NAKABIBINGING lakas ng tugtog ng musika ang pumapailanlang sa paligid at tila nakaramdam si Marigold ng paninikip ng dibdib. Napailing siya sa pagkayamot at minasahe ang pumipintig na sentido. Ayaw niya sa maingay at naiinis siya dahil nailagay siya ngayon sa ganoong sitwasyon.
“Hey, Gold! Nandito tayo para mag-enjoy. Loosen up, li’l sis!” si Alex, ang nakatatanda niyang kapatid, ay humiyaw sa kanya at ngumisi habang niyuyugyog ang ulo sa saliw ng musika.
Mali, dikta ng isip niya. Nandito ako ngayon dahil sinabi mo kay Dad na kailangan nating mag-celebrate. Taliwas sa gusto ko, syempre. Pero hindi na niya isinatinig pa ang mga iyon. Gusto lang ni Alex na maging masaya siya. At kahit na hindi naman siya nasisiyahan sa pinagdalhan nito sa kanya, kailangan niyang magtiis.
Napatitig lang si Marigold sa kanyang kuya na inililibot ang paningin sa mga grupo ng taong nagsasaya at naglilibang sa bar na iyon.“Hindi na. Salamat na lang, Kuya.” Huli man ay nagawa pa rin niyang tumugon.
Napalingon naman sa kanya si Alex. Sumimsim muna ito ng alak mula sa hawak na baso saka siya tinapik sa balikat. “Gold, this is your night so make the most out of it. Mabuti nga’t pinayagan ka na ni Dad na gumimik. Malay mo, ngayong graduate ka na, bawas-bawasan na niya ang paghihigpit sa 'yo.”
Naiiling na lang siya sa mga sinasabi nito. Wala naman siyang pakialam kung paghigpitan siya o payagan na siyang pumunta sa kung saan. Mas gusto naman niyang manatili sa kwarto habang nanonood ng pelikula o di kaya ay magbasa na lang ng paborito niyang libro. Hindi sanay si Marigold sa ganitong pagpa-party. Ito ang pinakahuli sa listahan ng mga gagawin niya dahil wala siyang interes dito.
“At hindi ka lang basta nakapagtapos,” dagdag pa ni Alex kapagkuwan. “Nakapagapos ka nang may Latin honors. Proud talaga ako sa ‘yo!”
Hindi mapigilan ni Marigold ang mapangiti sa tinuran ng kapatid. Epekto nga naman ng alak. Nagiging madaldal ang kuya niyang sadsaran ng seryoso at tahimik. At sinabi pang proud sa kanya! Mukhang nagkaroon na siya ng dahilan para magdiwang!
“Isang beer, please!” sabi ni Marigold sa nagdaang waiter malapit sa kanilang lamesa.
“Whoa! Ganyan!” anang kanyang kuya na nakipag-toast pa sa kanya nang dumating ang kanyang in-order.
Ilang sandali rin silang nagkuwentuhan na napakadalang nilang gawin. Masyadong istrikto ang kanilang ama na pati pakikipaghuntahan sa kanya ay ipinagbabawal sa kuya niya. Dahil gusto raw nitong mag-focus si Alex sa trabaho bilang kanang kamay nito at siya naman ay upang pag-aaral lang ang atupagin. Naiintindihan naman iyon ni Marigold. Nakapa-abalang tao ng kanilang ama.
Hindi na siguro nito gustong dumagdag pa sila sa mga alalahanin nito. Napapansin niyang panay ang sulyap ng Kuya Alex niya sa isang grupo ng mga kababaihan, limang mesa ang layo mula sa kanila. At partikular na isang babae lang ang tinititigan nito. Mukhang nakahanap na ng target ang kuya niyang tahimik pero nasa loob ang kulo. Maraming nababalitaan si Marigold tungkol dito. Sa hitsura pa lang ng kapatid ay hindi naman na nakapagtatakang palikero nga ito.
Sa edad na beinte singko, mukha nang nasa treinta si Alex. Siguro dahil sa sobrang seryoso ng mukha nito na parang kailangan pang bilhin ang ngiti, na alam ni Marigold na lalong nakakapagpalakas ng dating nito sa mga babae. Naging bentahe pa ng kuya niya ang pagmumukhang matured. Dito kasi, aakalain ng karamihan na matino ito at seryoso sa buhay. Looks can be deceiving, 'ika nga. Dahil lingid sa kaalaman ng ilan, lalo na ng kanilang ama, matinik ito at mahilig sa mga babae.
“Puntahan mo na,” pag-uudyok ni Marigold sa nakatatandang kapatid.
Umiling lang ito saka ngumiti.
BINABASA MO ANG
Fill Me In - PUBLISHED under RedRoom
General FictionPAG-IBIG. PANLILINLANG. GALIT. MATINDING PAGNANASA. Sino'ng dapat na piliin? Ano'ng damdamin ang dapat sundin? (Warning: Mature content)