• Ikawalong kabanata | Bagong Mashna •

731 21 4
                                    

Ligtas na nakarating ang lahat ng mga Punjabwe at mga Sang'gre sa Hathoria. Inutusan ng Hara Pirena ang kaniyang panganay na anak na magtungo sa Lireo upang sunduin si Arisha at upang ipagbigay-alam na rin kay Hara Alena ang mga kaganapan sa lupain ng mga Punjabwe. 

Silang lahat ay kasalukuyang nasa punong bulwagan ng Hathoria. Sa pamamagitan ng mga dama at mga tagapagsilbi ay pinagkalooban ng mga pinuno ng Hathoria ang mga Punjabwe ng mga makakain. Gamit rin ang brilyante ng lupa ay ginamot ni Sang'gre Danaya ang mga nasugatan ng mga rebelde. 

Nagamot na rin niya ang mga sugat at pasang natamo ni Azulan at sa kasalukuya'y silang apat na pinuno ay nakatayo sa isang tabi at nagpupulong. 

"Aking iminumungkahi na sa mga haligi na lamang muna ng Sapiro tumuloy ang mga Punjabwe," ani Rama Ybrahim sa kausap na sina Hara Pirena, Rama Azulan at Hara-durie Danaya. 

"Sa pagkamatay ni Casian na pinuno ng aming tribo; habang wala pang napagdedesisyunan upang maging sunod na pinuno ay ako muna ang magsisilbi bilang isa. At bilang kanilang pinuno ay mas makakabuti kung sa ilalim ko pa rin mananatili ang mga Punjabwe," ani Azulan.

"Ayon ay kung papayag kang dumito muna sila, mahal ko?" Ipinulupot ng Rama ang kaniyang braso sa bewang ng kaniyang Hara na siyang ngumiti sa kaniya. 

"Mas mabuti nga kung mananatili muna sila dito sa Hathoria. Sapat naman ang laki ng aming palasyo upang mabigyan silang lahat ng pansamantalang tahanan." 

Tipid na ngumiti ang Rama ng Sapiro sa naging desisyon ng mag-asawa. "Iginagalang ko ang inyong desisyon, Hara, Rama. Ngunit asahan ninyong malaki ang itutulong ng Sapiro sa muling pagtataguyod ng pamayanan ng mga Punjabwe." 

"Avisala Eshma sa iyo, kaibigan," nakangiting turan ni Azulan. 

"Walang anuman." 

"Tiyak naman akong malalagpasan rin kaagad ng mga Punjabwe ang pagsubok sa kanilang tribo na kanilang nakaharap," turan ng pinakabatang Sang'gre. "Ngunit anong plano niyo sa mga rebelde?" 

"Sila ay aming lilitisin at ipadadala sa bakut," sagot ni Pirena. *(bakut-bilangguan)

"Ngunit nakatakas ang kanilang pinuno at tiyak akong hindi siya titigil hangga't hindi siya napapaslang." Bumuntong hininga si Azulan at napahawak sa kaniyang sentido at sinisi ang sarili kung bakit ba nakatakas si Miguel sa kaniyang mga kamay. Agad iyong napansin ni Pirena kaya't hinaplos niya ang likod ng kaniyang asawa upang pagaanin ang loob nito. 

"Tiyak akong hindi pa siya nakakalayo sa Sapiro, kaya't hayaan niyong hanapin ng aking mga kawal ang pinunong iyon ng mga rebelde." Muli ay nagpasalamat si Azulan sa Rama ng Sapiro at di kalauna'y lumisan na ang Rama Ybrahim at Sang'gre Danaya sa pagpupulong nilang apat upang bigyang pansin ang mga Punjabwe.

Naiwan naman doong magkasama sila Azulan at Pirena. . .

"Ngayon na lamang kita nasarili. Ayos ka lamang ba?" Hawak ng Rama ang pisngi ni Pirena habang kaniyang nakatuon sa mga mata nito.

"Oo, ayos lamang ako," siya'y napabuntong hininga. "Ngunit muntik na akong masugatan kanina kung hindi pa ako nailigtas ng isa nating kawal." Nag-iwas ng tingin si Pirena sa kaniyang asawa.

"Muntik ka nang masugatan?!" Nagtaas ng boses si Azulan at lalong nag-alala kung ayos ba lamang ang kaniyang Hara at muling sinuri ang kaniyang katawan. Bahagya namang natawa ang Hara sa ginawang iyon ng kaniyang asawa. 

"Kamuntikan lamang iyon, Azulan. Kagaya nga ng aking nabanggit ay nailigtas ako ng isa nating kawal." Hinawakan ni Pirena ang pisngi ng asawa upang muli itong pakalmahin at pinaibabawan naman ng kamay ni Azulan ang kamay ng Harang nakahawak sa kaniya. 

Encantadia: Ang Punjabwe at ang HaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon