'Yan ang katanungang bumababalot sa aking pagkatao. Buong buhay ko, iyan palagi ang tanong ko sa aking sarili. Maraming beses ko ng itinatanong ngunit hanggang ngayo'y wala pa rin akong nakakalap na kasagutan.
Tulad na lang nito: May naisip akong senaryo o susunod na mangyayari sa aking ongoing na nobela na napakahabang panahon na simula ng manganak ng kabanata. Binuksan ko ang MS Word at nag-tipa ng isang letra. Pagkatapos no'n ay aking pinatay ang laptop dahil tinamad na ako.
Meron pang isa. Pera na, tinamad pa akong kuhanin. Ang isang kakikalala ko kasi'y nagpapagawa ng isang maikling kwento sa salitang Ingles at ito'y patungkol sa dalawang magkaibigan. Biruin mo, inayawan ko! Nakakatuwa, ang kyot ng katamaran ko. Sarap konyatan sa bagang.
May isa akong kilalang taong may kasipagang taglay. Si @jonaxx raw ay napakasipag sa pag-a-update ng kaniyang mga istorya. Nakakamangha, kung tutuusin. Nakakainggit rin, kung sasabihin.
"Ate, palimos ng kasipagan. Salamat." --Ang paulit-ulit na ume-echo sa aking isipan sa tuwing makikita ko ang pangalan niya sa internet.
Teka, tinatamad na naman ako kaya't akin na itong puputulin rito.
Paano nga ba kasi maging masipag? Ijuander.
