". ..habang hibang si Mang Miguel sa anak mo, gatasan na!"
ISA-ISANG INILALABAS ni Chedeng ang mga de-lata sa Balikbayan box na galing Japan. Tuwing ikalawang buwan ay nagpapadala ang panganay niyang si Ivy. Nakangiti si Chedeng dahil nadagdagan na rin ang perang padala sa kanya. Makakapunta na naman siya sa SM.
Dating si Mang Tiago. Maaga pa ay nagising na siya, kahit napuyat sa pagsasaway sa mga usisero kaninang madaling-araw. Siya ang Ex-O ng mga Barangay Tanod. Kahit nasa pinangyarihan na ng krimen ang buong barangay, gusto pa rin nilang magtanong. At gusto rin namang magkwento ni Mang Tiago. Feeling sikat na naman siya dahil...
"Extra ako sa dyaryo..." sabay abot sa asawa ng tabloid na may headline na: Ika-lima ni X Man.
"Ikaw ba 'to?" habang nakatingin sa litrato ng matangkad na tanod na humaharang sa mga tao.
"Oo." Habang inuusisa ang mga padala ng anak.
"Mukhang desidido si Mang Miguel sa anak mo. Payag ka ba?" Tanong ni Chedeng bagamat alam na niya ang sagot ng asawa. Ilang beses na nilang napag-usapan ito.
"Payag ako. Kahit hindi Hapon si Mang Miguel, matindi ang yaman no'n. Ang daming negosyo. At ang lakas ng patisan niya."
Naging amo na ni Chedeng si Mang Miguel. Naglilinis siya ng bote para sa patis.
"Pero kilala natin si Mang Miguel. Panandalian lang yan."
"Alam ko. Kaya nga habang hibang si Mang Miguel sa anak mo, gatasan na!"
Lalabas si Veron sa kwarto. Dala ang mga damit. Papunta na sa banyo.
"Veron, sa mamahalin kang restaurant magyaya," sabi ni Chedeng. "Wag mong kalimutang magpabalot."
Parang walang nadinig si Veron. Tuluy-tuloy siya sa banyo.
"Syanga pala Chedeng nakita ko ang bangkay ni Candy. Grabe, tadtad ng saksak." Muling kinuha ang tabloid at isinuksok sa kanang likod na bulsa ng maong.
"Tagarito lang kaya 'yung X Man na 'yon?"
"Wala naman tayong dapat ikatakot. Mga bading lang ang pinapatay no'n." Sabay abot sa isang latang corned beef. Pero namataan siya ng asawa.
"Saan mo dadalhin 'yan?" sabi ni Chedeng.
"Ipampupulutan lang..." sabay alis. May ibibida na naman si Tiago sa mga barkada.
Hindi na nakatutol si Chedeng dahil may nakitang tsinelas sa package. Kinuha niya ito at nakangiting isusukat.
BINABASA MO ANG
X Man
Mystery / ThrillerTrilogy ng abnormal na mga tao. Ang una ay kwento ng serial killer ng mga bakla,. Ang pangalawa ay istorya ng batang bosero. Ang natuklasan niya sa isa niyang nabososan ay magpapagulo sa kanyang pag-iisip. Ang ikatlong kwento ay sa pamilyang nagbebe...