• Ikasiyam na kabanata | Tensyon •

632 21 8
                                    

Lumipas ang ilang mga araw ay bumalik na ang kalagayan ng lahat sa ayos. Nanatili pa rin sa Hathoria ang mga Punjabweng nailigtas ng mga Sang'gre laban sa mga rebeldeng kauri nila habang hindi pa tuluyang naaayos ang kanilang dating tahanan.

Maraming kawal-Hathor, kawal-Sapiryan at kawal-Diwata ang mga tumulong sa ibang kalalakihang Punjabwe sa pagsasaayos at muling paggagawa ng nasira nilang tahanan. Sa loob lamang ng ilan pang mga araw ay maayos na muli iyon ng tuluyan.

Si Hara Pirena at Rama Azulan naman ay kasalukuyang naroroon sa gubat ng Sapirong lokasyon ng pamahayan ng Punjabwe, tumutulong at inaasikaso nila ang pagsasaayos muli noon.

Ang kanilang bunsong anak ay ngayo'y nasa Lireo na upang mag-aral ng kaniyang mga leksyon at magsanay ng mga bagay na dapat niyang pagsanayan kasama ang mga pinsan nito.

Ang kaharian ng Hathoria ay naiwan sa pamamahala ni Mira, sa tulong na rin ng dalawang Mashnang naroroon na tumitiyak ng kaligtasan at kaayusan sa kaharian.

Nakaupo ang Sang'gre sa kaniyang trono na siyang nakatabi ng trono ng Hara. Sa nakataas na bahagi ng punong bulwagan ay naroroon ang apat na upuan na nagsisilbling trono sa apat na kamahalan ng Hathoria.

Habang wala ang Yna at Ado niya ay si Mira muna ang tumatanggap ng mga Hathor na sumasangguni at nangangailangan ng tulong mula sa kanilang kaharian sa gabay ng ilang mapagkakatiwalaang konseho ng Hathoria.

Tinutulungan at binibigyang solusyon ng Sang'gre ang mga mamamayan ng Hathoriang humihingi ng tulong sa kaniya. Ginagamit niya ang mga leksyon at natutunan niya sa panahong nasa Lireo pa siya, ang mga natutunan niya kay Hara Amihan at ang mga bagay na siyang natutunan niya rin kay Hara Pirena.

Sa kaliwang bahagi naman ng punong bulwagan ay naroroong nakatayo ang dalawang tapat na Mashna ng Hathoria upang matiyak ang kaligtasan ng Sang'gre at ng mga trono.

Nahanap na lamang ni Damien ang kaniyang sariling nakangiti habang kaniyang pinagmamasdan ang mga galaw at pinakikinggan ang mga ekspertong wikain ng Sang'gre Mira.

Tunay na kagaya ng kaniyang kahanga-hangang Yna ay matalino at magaling rin ang Sang'gre ng Hathoria. . .

"Tapos na ba ang pagsangguni?" Tanong ni Mira sa isang kawal na namamahala sa pagpapapasok sa mga dudulong.

"Opo, mahal na Sang'gre. Matagumpay niyo na pong natugunan ang lahat ng mga suliranin ng mga Hathor."

Ngumiti si Mira at siya ay eleganteng tumayo mula sa kaniyang trono. "Kung gayon ay maraming salamat sa inyo," turan niya sa mga kawal na nagbantay. Agad naman nilang inilagay ang kamao sa dibdib at sabay sabay na tumungo bilang bigay-pugay.

"Maraming salamat rin sa inyo, mga konseho. Maaari na ninyong ipagpatuloy ang inyong mga ginagawa." at kagaya ng mga kawal ay nagbigay pugay rin sa kaniya ang mga ito.

"Isa na namang matagumpay na pagdulong ang iyong naisagawa, mahal na Sang'gre. Tiyak kagaya ng iyong Yna ay magiging magaling na pinuno ka rin ng Hathoria balang araw."

Lumawak ang ngiting nakaukit sa muka ni Mira at nagpasalamat naman sa puri ng isa sa mga konseho sa kaniya. Agad na lumisan na ang mga konseho at nagpatuloy nga sila sa iba nilang pinagkakaabalahan.

Nakangiting nagpakawala ng malalim na buntong hininga ang Sang'gre bago ibinaling ang kaniyang paningin sa kinatatayuan ng dalawang magkatabing Mashna.

"Argus, pumunta ka sa mga silong at kuweba at mag-ulat ka sa akin kung may problema o kung anuman sa pagpapanday."

"Masusunod po kamahalan." Ngumiti sa kaniya ang Sang'gre kaya't isang matipid ring ngiti ang kaniyang iginawad rito bago muling magbigay pugay at humakbang upang lumisan at sundin ang kaniyang naipag-utos.

Encantadia: Ang Punjabwe at ang HaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon