Alas nuebe ng umaga
sabay tayong gagawa ng kanta
habang hawak mo ang gitara
idadaan ko sa mga letra
ang mga magagandang alaala
at lalapatan mo ng magandang musika
Alas dose ng tanghali
nakita ko ang ngiti
sa matamis mong labi
dyan ako nabighani
at sa sulyap na sandali
na walang pinipili
hindi na mapakali
ang puso kapag ikaw na ang katabi
Alas kwatro ng hapon
Tila ayaw ko nang bumangon
kung ikaw ang yakap sa maghapon
Ayaw ko nang umahon
kahit nalulunod ang mga matang ito
mga mata kong ito na sa'yo lang nakatuon
Alas otso ng gabi
Teka, pwede bang huminto muna panandali
pwede bang mayakap ka sa huling sandali
pwede bang mahagkan ka kahit na saglit
pwede bang humingi ng ilang oras ulit
dahil ayoko pang umuwi
pwede bang ibalik ang oras na kanina'y nanatili
pwede bang alas nuebe na lang ng umaga ulit
pwede bang gumawa na lang tayo ng kanta muli
pwede bang bumalik sa oras na may ngiti sa iyong labi
pwede bang humingi ng oras para tayong dalawa'y maging masaya muli