CHAPTER 1
“Ang sabi niya mahal niya ko..ang sabi niya hindi niya ko iiwan. Pero bakit ganoon? Bakit iniwan pa rin niya ko? Ginawa ko naman lahat, ‘di ba? Hindi pa rin ba iyon sapat? Saan ba ko nagkulang? Nakakainis, nakakagalit, pero bakit sa puso ko siya pa rin? Bakit ikaw pa rin?
Naputol ang pagsasalita ko dahil may kumatok sa pinto. Sila na naman yan panigurado. Hayy… mga kaibigan ko talaga, lagi na lang… Binuksan ko ‘yung pinto.
“Surprise! bungad nila. Mga naka-party hats pa, at may dalang balloons. Anong date na ba ngayon? Tama, March 26, birthday ko. Ampotek! Kaya pala nandito na naman sila.
“Wala ka bang balak papasukin kami?” tanong ni Sam, nakaharang kasi ako sa pintuan.
“Wala,” sabi ko, sabay sara ng pinto. Hindi ko talaga sila maintindihan. Noong isang araw lang nandito rin sila Mon. Wala na ba silang ibang mapuntahan? Bakit ako ‘yung binubulabog nila?
“Hoy Kevin isidro Legaspi! Buksan mo nga itong pinto kung ayaw mong maghalo ang balat sa tinalupan!” Si Alex ‘yon, galit na naman siya. Pambihira talaga. Siya pa iyong galit, eh ako na ‘yung iniistorbo nila. Napilitan din akong buksan iyong pinto dahil hindi sila tumgil sa kakakatok. Dumiretso sila sa loob, iyong iba sa kwarto ko, sila Sam sa may kusina.
“Grabe! Tingnan mo nga ‘tong kurtina mo, ano bang kulay nito? Puti o brown? Tapos itong bedsheet mo, ilang taon nang hindi napapalitan?! Litanya ni Alex.
“Alex, ‘wag ka na ngang maglitanya dian, mag-aaway na naman kayo e…” saway ni Jonas. Tumahimik na si Alex at patuloy na nag-ayos. Tinanggal nila ‘yung kurtina, bedsheet, kumot, tapos nilagay sa washing machine. Binuksan ni Sam yung mga bintana at magspray ng air freshener para mawala yung pinaghalong amoy ng pawis, sigarilyo at alak. Pumunta ako sa may lababo at naghugas ng kamay, tapos nagsepilyo. Napansin ko ‘yung dala nila. Tatlong malalaking plastic bags. Yung isa puro crackers at junk foods yung laman, yung isa naman ingredients ng spaghetti at pang barbeque. Yung huli puro grocery items, mga panlinis ng bahay, sabon, shampoo, lahat na ata. Maya-maya lumapit sa ‘kin si Ian.
“Pare…” bungad niya. Alam ko na sasabihin niya kaya umiwas na lang ako at nagtuloy sa banyo. Binuksan ko yung shower para hindi nila marinig yung iyak ko. Tang-ina, umiiyak na naman ako. Naalala ko na naman siya. Isang oras na yata akong umiiyak bago kumatok si Ian.
“Pare, luto na ‘yung spaghetti, baka naman mapulmunya ka na sa tagal mong maligo…” biro pa niya. Nagtuloy ligo na rin ako para hindi halatang nagmukmok lang ako. Paglabas ko ng CR, kumakain na sila. Potek. Wala talagang kwenta ‘tong mga ‘to. ‘Di man lang ako hinintay. Kumain na rin ako. Maya-maya dumating na si Red, ayos, buo na ang barkada. Mali, may kulang pa rin pala, hindi na nga pala mabubuo.
Isang oras pagkatapos..
“Namimiss ko na si bestfriend..sana nandito siya.” si Sam iyon, umiiyak. May tama na. Olats talaga. Kaya ayaw kong kasamang uminon ‘tong mga ‘to eh! Siya na naman pag-uusapan namin.
“Sam, tama na ‘yan…lasing ka na eh…” awat ni Red sa kanya. Alam kong hindi naman iyon ang dahilan. Alam kong iniiwasan lang din nilang marinig ko ‘yung mga bagay na magpapaalala sa kanya.
“Alam niyo, si Thea lang ‘yung laging nandian para sa ‘kin dati. Siya lang nagmamalasakit na tulungan ako kahit sinisira ko na yung buhay ko. Noong nalalaglag ung baby ko…noong akala ko tapos na ang buhay ko…pero siya, siya lang ang nagpatino sa ‘kin…at nagpaalala na pwede pa rin naman akong maging masaya ulit…bakit naman kasi…”
