Kulang

33 3 0
                                    

Kulang.
Ni: Kimberly V. Braulio

Ngingitian bawat lungkot na sisilipsilip,
nakikiramay ang kawalan sa isipang di malirip.
Kung sa bawat tahimik na bulong namamatay ang tala,
maging ang kalawakan ay matagal na sanang nawala.

Kailan mo isasantinig ang salitang, "tama na!"
anim na letrang magpapatigil sa bawat pagluha.
Pahinga lang naman ang sagot sa bawat pagod,
pahingang tila para sa 'yo'y matagal nang naanod.

Kung may katumbas na salapi ang bawat buntong-hininga,
hinuha ko, sa pagkakataong ito ika'y mayaman na.
Hindi mo ba nalalaman na may hangganan ang pagtitiis?
Ano't tila nagpapatalo ka sa mabangis na hinagpis?

Kailan mo aamining pagod ka nang humikbi?
Na tuwing madaling araw, unan mo lang ang kakampi?
Ang mga salitang dati'y matalik mong kaibigan,
maging ang pagsusulat tila ikaw na ri'y sinukuan.

Kung ang tahimik na panaghoy ay nakamamatay,
sa ngayon, palagay ko'y wala ka nang buhay.
May buhay ka pa nga ba kayang natitira?
O nanghimagod ka na rin maging sa paghinga?

Mahirap tapikin ang sariling balikat,
lalo na't kung kalungkutan ang iyong kaakibat.
Sa bawat patak ng kaibigan mong luha,
ilang ulit mo na kayang hiniling na bigla na lang mawala?

(2016 Poem)

Poetry Sessions.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon