Napakahirap isipin na marami nang nagbago, simula nang tayo'y magdesisyong maghiwalay.
Oo, lagi pa rin kitang naaalala. May pait pa ring nararamdaman ngunit hindi na kagaya ng naramdaman ko nung unang linggo pa lamang ang nakakalipas.
Hindi ko maintindihan kung bakit ko to sinusulat, at kung bakit ipa-publish ko pa. Maaaring mabasa mo pa ito. Pero hindi ko na kayang manahimik. Hindi ko na kayang pigilan yung sakit.
Sabi mo nga, matatapos din. Masasanay din. Siguro nga tama ka. Masakit ngayon pero kapag lumipas ang mga araw, masasanay din.
Pero hindi kita makakalimutan. Sigurado yun.
Maaaring hindi na tayo tulad ng dati pero, sigurado akong hindi natin malilimutan ang isa't isa.
Sana, pagdating ng araw, mapatawad mo ako sa mga naging pagkukulang ko. Magkapatawaran sa mga nagawang hindi tama sa isa't isa.
Minahal kita, sa paraang alam ko. Sa alam kong ibinigay ko na ang lahat ng kaya kong ibigay sa panahong meron tayo. Maniwala ka. Minahal kita.
Siguro hindi nga lang sasapat na sabihing mahal mo ang isang tao. Kailangang may pagpili. Kailangang magdesisyon. Lumaban. Ipaglaban ang nararamdaman. Hindi ko alam kung nagawa ko bang lahat yun, pero sana nauunawaan mo rin ako. Nauunawaan din kita. Malayo tayo sa isa't isa. Napakahirap pero akala natin kaya natin. Patawad. Kung sumuko na rin ako. Marami akong tanong, alam ko na rin ang sagot. Pero hahayaan ko na lang ito dahil hindi naman na nito maibabalik ang dati. Ang nawalang panahon.
Patawarin mo ako dahil nawalan ako ng oras sayo. Napatutok akong masyado sa trabaho. Puro pagrereklamo na lang ang ibinigay kong mensahe sayo tuwing kukumustahin mo ako. Ang alam ko, bumubuo na ako ng mga pangarap na inakala kong pinangarap mo rin para sa akin. Yun pala, kasabay ng pagsuporta mo sa pangarap ko, ay ang unti-unting pagkasira ng kaugnayan natin sa isa't isa. Patawarin mo ako. Inakala ko lang naman na tama pa ang ginagawa ko. Patawarin mo ako. Hindi ko alam kung tama pa bang sabihin ko na, "Sana sinabi mo sa akin para nagawan ko ng aksyon at ayusin.". Baka huli na rin ang lahat kahit sabihin ko.
Ginagawa ko ito para sa ikatatahimik natin. Hindi ako makatulog nang maayos. Para akong kuwago, lalong dumami ang mga isipin ko sa buhay. Kumusta ka na ba? Sana okay ka pa rin, masayahin ka pa rin sana, at laging nagpapatawa. Kumusta ang mga magulang mo? Okay pa ba sila? Hahaha.
Kung mabasa mo man ito, (pero feeling ko, hindi na), sana lagi mong isipin na, nagpapasalamat akong makilala ka. At isinantabi ko na ang mga sama ng loob ko, mga hinaing, mga problema ko tungkol sayo. Gusto ko rin sabihin na hinihiling ko ang kaligayahan mo sa buhay. Na makuha mo lahat ng naisin mo sa buhay.
Salamat at natulungan mo akong bumangon. Salamat sa pagpapatawa at pagmamahal. Salamat sa pakikinig. Salamat sa pag-unawa mo. Salamat sa lahat ng mayroon tayo noon. Patawad sa aking pagkakamali. Natapos man ang kaugnayan natin sa isa't isa noon, alam kong hangad mo lang ang ikabubuti nating dalawa.
Ingat ka lagi. Sana, ito na 'yung huling isusulat ko tungkol sayo.
BINABASA MO ANG
Random Thoughts
PoetryRandom Thoughts of a Semi-Cultured Human Being living in quarterlife crisis. La la la la la