Lumaki ako sa maraming laruan,
ngunit bilang lang sa daliri
ang aking nagustuhan;
gusto rin ito ng karamihan.
Sabi ni tatay,
mga laruang 'di na kailangan
marapat na s'yang ipamigay—
sa mga batang lubos na nangangailangan.
Palagi niya sa'king paalala
na hindi masama ang mamigay;
kung ano'ng mero'y ibahagi sa iba,
dahil tiyak na masisiyahan din sila.
Sabi ni tatay
may isang bagay s'yang
kinatatakutang ibigay
ang sarili niyang anak;
sa lalaking mamahalin balang araw,
ngunit hindi ko inaasahan
ang sabi sa'kin ni tatay,
"hindi ko ipagkakait
ang kasiyahang naidulot mo sa buhay ko,
gusto ko ring ibahagi ito
sa lalaking mamahalin ka ng buo".