
"Paano 'yan, mabibigo mo na naman siya sa pangalawang pagkakataon? Uurong ka sa kasal mo hindi ba?"
"Parang hindi naman kasi, una, hindi naman ako nabigo sa'yo. Nagkahiwalay lang naman tayo dahil sa paglason ni Jovan sa isip mo. Nang makita kita sa seawall, at napag-alamang pinakikingggan mo parin iyong kantang lagi kong kinakanta sa'yo noon, doon ko nahinuhang mahal mo parin ako!"
"E, bakit parang wala lang sa'yo 'yun. Pinintasan mo pa nga iyong kanta na old love song of the past!" Kunway pagmamaktol.Tinanggal ko ang kamay kong nakapulupot sa kanyang katawan.
"Ah, yun ba? Acting lang yun. Gusto ko lang ding malaman kung ano ang magiging reaksiyon mo sakali mang sa tingin mo, nagbago na ako at tuluyan na kitang nakalimutan. Pero nang malaman kong bigla ka na lamang umalis kanina ng hotel at luhaan halos madurog ang puso ko kaya kita sinundan. Mas mabuti na iyong ako ang saktan mo kaysa ako iyong makapanakit sa'yo!"
Napa-"Hmmmmp" na lang ako sabay irap sa kanya. Pero sa totoo lang abot-langit na ang kilig ko sa sandaling iyon. Alas-kwarto na ng madaling araw ng makatulog kami. Lumabas pa kasi kami ng bahay para kumain ng balot na siyang dati naming nakagawian noon. Ang ending, tinanghali na ako ng gising at unang beses kong mag-absent sa trabaho. Pero hindi naman magkamayaw sa tuwa ang aking puso na muli kong nakasama sa pagtulog ang mahal ko.
Dahil umuwi ng probinsiya sina Inay at Itay, solo namin ang buong bahay ng araw na iyon. Nagloto ako ng mga paborito naming pagkain at nagvideoke kami sa may sala, siyempre hindi rin mawawala ang kunting inuman. Wala kaming inisip kundi ang kaligayahang aming nadarama sa sandaling iyon. Hindi ko na naisip kung anuman ang kahihinatnan ng lahat dahil ang mahalaga sa akin ay ang makasama ang mahal ko. Sigurado akong darating ang oras na malalaman din ni Nichole ang lihim namin ni Markus at nakahanda na ako sa mga masasakit na salitang maari niyang bitiwan. Ito narin ang panahon upang makabawi ako sa pagkakamaling aking nagawa, ang ipaglaban si Markus kapalit man nito ang pang-aalipusta at panghahamak sa aking pagkatao.
Nakaubos na kami ng dalawang bote ng wine nang magpaalam si Markus na sumaglit na muna sa CR. "Paki-input na lang iyong numero ng kantang kakantahin ko bhe..." Pakiusap niya pa bago tumalikod. Pipindutin ko na lang iyong numero ng kanta ng may kumatok sa pinto. Tumayo ako upang pagbuksan ang dumating.
"Friend, ba't ka umabsent? At bakit bigla ka na lamang nawala kagabi sa engagement ni Nichole...?" Sunud-sunod na tanong sa akin ni Chris habang nagtuluy-tuloy sa may sala. Hindi ko na ikinagulat ang kanyang biglaang pagdating dahil isang buong araw kong hindi sinagot ang mga text at tawag niya sa akin.
"...umiinom ka?" Nang mapansin ang dalawang bote ng redwine. Hindi ako kumibo. Hinayaan ko lang siyang magsalita. "Alam mo ba kung sino ang nasa engagement kagabi?"
Umiling ako.
"E, iyong fiancee ni Miss Nichole, may alam ka na ba?"
Umiling ulit ako. Nagkukunwaring wala akong kamuwang-muwang sa mga pangyayari. Gusto ko lang kasi siyang pagkatuwaan sa pag-aakalang napakinit pa ng dala niyang balita gayung panis na iyon para sa akin. Alam ko na kasi kung ano ang itsi-tsismis niya.
"Iyan na nga bang sinasabi ko e, blind ka pa sa lahat ng mga bulag. Friend, Nichole's fiancee is none other than your yummiest, delectable and most gorgeous ex, si Mar----!"
"---Bhe, sino ba yang kausap mo diyan?" Ang biglang pag-eksena ni Markus. Kitang-kita ko ang pamimilog ng mga mata ni Chris with matching takip ng bunganga sa sobrang pagkagulat ng makita ang lalaking aking kasama. Natutulala na para bang nakakita ng masamang ispiritu.
"Uy, Chris...ikaw pala? Buti naman napadalaw ka, join kana sa amin!" Ang bati ni Markus sa kanya. "Kumain ka na ba?" Dagdag pa nito. Imbes na sagutin ang tanong ni Markus ay basta na lamang akong hinila nito palabas ng bahay.
"A-anong ginagawa niyan dito? Di mo ba alam na ikakasal na 'yan at kay Miss Nichole pa?"
"Alam ko, Chris. Iyan nga ang dahilan kung bakit ako nagwalk-out kagabi sa engagement dahil sa napag-alaman kong si Markus pala ang mapapangasawa ni Miss Nichole!"
"Tapos, anong nangyari? Bakit andito 'yan ngayon?"
At ikinwento ko kay Chris ang mga kaganapan kagabi. Ang pagsunod sa akin ni Markus sa seawall at sa kung ano ang aming pinag-usapan. Isa na doon ay ang plano niyang pag-atras sa kasal dahil ako naman talaga ang totoong niyang mahal magpahanggang ngayon at ako ang ninanais niyang makasama sa kanyang tabi habang kami ay nabubuhay.
Bigla na lamang nagtatalon si Chris sa sobrang kilig matapos kung magkwento sa kanya lalo na nang masabi ko ring may nangyari sa amin ni Markus kagabi. At ang sabi pa niya sabay sabunot sa buhok ko, "Haliparot ka talaga, friend. Di ka man lang nagpademure kahit kunti. Grabe, payong lang ang peg? Isang kalabit lang, buka kaagad...kaloka!"
"Aba, nagsalita ang kanindata ng British VIRGIN Island!" Binigyang diin ko pa talaga ang Virgin sabay irap sa kanya. Hindi naman siya nagkuminto pa, bagkus seryoso na ang sumunod niyang tanong.
"Nakahanda ka bang harapin ang mga consequences sa gagawin mo, friend. Bagamat pabor ako sa panig mo pero kaibigan din natin si Nichole. Maaring magalit siya sampu ng pamilya at mga kaibigan niya kapag malamang ikaw ang dahilan kung bakit hindi na matutuloy ang kanilang kasal. Plantsado na ang lahat e!"
"Mahal ako ni Markus. Mahal ko rin siya. Nagmamahalan kami. Iyon ang sa tingin kong dapat kong panghawakan upang ipaglaban ang pag-ibig na aming nasimulan. Minsan ko ng isinuko si Markus, dahil mas pinili kong pakinggan ang iba, at sa bandang huli ako rin naman ang nagsisisi at nanghinayang. Minsan lang manyayaring mabigyan ng ikalawang pagkakataon ang isang naudlot na pag-ibig kaya dapat lang na sunggaban ko ang pangkakataong ibinigay ng tadhana. Hindi ko na kakayaning mawala pa siya sa aking muli!" Pahayag ko.
"O siya....kahit anuman ang desisyon mo, makakaasa kang sa'yo ako susuporta. Anong plano mo ngayon?"
"Balak ko na magresign na lang sa trabaho at umuwi ng Catanduanes. Doon ko naisipang magsimula muli kasama si Markus. Di ko rin kasi maiwasang makaramdam ng guilt kapag nakikita ko sa araw-araw si Nichole. Naging matalik ko siyang kaibigan at ang bait pa kaya nasasaktan din ako sa maaring pag-iwas ni Markus sa kanya. Minsan ko narin kasi iyong napagdaanan kaya alam ko ang pakiramdam ng ganoon!"
"Alam na ba 'to ni Markus?"
"Hindi pa. Pero sasabihin ko rin sa kanya ang plano ko at natitiyak ko namang papayag siya!"
"Okey basta, huwag mo akong kalimutan ha. Manganak kayo ng isang dosena at kailangan ako ang magiging ninang ng mga iyon!"
"Tado! Lulusyangin pa ako neto..."
"Kung makalusyang, para namang may matres ang gaga!"
Tawanan kami. Hanggang sa bumalik na kami sa loob ng bahay. Nakijoin si Chris sa aming inuman.
Gabi ng napagpasyahang umuwi ni Markus. Naihayag ko narin sa kanya ang tungkol sa plano kong pagreresign sa kumpanya at ang pag-uwi ng probinsiya upang doon magsimula ng panibagong buhay. Sumang-ayon naman siya. At nag-iisip kung anong pupuwedeng itayong negosyo doon para naman mayroon akong mapagkaabalahan. Kaya kinabukasan,maaga akong nagreport sa opisina bitbit ang dala kong resignation letter. Dumeritso ako sa opisina ni Miss Nichole. Nakita kong abala siya sa kapipindot ng celphone. Nababanaag sa kanyang mukha ang pagkabahala. Ngunit nang makita ako pilit niyang pinapasigla ang itsura.
"Hindi ba ako nakakaisturbo, Miss?"
"Nope. Maaga pa naman kaya have a seat, Aki!" Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. "Ganoon parin kaya ang ngiti niya sa akin kapag malamang binabawi ko na ang lalaking pareho naming minahal?" Sa isip ko.
Iniabot ko sa kanya ang resignation letter na dala ko. Tahimik niya iyong binasa. Sinasaad ko sa sulat ang mga dahilan na kung bakit kinailangan kong magresign sa kumpanyang mahigit isang taon ko ring pinagsilbihan. Isa na roon ay ang pag-uwi ko ng probinsiya upang doon na manirahan kasama ng aking mga magulang, magtatayo ako ng maliit na negosyo na noon ko pa pinangarap na magkaroon.
"Napakabuti mong empleyado since part time ka pa lang dito. Kaya kahit masakit sa loob ko na mawalan ng employee na kagaya mo, I respect your decision, Aki. I hope your success on your new chosen career!" Ang pahayag ni Nichole matapos basahin ang aking sulat. At ang sabi niya, labinlimang araw pa bago mag take effect 'yong pagreresign ko dahil hahanapan pa nila ako ng kapalit sa pwesto ko bilang accounting staff. Kaya may 15 days pa akong magrereport sa kumpanya.
"Hindi ka na ba mapipigilan, friend? Talagang ikaka-career mo na ang pagiging maybahay ni Markus!" Ang pabiro ngunit madamdaming pahayag ni Chris nang makitang inililigpit ko na ang aking mga gamit sa ibabaw ng mesa. Iyon na kasi ang huling report ko sa trabaho.
"Bunganga mo...baka may makarinig sa'yo!" Pagsaway ko din sa kanya. Biglang napatakip sa kanyang bunganga sabay linga sa paligid. "Tayo lang kaya ang andito, eto naman oh!"
BINABASA MO ANG
Ang Lalaki Sa Seawall
RomanceLahat ng naging karelasyon ko ay namamatay. Iyon ang nagtulak sa akin na umiwas nang magmahal subalit nang dumating sa buhay ko si Marcus ay biglang nagbago ang lahat. Nilabanan ko ang pinaniniwalaang kong sumpa masunod lamang ang itinitibok ng akin...