Sumunod na araw ay tahimik lamang si Genesis na pinagmamasdan ang pagbagsak ng mga tuyong dahon sa tuwing isinasayaw ng hangin ang mga sanga. Nakaupo siya sa isang bench na gawa sa kahoy sa isang park. Maghahapon na subalit hindi pa rin siya bumabalik sa bahay niya.
"Bro, huwag mong sabihing galit ka pa rin?" biro sa kaniya ni Carl at hinampas-hampas na nito ang kaniyang braso.
"Hindi iyan galit, nagseselos iyan!" gatong naman ni Xander kaya napabulalas sila ng tawa, maliban kay Genesis.
"Naestatwa na yata siya dahil sa labis na pagseselos," bulong ni Carl kay Xander. Napagitnaan kasi nina Genesis at Xander si Carl.
Napatingin naman si Genesis sa dalawa at sinamaan sila ng tingin. "Naririnig ko ang pinagbubulungan niyo."
Hahagalpak sana sa tawa si Xander, subalit pinigilan siya ni Carl. Napansin kasi ni Carl na parang kailangan talaga nilang usisahing mabuti si Genesis. Basta ang alam nila, nagseselos siya kaya ganiyan.
"Spill the tea kasi, Genesis," ani Martin na mas piniling umupo sa damuhan dahil hindi na siya kasya sa bench.
Napabuntong-hininga si Genesis saka ibinalik ang pagkakatingin sa mga naglalaglagang mga dahon, at ikinuwento ang nangyari kaninang umaga.
(Flashback)
Alas otso ng umaga nang magising si Genesis. Para na ngang may nagrarambulang mga dragon sa tiyan niya. Lumabas na lamang siya para kumain na sana, at inaasahan niya na rin kasing gising na sina Alice at Trisha.
Nagtataka siyang iginala ang kaniyang paningin dahil napakatahimik ng palaigid. Wala rin sa sala o sa kusina si Alice at Trisha. Naisipan niyang dumaan sa tapat ng kuwarto ni Alice dahil baka naroon ang dalaga.
Eksakto namang naiwang nakabukas ang pinto, at doon ay nakita niyang himbing pa sa pagtulog si Alice. Madilim pa ang kaniyang kuwarto dahil nakasara pa ang bintana at nakalugay pa ang kulay asul na kurtina.
Lumapit pa si Genesis at napatingin sa mukha ni Alice. Nasilayang maiigi ni Genesis ang inosenteng mukha ng dalaga. Dahil doon ay may naalala siya. Napaisip niya kung kumusta na ang taong iyon. Wala na siyang balita sa babaeng iyon simula nang pumunta iyon sa ibang bansa—sa alaala niya na lang siya nakikita.
Tumayo na siya at naghain ng umagahan para kuamain na. Pagkatapos niyang kumain ay lumabas siya ng bahay. Pumunta muna siya sa Make-Believe Park para magpahangin, at eksakto namang nandoon sina Carl, Martin, at Xander kaya tuwang-tuwa sila nang makita siya ng mga kaibigan.
"Sino naman ang pinatatamaan mo sa post mo, bro?" tanong sa kaniya ni Carl at umakbay sa kaniya.
"Wala iyon. Bigla lang iyon pumasok sa isip ko," tugon ni Genesis, pero si Martin ay kumunot ang noo at tila hindi kumbinsido sa sinabi niya.
"'Yong totoo, Genesis? Masama ang pagsisinungaling," natatawang sabi ni Martin kaya napabuntong-hininga siya.
Tanging pagbuntong-hininga ang kaniyang nagawa dahil hindi niya rin magawang maipaliwanag ang nararamdaman niya. Napakahirap ipaliwanag ng hiwaga ng ibinubulong ng kaniyang damdamin.
"Tungkol kay Alice iyon, ano?" pang-aasar sa kaniya ni Xander kaya hindi niya mapigilang mapangiti. Hindi niya mawari sa sarili kung bakit napapangiti siya sa tuwing nadidinig niya ang pangalan ni Alice.
"Huwag mo nang ipagkaila, bro. Kitang-kita na sa ekspresyon ng mukha mo ang sagot," sabi pa ni Carl kaya mas lalo nila siyang inasar. Dahil sa pangungulit nila sa kaniya, napilitan na lang siya na ikuwento ang nangyari.
Hindi talaga maitatago ng facial expression ang totoong nararamdaman ng isang tao.
"Bro, ano naman ngayon kung may kasama siyang ibang lalaki? Nagseselos ka ba?" natatawang tanong ni Martin kaya binatukan siya ni Genesis.
BINABASA MO ANG
✓Journey To The World Of Make-Believe
FantasyPinakaasam ni Alice ang maranasan ang perpektong pag-ibig at happily ever after, na sinasabing matatagpuan lang sa Fictional World. Dream come true sa kaniya noong pagbigyan siya ng tadhana na mapunta roon. She met there a guy that changed her lonel...