T3-7

1.9K 72 56
                                    

Kabanata 7

Marahang tapik sa pingi ang gimising sa aking pagkakahimbing. Nang imulat ko ang aking mata, bumungad sa akin ang mukha ni Mila na punong puno ng takot at pangamba.

Punong-puno siya ng putik at nakaupo siya sa aking tabi. Nakatali ng baging ang kanyang kamay pati ang kanyang paa. Kumalabog ang puso ko nang mapagtanto ko na parang nangyari na ang mga pangyayaring ito noon.

Napatingin ako sa aking kamay at saka ko napansin na nakatali rin pala ako. Pinasadahan ko ng tingin ang buong paligid at nakita ko ang ibang mga bata na tulad namin na kapwa nakatali rin.

Bumangon ako sa maputik na lupang kinahihigaan ko saka dumikit kay Mila. Gusto ko siyang yakapin ngunit hindi ko magawa dahil nakatali kami. Ang ilang mga bata ay umiiyak na at tinatawag ang kanilang ina.

"Nasaan tayo? Bakit tayo narito?" Tanong ko kay Mila.

Umiling siya. "Hindi ko alam," Malungkot na sabi niya.

Hindi ako maaaring magkamali, parang nangyari na talaga ito noon. Ngunit kahit anong isip ang gawin ko, hindi ko matandaan kung kailan nga ba ito nangyari noon. Napahawak ako sa aking ulo nang kumirot iyon.

Napatingin ako sa rehas at napalunok ako nang may marinig ako na boses sa labas ng selda. Hindi namin sila makita dahil natatakpan sila ng pader. Pinagpilitan ko na lamang isiksik ang aking sarili sa tagiliran ni Mila dahil sa matinding takot.

"Marami ba kayong nahuli?" Sabi ng nakakatakot na boses.

Ito na ang kinakatakot ko, ang ipakain kami sa halimaw na si Gamra.

"Opo mahal na hari." Tugon ng kasama nito.

"Magaling, buksan n'yo ang kulungan upang makita ko ang pagkain ng aking alagang si Gamra." Sabi pa ng nakakatakot na boses.

Teka, bakit kilala ko si Gamra? Nakita ko na ba siya noon? Bakit alam ko na halimaw ang Gamra na tinutukoy nila? Naguguluhan na talaga ako sa nangyayari.

Mas lalo pang natakot ang mga kasama namin dahil sa aming narinig. Ipapakain daw kami sa isang nilalang na nagngangalang Gamra. Ngunit bakit tila nawala ang nararamdaman kong takot? May magliligtas ba sa amin? Bakit tila pakiramdam ko magiging maayos din ang lahat?

Mas lalo pang umiyak ang mga batang kasama namin. Pati si Mila ay maluha-luha na dahil sa takot at pangamba. Pinagsiksikan niya ang sarili niya sa braso ko habang nanginginig sa takot.

Tanging malakas na kalabog lang ng aking puso ang aking narinig nang bumukas ang malaking pinto ng kulungan na aming kinalalagyan. Nagsiksikan kaming lahat sa pader habang isa-isa kaming tinitignan ng maitim na nilalang.

"Magaling Ricardo," Nakangising sabi ng nakakatakot na boses.

Matamang tinitigan ko ang nilalang na sinasabi nilang hari. Maitim din ang kanyang balat at kumikinang ang koronang nasa ulo nito. Napapalamutian din siya ng iba't-ibang klaseng mamahaling bato sa leeg at braso.

"Ipakita n'yo na kay Gamra ang kanyang hapunan." Nakangising sabi ng kanilang hari sa labas ng aming selda.

Tinulak ng maiitim na nilalang ang batong pader at tumambad sa amin ang isa pang selda sa likod noon. Nanlaki ang aming mga mata nang makita namin ang isang halimaw na mabalahibo ang buong katawan.

Mapupula ang mga mata nito na tila isang diyablo at mahaba at pakulot ang malaking sungay nito. Sa tingin ko ay sampung talampakan ang taas ng halimaw at may mahaba at matutulis na ngipin at kuko.

Tumutulo rin ang malapot nitong laway na parang asido. Kitang kita ko ang pag-usok ng lupang pinagtutuluan ng kadiring laway ng halimaw. Hindi ako maaaring magkamali, talagang nakita ko na siya noon. Napailing ako dahil hindi ko maalala kung paano at saan ko siya nakita.

Biglang gumalaw ang kamay ko na tila may sariling pag-iisip at hinablot ko ang kamay ng isang bata sa aming harapan. "Lumayo ka d'yan, hihiwain nila ang kamay mo para tumulo ang iyong dugo sa lupa." Garalgal na sabi ko.

Kumunot ang noo ng batang kaharap ko. "Ano?" Naguguluhang tanong niya.

Tumalon ang puso ko nang hablutin ng isang maitim na nilalang ang batang babae na kausap ko. Napapikit ako nang sugatan nito ang bata sa palad. Mas lalo pang nag-iiyak ang bata dahil sa hapdi at sakit ng sugat niya.

Dahan-dahan siyang lumingon sa akin habang patuloy ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata. Tila nagtatanong ang kanyang mga mata hinggil sa sinabi ko sa kanya na ngayon ay nagkatotoo nga.

Mas lalo pa kaming natakot nang magwala ang halimaw sa loob ng kulungan nito. Mukhang gutom na gutom na siya at takam na takam sa naamoy na dugo. Maya-maya pa ay pinagtutulakan na kaming lahat patungo sa kulungan ng halimaw.

Mas lalong napuno ng pagtangis namin ang buong selda at humahalo pa ang paghalakhak ng nakakatakot nilang hari sa labas ng selda. Pinagkumpol kumpol nila kami sa tapat ng halimaw upang isa-isang ipakain dito.

Agad kong hinarangan ang mga bata upang hindi sila makapasok sa selda ng halimaw. Dahil sa ginawa ko, braso ko ang nahablot ng gutom na gutom na halimaw.

Walang kaabog abog na nilapa nito ang manipis kong laman. Dumaloy ang mainit na dugo mula sa aking balikat pababa sa aking braso at palad. Saka mabilis na dumilig sa lupa ang masaganang dugo na umaalpas mula sa aking payat na katawan.

Dahan-dahang dumilim ang aking paningin, kasabay ng paglagpak sa lupa ng aking munting katawan. Kitang kita ko ang pagpalahaw ni Mila mula sa likuran ng ibang mga batang kasama namin.

Sumisigaw siya ngunit hindi ko marinig ang kanyang tinig. Pilit niya akong inaabot gamit ang kanyang mga kamay. Hanggang sa nakaramdam ako ng mainit na pakiramdam bago tuluyang pumikit ang aking mga mata.

***

Butil butil sa malamig na pawis ang aking mukha nang mabungaran ko ang mukha ni Inay sa aking tabi. "Diyos ko anak, mabuti naman at nagising ka na. Lubha akong nag-alala sa iyo." Mahigpit niya akong niyakap at tumulo sa likuran ko ang kanyang mga luha.

Kumunot ang aking noo. "A-ano po ang nangyari?" Naguguluhang tanong ko.

"Bigla ka na lang nagsisigaw anak, agad akong tumungo rito sa iyong silid dahil binabangunot ka." Paliwanag niya.

Panaginip lang ba ang lahat? Bakit tila totoong totoo ang lahat ng nakita ko? Agad kong tinignan ang aking balikat na kinagat ng halimaw. Wala namang sugat o kahit bahid ng dugo roon. Nakahinga ako nang maluwag at ipinagpasalamat sa Diyos na ligtas ako at nagising sa isang kakilakilabot na bangungot.

ITUTULOY...

Tamawo 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon