88

1.1K 26 4
                                    

Sinakop na ng dilim ang kalangitan.  Malamig ang sinoy ng hangin at mga huni na lamang ng mga kuliglig na nag-iingay ang maririnig.  Malinis at walang laman ang daan maliban sa isang batang nagngangalang Lily na palakad-lakad.

Muling hinaplos ni Lily ang kaniyang mga braso nang muling umihip nang malakas ang hangin. Ilang oras na siyang palakad-lakad ngunit hindi pa rin niya alam kung saan ba siya patutungo. Lumipas pa ang ilan pang minuto, nakaramdam na ng pagod ang inosenteng bata kaya naman naisipan muna niyanh maupo sa gilid ng kalsada sa tapat ng isang gusali.

“Dream Inn,” mabagal na basa niya sa malaking paskil ng gusali. Hindi ito kalakihan ngunit makikita kung gaano kagaling ang nagdesenyo nito. Simple pero maganda. Hindi namalayan ni Lily ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi na rin niya napansin na mahigit kalahating oras na siyang nakatingin dito. Napagtanto niya lang ito nang may lumapit sa kaniyang isang babae. Hinala niya ay nasa tatlongpung taong gulang na ang babae. Naka-bun ang buhok nito at nakasuot ng putting blouse at itim na pencil skirt.

“Hello, dear,” bati nito nang makalapit kay Lily habang nakangiti.

“H-hello po,” alangang sagot niya. Hindi niya alam kung bakit niya ito kinakausap. Alam naman niya ang kasabihang huwag makipag usap sa mga estranghero.  Pero magaan ang loob niya rito.

“Anong ginagawa mo rito? Gabi na, ha?  Nasaan ang mga magulang mo? Hindi mo ba alam na masama para sa mga bata lalo sa mga babae na lumabas kapag gabi?” sunod-sunod na sabi ng babae kay Lily.

Napakagat na lang sa ibabang bahagi ng labi niya si Lily saka napailing.

“Um… wala po akong matutuluyan sa ngayon.”

Pinaglaruan nito ang kaniyang kamay gaya ng ginagawa niya tuwing hindi niya alam ang gagawin sa mga sitwasyon kagaya ng nasa harapan. Ninenerbyos siya dahil hindi niya alam kung ano bang mangyayari sa kaniya. Kung mabubuhay pa ba siya. Kung makakaya ba niya.

Bata pa lang pero natatakot na siya dahil alam niya na pwede siyang mamatay. OA man ngunit iba-iba ang pumapasok sa utak niya lalo na ang mga multo na madalas ipanakot ng mga nakatatanda. Kaya nga sinusundan niya lang ang daan na may ilaw na poste. Sadyang nakakapang-akit lang talaga ang makulay na ilaw at desenyo ng estrakturang nasa harap niya kaya para siyang bubuyog na nahipnotismo ng mahalimuyak na bulaklak.

“Ganoon ba? Pwede kang tumuloy sa inn namin,” nakangiting alok ng babae.

“Kaso wala po akong pera.” Tumingin siya sa ibaba. ‘Bakit ba hindi ako nagdala ng pera?’ isip niya at naisipang hampasin ang ulo kapag wala ng taong makakakita.

“Walang problema. Babayaran ko na lang ang gagastusin mo ngayong gabi.” Ngumiti ang babae nang  pagkatamis-tamis.

“Talaga po?!” hindi makapaniwalang tanong ni Lily dahil sa magandang balita na kaniyang narinig.

“Oo.” Magiliw na tumango ang babae. “Ako nga pala si Ana. Ano nga palang pangalan mo?”

“Lily po. Lily po ang pangalan ko.”

Lumapit si Ana kay Lily saka inalok ang kamay nito. Ang totoo, nahihiya siya sa babae. Ngunit wala naman siyang ibang pagpipilian. Isa pa, nagugutom na rin siya at napapagod. Gustong-gusto na niyang magpahinga. Nagdadalawang isip man ay sumama siya kay Ana. Nagsimula silang maglakad papasok ng inn habang kinakausap siya ni Ana.

Mukha namang mabait si ate Ana,  isip niya.

Pagpasok ay umikot agad ang kaniyang paningin. Hindi maiwasan ni Lily na mamangha sa ganda ng pagkakagawa sa buong lugar. Simple ngunit maganda ang desenyo ng gusali. Ang totoo, sa murang edad pa lamang ni Lily ay alam na niya ang kaniyang nais paglaki. Nais niyang kumuha ng kursong arkitekto at balang araw ay makitang nakatayo ang mga gusaling siya mismo ang nagdesenyo.

DreamInn [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon