CHAPTER 22 - The Reunion

24 6 0
                                    

LUMIPAS pa ang tatlong buwan pero hindi pa rin magawang kalimutan ni Alice ang nararamdaman niya para kay Genesis. Sariwa pa rin ang sugat sa puso niya na dulot ng pagkalimot sa kaniya ni Genesis. Sinubukan niya ring magtanong kay Sir Henry kung ano ang gagawin niya, subalit maging siya ay wala ring ideya.

Napatingin si Alice sa kabuuan ng kwarto niya. Madilim ang buong silid dahil nakasara ang mga bintana kahit umaga pa lamang. Nakahiga lamang siya sa kama niya at wala nang gana sa lahat ng mga bagay.

Bumalik siya sa pagkukulong sa kuwarto gaya noong kababalik lang nila sa totoong mundo. Pagkatapos kasi noong huling pagkikita nila ni Genesis, hindi na siya ulit lumabas pa ng kanilang bahay. Madalang din siyang lumabas sa kaniyang kuwarto.

Ang pinagkaiba nga lang, ngayon ay hindi na siya umiiyak. Wala na siyang luhang mailuluha—tila naubos na lahat. Gano'n pa man, dama niya pa rin ang pagguhit ng kirot sa kaniyang puso. Naisip niya tuloy kung hanggang kalian ba siya magiging gano'n.

Sobra na talaga siyang nangungulila sa presensya at pagmamahal ni Genesis kahit pa ipinagtabuyan na siya ng binata. Sa loob ng maraming buwan na hindi niya siya nakakasama, para siyang unti-unti tinotorture.

Naramdaman ni Alice na parang may umupo sa tabi niya kaya napabalingkwas siya at bumangon. Saka niya napagtanto na si Trisha pala ang nariyan nang humagulgol ito at niyakap siya nang mahigpit.

"Alice, ako na ang nahihirapan sa'yo! Mamamatay ka na sa ginagawa mo, oh. Kalimutan mo na lang kasi siya!"

Akala pa naman din ni Alice kung ang iniiyakan ni Trisha ay si Carl. Siya pala iniiyakan ng kaniyang kaibigan.

"Huwag mo sana akong piliting kalimutan siya dahil mas masakit sa akin 'yon; hindi ko kaya..." kalmadong tugon niya.

Kumalas sa pagkakayakap si Trisha. "Alam kong mahirap, pero nandito naman ako, eh. Nandito pa ako na kaibigan mo—handang dumamay sa iyo at hindi ka iiwan."

Hindi nakaimik si Alice. Naramdaman niya ang paghawak ng kaniyang kaibigan sa kaniyang palad. "Please... sana ay ibalik mo na ang dating saya mo. Miss na miss na kasi kita, Alice. Kahit na sobrang lapit mo lang sa akin, hindi ko pa rin nararamdaman ang presensya mo." Halos lumuhod na si Trisha upang magmakaawa.

Parang bato namang tumama ang mga katagang iyon kay Alice. Napagtanto niyang nariyan pa ang kaibigan niya, subalit tanging sa lalaking iniibig niya lang nakatuon ang kaniyang atensyon. Na-realize niya pang tila iniwanan niya na si Trisha sa ere dahil sa ginagawa. Nariyan palagi ang kaniyang kaibigan para sa kaniya—dinadamayan siya sa pangungulila niya kay Genesis. Subalit, ni minsan ay hindi niya naisip na kailangan din ni Trisha ng karamay.

"I-I'm sorry, Trish... promise, susubukan ko nang bumalik sa dati," saad niya at sa pagkakataong iyon ay siya na ang yumakap sa kaniyang kaibigan.

KINABUKASAN, pagkatapos maligo ni Alice ay isinuot niya na ang kulay pula niyang off shoulder blouse at denim shirt. Pinaresan niya iyon ng pulang doll shoes. Nilagyan niya na rin ng kolorete ang kaniyang mukha upang maikubli ang pamumutla nito.

Nagmadali siyang lumabas ng bahay at pumara ng masasakyang taxi. Matapos ang ilang minutong biyahe ay nakarating na siya sa mall. Nakapagpaalam naman na siya kay Trisha kagabi na siyang ikinatuwa nito. Biniro pa nga siya nito na sa wakas ay makalalabas na siya sa lungga niya.

Dumiretso siya sa department store at humanap ng drawing pencils. Naisip niyang magsimula muli at ituloy ang kaniyang passion—iyon at si Trisha na lang kasi ang natitira sa kaniya. Pagkatapos niyang bumili ng mga lapis ay dadamputin niya na sana ang sketchpad na nasa harap niya ngunit may ibang kamay ang humila roon.

✓Journey To The World Of Make-BelieveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon