THIRTY-THREE: Ang Buhay ni Scotch Tape

22 1 0
                                    

Ang Buhay Ni Scotch Tape
katha nina: MayiTintin at CeresDilemma
(Para sa asignaturang Masining na Pagpapahayag)


Unang pagtatagpo'y sa tindahan
Doon nasumpunga't nahawakan
Sa sandaling yaon 'di ka nangiming bilhin
Inari mo ako, isang rolyong alipin.

Kinunsumo sa kagamitang biswal
Bawat unat, waring patiwakal
Kakapit ako hanggang kakayanin
'Pagkat iyong inari, ginawang alipin.

Hay... iyo pa bang naalala?
Panahong bumulusak ang marka?
Sertipiko ng grado: inipit, pinunit
Mahalagang papeles nasira sa galit.

Wasak na papel isinantabi
Luha ay pinahid, nagpursigi.
Ikaw ay bumangon, sa lahat ay bumawi
Ako'y tumulong: ako, ang rolyo mong alipin.

Pantulong sa pamilyang mahirap
Isang scholarship iyong nahanap
Kinakailangang papeles ay nasilip
Wasak na papel de grado iyong naisip.

Iyong silid agad hinalungkat
Kailangang dokumento sinipat
Sa wakas sertipiko mo ay natagpuan
Dagli akong hinanap at kinailangan.

Muli kitang ipinaglingkuran
Ako at ang papel, ginabayan
Ako'y iyong inunat, pinunit—masakit
Ngunit pinagsilbihan, sa papel dumikit.

Unti-unti ako ay naubos
Bawat hibla nagsilbi na nang lubos
Buhay ko man nandidilim
Tutulong ng wagas ang rolyo mong alipin.

Dumating ang kinatakutan ko!
Kapangyarihan at buhay, naubos mo.
Hubo na rolyo, materyal na walang silbi Basurahan ay hinalikan - nalimutan aliping binili.

Lingkod mo'y di tuluyang naglaho
Hibla-hibla'y nagmamasid sa 'yo.
'Di man pinapansin, ako ay nakatingin
Dati mong pag-aari; rolyo mong alipin.

***
All Rights Reserved. 2016 © MayiTintin & CeresDilemma

Novice ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon