Ideyang Balintuna

56 2 2
                                    

‎Tuesday, ‎April ‎04, ‎2017, ‏‎5:09:04 PM


Ang hirap sa pakiramdam na alam mo na sa sarili mo na walang nagtatangkang alamin kung sino ka talaga; para sa kanila, ikaw ang ideyang binuo nila sa isip nila. Kung ano man ang iniisip nila tungkol sa'yo, kung tutuusin, hindi mo na 'yun dapat pinoproblema, kaya lang, hindi mo maiiwasang mapaisip. Bakit ako naging isang ideya? Tao ako, may sariling pagkakakilanlan; hindi ako isang produkto ng imahinasyon ng isang tao.

Isang ideyal na kaisipan ito. Pero sa katotohanan, wala ka nang magagawa kung may personalidad ka nang nabuo sa isipan ng iba at nakakaapekto na sa pakikitungo nila sa iyo.

Mabuti sana kung maganda ang nabuo mong impresyon sa kanila. Ngunit paano kung hindi? Makakabawi ka pa ba sa impresyong iyon? Sa palagay ko, iyon ang tunay na hamon para sa akin.

O sadyang lingid lang sa ating kaalaman na may nagagawa tayong mga bagay na hindi nagugustuhan ng iba? Pero kailangan bang laging magugustuhan ng iba ang ginagawa mo?

Napakaraming katanungan na maaaring iba-iba ang kasagutan.

Sapagkat ang katotohanang tayo ay may pagkakaiba sa bawat isa ay hindi na mababago pa.

Ngunit bakit patuloy ang tao sa panghuhusga sa kanyang kapwa? Bakit hindi na lang maging maintindihin sa bawat isa at hayaang maging maayos ang daloy ng pakikitungo sa bawat isa?

Muli, isang ideyal na sitwasyon sa isang balintunang mundo.

Random ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon