Eksistensyal - Uno

93 1 8
                                    

Habang ako'y papalayo
Walang makitang pag-asa sa buhay
Hindi makabahagi sa lipunang puno ng kaululan
Walang katinuang maipagmamalaki sa gitna ng isipang milenyal
Ay naisipang isulat ang mga salitang ito
Na parang wala lang naman talagang epekto
Pero kung titingnang maigi mula sa mikroskopyo
Ang telon na tumatabing sa mata ng isang bulag sa katotohanan
Ay tila diyamanteng hindi basta mababasag o magagasgasan

Kundi isang diyamante ring tulad ko, tulad mo, ang maaaring makadaan

Habang ako'y papalayo
Naaaliw sa mga taong wala nang ginawa kundi ngumawa
Namamangha sa kawalan ng gana ng iilan, marahil, karamihan nga
Wala na akong maintindihan, sige lakad lang ako, lakad pa
Hanggang sa kung saan na lang dalhin ng marurungis kong paa
Hanggang sa kung saan ako dalhin ng isip kong malaya, kahit doon lang, ako'y malaya

Habang ako'y papalayo
Humihimig nang mahina ng mga tonong hindi pa nailalapat
Nararamdaman na ang ingit ng mga butong marurupok at malulutong
Buntung hiningang kaylalim, sadyang kaybilis nga ng panahon
Nagawa ko na ba ang dapat kong gawin?
Minahal ko ba ang dapat mahalin?
Inalis ko ba sa buhay ko ang dapat alisin?

Puro tanong.
Puro kuwento.
Puro salita.
Kailangang may gumawa.
Ikaw.
Ako.
Tayo.
Wala palang tayo (hugot ito).
Ibig kong sabihin, kumilos tayo.

Habang ako'y papalayo
Naisip kong wala pala akong kasama.
Tara?

Random ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon