Ilang araw na lang at darating na ang araw na pinakahihintay ni Lily. Kaunting araw na lang, at matutupad na niya ang pangarap niya. Ngunit imbis na matuwa ay nakatulala na naman siya. Tila malalim ang iniisip at wala na namang nalalaman sa paligid niya.
"Lily!"
Napabalikwas si Lily dahil sa sigaw ng kaibigang nasa harapan niya. Nasa loob sila ng isang café, kumakain at nagpapahinga muna dahil pagod na sila kaka-practice ng gagawin pagdating ng kanilang graduation.
Tiningnan niya si Mitchie. Nakasuot ito ng white V-neck shirt, pantalon at sapatos. Nakatali ang buhok nito ng messy bun dahil nga sa stress kaka-practice nila.
"Anonga ulit 'yon?" tanong niya saka uminom muna sa hawak niyang frappé.
Napabuntong hininga na lang ang kaibigan niya.
"Wala," walang buhay na sabi nito.
"E, dali na!" Pangungulit niya. Medyo na-guilty kasi siya dahil hindi na naman siya nakikinig sa kinukwento ng kaibigan.
"Wala nga. Sa susunod ko na lang ulit sasabihin sa 'yo. Mukhang problemado ka na naman, e. Ano bang problema?" ginalaw nito ang cheese cake at sumubo.
"Wala. May naalala lang ako." Bumuntong hininga si Lily.
"Ang lalim, ha." tukoy nito sa paghinga niya "'Yung bata na naman bang nakita mo noon?"
Labing-dalawang taon na ang nakalipas ngunit tandang-tanda niya pa ang araw na iyon. Kung may nakalimutan man siya, siguro ito ay 'yung mukha nang batang lalaki. Noong araw lang na iyon ay pinagkatandaan niya ang itsura nito ngunit unti-unti itong kumupas sa kaniyang isipan. Sa sobrang bata niya at dahil na rin nga ilang taon na ang lumipas, tanging kasuotan na lang nito ang naaalala niya.
Isang araw ay sinubukan niyang iguhit ang mukha nito pero wala talaga siyang nagawa. Nakatitig lang siya sa papel habang hawak niya ang isang lapis at pambura sa gilid. Pilit niya itong inaalala pero wala talaga. Hanggang sa napaiyak na lang siya noong araw na 'yon dahil sa inis sa sarili.
Ilang taon na ang lumipas pero hindi niya pa rin nahahanap ang lalaki. Minsan, iniisip niya kung panaginip lang ba iyon. Pero alam niyang hindi kasi hanggang ngayon ay nasa kaniya pa ang papel kung saan nakaguhit ang gusaling matagal na niyang gustong iguhit nang mas detalyado.
Tinanong niya sa mga magulang niya kung alam ba nila 'yung gusaling iyon pero hindi raw. Nasubukan na rin niyang gumamit ng teknolohiya at mga libro noong labing-limang taon siya pero nabigo lamang siya sa paghahanap. Naisip kasi niya na baka konektado ang bata sa gusali. Baka mas madali niya itong makita.
Isa pa, kung totoo mang may ganoong gusali, gusto niya itong mapuntahan. Dahil sigurado siya na matutuwa siya sa lugar na iyon. Iba ang init na ibinibigay sa kaniya ng larawan na 'yon. Iniisip niya pa lang na mapupuntahan niya iyon ay tila kinikiliti na nito ang puso niya sa saya. Pero wala. wala siyang nakita. Walang ganoong gusali sa Pilipinas; sa buong mundo.
"Wala ganoong gusali..." sabi niya sa sarili saka napangiti, "wala pa."
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral hanggang sa makatungtong siyang kolehiyo. Kinuha niya ang kursong BS Architecture sa isa sa mga pinakasikat na paaralan dito sa Pilipinas at ilang araw na lang, magtatapos na siya. Matutupad na niya ang kaniyang pangarap.
Hindi na lang niya sinagot ang kaibigan at kumain. Nagtagal pa sila ng ilang sandali ni Mitchie sa loob ng café. Nagkwentuhan at nagpahinga.
Pagdating ng ala-una ay umalis na sila at bumalik sa paaralan. Dumiretso sila sa auditorium kung saan gaganapin ang kanilang graduation ngunit habang nasa daan sila ay may nakita silang babae na palapit sa kanila. May hawak itong tumbler na may lamang juice.
BINABASA MO ANG
DreamInn [Completed]
Fantasy"I choose him for you. Kasi hindi tayo pwede..." Threeeighths series # 1