THIRTY-SIX: Muntik Na

18 0 0
                                    

MUNTIK NA

Humulog na ang lamig sa kalupaan,

Ngunit ba't 'di yata halos maramdaman?

Ilang oras nang lumipas

Nakaupo, nakatingin sa labas—

Tinatanaw ang papalubog na araw;

Senaryong kumudlit sa balitawtaw.


Naaalala mo pa kaya?

Unang beses mata'y nagtama.

Ipit sa mahabang paghihintay,

Pag-usad ng trapiko sa tulay.

Noo mo noo'y nakakunot

Kausap si Manong Drayber na panot

Waring may inuungot,

Tama, ika'y nakabusangot!


Ikaw ay napatingin sa salamin

Sandaling nagtama ang ating paningin,

Ika'y biglang ngumiti sa akin,

(Sa akin ka nga ba nakatingin?)

Kilay ko'y biglang umarko,

Sandali . . . waring may lumukso!

Mga nakabibinging busina naglaho,

Tanging naririnig pintig ng puso,

Mukha biglang nag-init: hala . . . ano ito?


Humulog na ang lamig sa kalupaan—

Tuluyan nang walang maramdaman.

Ngiting inakalang sa 'kin nakalaan,

Isa palang malaking kahangalan.


Binalot na ng dilim ang kalangitan—

Siyang pag-usad ng trapiko sa daan.

Nanunubig na mata'y dumako sa unahan;

Naroon ka katabi'y matalik na kaibigan.

Novice ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon