Kendi

69 2 0
                                    

"Bata, gusto mo ng kendi?" tanong ng mama,
sino naman ako para tumanggi sa biyaya?
Sunod-sunod na tango ang sagot sa kaniya.
Teka, bakit binuhat niya ako, bakit siya nagmaskara?

Pumalahaw ako ng iyak sa gitna ng tawanan,
kahit anong pilit nila, ayaw kong tumahan.
Nagsusumigaw ako sa loob ng sasakyan.
Pakiusap, ibalik niyo ako sa aking tahanan!

Isa, dalawa, tatlo at marami pang bilang,
mga batang ninakaw mula sa kanilang magulang.
Nakatago sa nakasusulasok na amoy ng dumi at kalawang,
ngunit nakabihis sila ng pera at pakinabang.

Tinatawag na kami ng mamang may balbas,
pinipilit pangitiin kahit isa lang itong palabas.
Sa nagkakagulong kabataan ay pinlano ang pagtakas,
isa, dalawa, tatlo, tumakbo ako kasabay ng oras.

Sa pakikipaghabulan sa kamay ng orasan,
napatigil ako at napako sa kinaroroonan.
Ilang hakbang na lang at abot ko na ang pintuan,
ano 'yong pumutok, bakit ako sugatan?

"Iligpit niyo 'yan," utos ng mama na nag-abot ng kendi,
'yong mamang kanina lang ay sinuklian ko ng ngiti.
Ano raw? Bakit ako ipinabibenta sa morgue?
Hindi ako bagay, hindi po ako nabibili!

Hindi niyo sila mapapasuko, kaya ako na lang,
hindi na matiis ang sakit, ayaw ko nang lumaban.
Kung ikaw ang bibili sa aking musmos na katawan,
bihisan mo ako ng maganda at isauli sa aking magulang.

©FortressMeadow
07.02.2017
09:18

(Photo not mine, all credits to the owner.)

Poetry Sessions.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon