Titipa, buburahin

133 7 2
                                    


Titipa, buburahin, tutunganga,
mga salitang hindi mabigkas ng bunganga.
Buod na pilit isinisagaw ng isipan,
ngunit nauuwi sa rurok ng karimlan.

Titipa, buburahin, iiling,
mga ideyang sa tula ibabaling.
Mga k'wento na pipiliting mabuo,
ideyang hindi alam ang bawat dulo.

Titipa, buburahin, ititipang muli,
salitang ligaw na 'di alam kung sa'n uuwi.
Ang mga salitang pilit mong hinahawakan,
ay s'ya ring kwentong nais mong bitiwan.

Titipa, buburahin, pag-iisipan,
mga talatang nais mong pakawalan.
Ang mga salitang gusto mong lingapin,
ngunit kailangang kalagan sa pagkakaalipin.

Titipa, buburahin, bahala na,
hahayaang dumaloy ang mga ideya.
Pipiliting tibagin ang mga harang,
ng mga k'wentong sa tula sisimulan.

©FortressMeadow
02.24.2016
23:40

Poetry Sessions.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon