T3-4

1.6K 58 5
                                    

Chapter 4

Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang mapuputing nilalang na pinagpapaslang ang maiitim na nilalang na humuli sa amin. Nang maubos nila ang maiitim na engkanto, isa-isa nila kaming kinalagan mula sa pagkakatali.

Naagaw ang aking pansin ng isang binatilyo na papalapit sa akin. Agad nitong tinanggal ang baging na nakapulupot sa aking katawan. Hindi ako maaaring magkamali, dahil nakita ko na siya noon sa bukana ng gubat.

Mahaba at maputi ang kanyang buhok na hindi katulad noong unang nakita ko siya. Matulis ang kanyang tainga at sobrang putla ng kanyang balat. Napadako ang aking tingin sa matangos niyang ilong at nakakahumaling na labi.

Napapikit at napailing ako sa kakaibang naiisip ko at nagsisimula na namang bumilis ang tibok ng aking puso. Napamulat ako nang bahagya, nang niluhod niya ang kanang tuhod sa lupa upang kalagan ako.

Walang kahit na anong katagang lumabas sa kanyang bibig. Nanlaki ang mga mata ko nang mapansin ko na halos magkadikit na ang aming mga mukha. Napalunok ako nang magkabanggaan ang aming tingin.

Agad akong napayuko dahil pakiramdam ko ay nag-init ang aking mukha. Nanlalamig ang aking mga kamay at tila nakuryente ako nang magdampi ang aming balat.

Natauhan ako nang mapansin ko na nakatayo na sa likuran ng lalaki si Mila. Matamang nakatitig lang siya sa aming dalawa. Nang matanggal ang aking tali, agad akong tumayo at pinagpagan ang natuyong putik sa aking katawan.

"Ihahatid na namin kayo sa lagusan paalis sa lugar na ito." Sabi ng isang maputing nilalang.

Agad na tumalikod ang binatilyo sa akin at naglakad palayo. "Sumunod kayo," Matipid at walang kalingon-lingon na sabi ng binatilyo.

Sumunod na lang kaming mga nakaligtas sa kanila. Kahit natatakot kami, nagtiwala na lang kami dahil sila ang nagligtas sa aming buhay. Agad akong lumapit sa tahimik na si Mila.

"Okay ka lang ba?" Tanong ko sa kanya.

"Sana magising na tayo sa bangungot na ito." Matamlay na tugon niya.

Nabangga ang aking mukha sa likod ng binatilyo nang bigla silang tumigil sa paglalakad. Nahimas ko ang aking ilong na tumama sa lagayan ng pana na nakasukbit sa kanyang likuran, saka napatingin sa kanila.

Naestatwa ako nang lumingon sa akin ang binatilyo. Seryoso lang niya akong tinignan saka siya muling humakbang. Kinalabit ako ni Mila kaya napailing ako upang bumalik sa katinuan ang aking isipan. Hindi ko maintindihan kung bakit parang tumitigil ang utak ko sa pag-iisip kapag nakatitig sa akin ang binatilyong iyon.

Tumigil kami sa paglalakad nang matumbok namin ang dulo ng lupang daan. Gumilid ako sa tabi ng isang puno at napansin ko na nakatingin na naman sa akin ang masungit na binatilyo. Nakatapat siya sa akin sa kabilang puno kung saan siya nakatayo.

"Hindi kita maintindihan," Mahinang sabi niya habang nakatitig sa akin.

Nanlaki ang mata ko at napatingin sa kaliwa't kanan ko. Medyo malayo sa akin si Mila at wala naman ibang maputing nilalang na malapit sa akin. Hindi ko rin maintindihan ang ibig niyang sabihin at kung ako ba talaga ang kinakausap niya.

"Bago kayo lumabas, kailangan n'yong baliktarin ang inyong mga damit. Huwag kayong mag-alala, nakaalis na kami bago pa kayo makapagbaligtad ng inyong nga kasuotan." Muling sabi ng maputing nilalang.

Itinaas ng isa pang maputing nilalang ang kanyang kamay. Lahat kami ay sa kanyang kamay napatingin. "Hindi n'yo maaalala ang nangyaring ito, pagkalabas n'yo sa lagusan."

Nasilaw kami sa liwanag na lumabas sa kanyang palad. Natakpan ko ng aking kamay ang aking mga mata. Nang magmulat ako, wala na sila sa aming harapan. Mabilis naming binaligtad ang aming mga damit at agad na lumabas sa lagusan na tinukoy ng mga mapuputing nilalang.

Masakit ang aking ulo nang magising ako sa aking higaan. Mukha nila Inay at Ama ang bumungad sa akin. Kitang kita ko ang pinaghalong takot, pangamba at pag-aalala sa kanilang mukha.

"Diyos ko, maraming salamat at nagising na ang aming anak." Luhaang sabi ni Ina."

Dahan-dahan akong bumangon at napakapit ako sa braso ni Ama dahil medyo nahilo ako sa biglaang pagbangon. "Dahan-dahan anak," Alalay na sabi ni Ama.

Kumunot ang aking noo. "Ano po ang nangyari? Bakit parang alalang alala po kayo sa akin? Bakit po kayo umiiyak?" Tanong ko sa kanila.

Nagkatinginan sina Ina at Ama saka muling bumaling sa akin. "Wala ka bang naaalala sa nangyari sa'yo?" Tanong ni Ama.

Napailing ako. "Ano pong nangyari ang sinasabi n'yo? Ang huling naaalala ko ay umalis si Inay upang ibalik ang lagayan ng cake kay inang Imelda. Saka nakita ko na nagdidilig ng halaman si Mila sa kanilang bakuran." Napahawak ako sa aking ulo nang bigla iyong kumirot.

Napangiwi ako sa sakit at pakiramdam ko hinahalukay ang aking utak. Inalalayan ako ni Ina at dahan-dahan niya akong hiniga sa aking kama.

"Huwag mong pilitin alalahanin ang nangyari sa'yo anak." Hinaplos ni Ina ang aking buhok.

"Nakita kayo ng mga magsasaka sa gitna ng kagubatan. Marami kayong mga bata na walang malay kaya agad silang humingi ng tulong upang madala kayo sa pagamutan. Tatlong araw ka nang natutulog Amy, kaya laking pasasalamat namin sa Diyos at nagising kana." Maluha-luhang salaysay ni Ama.

Nakaramdam ako ng pagkalam ng aking sikmura kaya napahawak ako sa aking tiyan. "Naku, alam kong nagugutom ka na anak. Pinagluto kita ng lugaw dahil sabi ng doktor na malambot na pagkain lang muna ang maaari mong kainin kapag nagising ka." Sabi ni Inay.

Agad na tumayo si Ama. "Ako na ang kukuha ng pagkain mo anak, magpahinga ka na lang muna d'yan."

Napangiti na lang ako at tahimik na nagpasalamat sa Diyos, dahil nagising ako at nabigyan ng pangalawang pagkakataon upang mabuhay at makasama ang mga taong mahalaga sa akin. Hindi man malinaw sa aking isipan ang nangyari, ang importante ay nakabalik ako nang ligtas sa aking pamilya.

Abala si Inay sa pagbabalat ng mansanas nang may mapansin akong maliwanag sa labas ng bintana. Nanlaki ang aking mata nang makita ko ang maliit na diwata na nakita ko noon sa aking panaginip.

Ngunit hindi na siya maliit ngayon at isa na lang siyang batang katulad ko. Itim na ang malaginto niyang buhok at wala na rin ang pakpak niya sa likod. Kumaway siya sa akin at saka matamis na ngumiti.

Napatingin sa akin si Ina saka siya tumingin sa bintana kung saan ako nakatingin. Napalingon ako kay Ina at nang muli akong tumingin sa bintana, wala na roon ang diwata na nakita ko sa aking panaginip.

ITUTULOY...

Tamawo 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon