Kabanata 6
Inutusan ako ni Ina na ibalik kay Inang Imelda ang mga bilao na pinaglagyan ng kakanin na bibebenta ni Inay sa bayan. Malapit sa kabilang bukana ng gubat at dagat ang kanilang tirahan. Hindi naman kalayuan sa aming bahay kaya kayang-kaya naman lakarin.
Naabutan ko si Inang Imelda na may kausap na babae. Kamukha niya ito, na sa tingin ko ay kapatid niya. Ngayon ko lang siya nakita at malamang bumibisita lamang ito kay Inang Imelda. Mukhang mas matanda ito kung ihahambing sa panlabas nilang kaanyuan.
Napabaling si Inang Imelda sa akin, nang mabungaran niya ako sa kanilang puntuan. "Oh, Amy, nariyan ka na pala. Halika at tumuloy ka muna, may miryenda pa sa kusina." Nakangiting sabi niya.
Nailang naman ako sa kakaibang titig sa akin ng babaeng katabi niya. Malikot ang mga mata nito at ramdam ko ang hagod ng mga iyon sa aking buong katawan. Para akong kinilabutan at hindi ko siya matignan nang diretso sa mga mata.
Inabot ko agad kay Inang Imelda ang mga bilao. "Maraming salamat po Inang Imelda," Pinaupo niya ako agad sa harap ng lamesa at hinainan ng palatok at bibingka.
Bumaling siya sa babaeng kasama niya. "Amy siya nga pala ang nakakatanda kong kapatid," tinuro niya ang babae."Si ate Minda."
Ngumiti sa akin ang tinawag niyang ate Minda. "Hi Amy, kaygandang bata mo naman. Ilang taon ka na?" Magiliw niyang sabi.
"Pitong taon na po ako, Inang Minda." Nakangiting tugon ko.
Napatingin ako kay Inang Imelda nang magsalita siya. "Mag-isa na lang sa buhay ang ate Minda, matagal nang mamatay ang kanyang asawa at panganay na anak. Ang bunso naman ay limang taon nang nawawala."
Pinandilatan ni Inang Minda si Inang Imelda. "Hindi mo na kailangang isalaysay ang buhay ko sa bata Elda."
Natawa naman nang bahagya si Inang Imelda saka kumumpas ang kamay. "Aysus, parang 'yun lang naman ate." Tumingin ulit si Inang Imelda sa akin. "Nag-aral si ate ng panghuhula ng kapalaran sa Maynila noong nawala ang bunso niyang anak." Tumingin si Inang Imelda kay Inang Minda. "Hulaan mo kaya si Amy, ate?"
Napabuntong hininga si Inang Minda. "Unang kita ko pa lang sa'yong bata ka, kakaiba na agad ang aura na nakita ko sa'yo." Seryosong sabi niya sa akin, dahilan kaya nagulat ako at nahulog mula sa kutsara ang isusubo ko dapat na palatok.
Dahan-dahan akong napatingin sa kanya. "Ano po ang ibig n'yong sabihin?" Naguguluhang tanong ko.
Matamang tinitigan niya ako sa mga mata. "Nakita ko na ang aura na 'yan dati kay Anida, kaya nga lang wala pa akong alam sa panghuhula noon." Salaysay pa niya.
Kumunot ang aking noo. "Sino pong Anida?" Tanong ko.
Ngumiti siya. "Isang kapitbahay ko noon sa dati kong tirahan." Naging seryosong muli ang kanyang mukha. Lumapit siya sa akin at mahigpit na hinawakan ang aking mga kamay. "Malabo ang hinaharap na nakikita ko sa'yo, ngunit ito lamang ang masasabi ko sa'yo Amy." Huminga siya nang malalim. "Parati kang mag-ingat, maraming masasamang elemento ang maghahangad na makuha ka."
Kinilabutan ako sa mga sinabi sa akin ni Inang Minda. Lumipad ang isip ko kakaisip sa kanyang mga sinabi. Nakaramdam ako ng kakaibang takot na unti-inting namuo sa aking buong pagkatao.
"Malaking kasalanan ang nagawa ko noon na siyang pinagbabayaran ko ngayon, kaya kaliwa't kanan ang kamalasang natatamo ko. Ito na siguro ang parusa sa mga nagawa kong kasalanan." Malungkot na pahayag pa ni Inang Minda.
Lumapit si Inang Imelda sa kanyang kapatid at hinaplos ang likod nito. "Huwag mong isipin na parusa ang mga pinagdaanan mo ate. Lahat naman tayo nakakagawa ng pagkakamali sa buhay. Ang importante, nagawa mong ituwid ang naligaw mong landas."
***
Naglalakad na ako pauwi nang bumalik sa reyalidad ang aking isip. Naramdaman ko na may sumusunod sa akin. Napatigil ako sa paglalakad saka mabilis na lumingon sa aking likuran. Tama nga ang aking hinala, may mabilis na nagkubli sa isang malagong halaman.
Napalunok ako saka mabilis na naglakad palayo sa lugar na iyon. Pabilis nang pabilis ang tibok ng aking puso na tila mabilis na tinatambol sa aking kalooban. Ang mabilis kong paglalakad ay patakbo na dahil sa matinding takot na bumalot sa puso ko.
Nanlaki ang aking mga mata sa matinding gulat nang biglang sumulpot si Quara sa aking harapan. Bumalik na siya sa anyo ng isang diwata, ngunit kasing laki pa rin siya ng isang normal na bata.
"Quara!"Bulalas ko habang hingal na hingal ako at napahawak sa dalawang tuhod ko. Hinawakan ko ang dibdib ko at ramdam na ramdam ko ang pagwawala ng aking puso.
"Nagulat ba kita?" Tila kinikiliting sabi niya dahil ayaw niyang tumigil sa paghagikhik.
"Bakit mo ba ako sinunundan?" Medyo mataray na sabi ko. "Tinakot mo naman ako eh," Nakangusong sabi ko pa.
Kumunot ang kanyang noo. "Nakatambay lang ako rito sa puno nang makita kitang tumatakbo kaya naisipan kong gulatin ka."
Napalingon ako sa aking likuran. "May sumusunod kasi sa akin eh," Saka ako muling humarap sa kanya.
Natulala ako nang biglang naglaho sa aking paningin si Quara. Namalayan ko na lang na nasa likuran ko na siya at tila sinisipat ang aking nilakaran. Lumipad siya at sinusog ang makitid na daan.
Sa may 'di kalayuan napansin ko na parang may nakita siya. Hinawi niya ang mga damo at may tumambad sa kanya na isang batang lalaki. Nameywang si Quara sa lalaki at tumaas ang kilay. "Anong ginagawa mo d'yan? Sinasabi na nga ba na ikaw ang naamoy ko eh,"
Tumayo ang batang lalaki na nagkukubli sa halamanan. Kumunot ang aking noo nang makita ko ang mukha nito. Ngayon ko lang siya nakita, ngunit parang pamilyar sa akin ang kanyang mukha. Marahil nakita ko na siya noon at hindi ko lang matandaan.
Agad akong lumapit sa kanila. "Kilala mo mo ba siya Quara?" Tanong ko habang nakatitig sa batang lalaki. Agad na nag-iwas ng tingin sa akin ang batang lalaki, na tila nailang sa pagtitig ko sa kanya.
Tumawa nang pagkalakas lakas si Quara saka malakas na binatukan ang batang lalaki. "Ah, ano kasi Amy." Sabi niya na tila nag-iisip pa ng sasabihin.
"Pinsan ako ni Quara. Ako nga pala si Aldous, ikinagagalak kitang makilala Amethyst." Tumingin siya sa natulalang si Quara saka muling bumaling sa akin. "Kung ang iniisip mo, sinusundan kita, nagkakamali ka. Naglalaro kami ng tagu-taguan ni Quara, kaya nagkukubli ako sa halamanan." Seryosong paliwanag niya.
Malutong na tumawang muli si Quara. "Ah, oo nga pala." Nahampas niya si Aldous sa balikat. "Naglalaro nga kami nitong pinsan ko." Hinila ni Quara ang pinsan niya saka may binulong. "Ano ba kasing ginagawa mo rito?" Mahinang bulong niya ngunit narinig ko pa rin. Muling tumawa si Quara saka tumingin sa akin. "Pagpasensyahan mo na itong pinsan ko ha?"
Ngumiti ako. "Wala 'yun, buti nga at kayo ang nakita ko rito. Natakot kasi ako eh, akala ko masamang elemento."
Nanlaki ang mata ni Quara saka napahagalpak nang tawa. "Itong gandang ito ba ay mukhang masamang elemento?" Umikot-ikot pa siya at pinilantik sa hangin ang malagintong buhok.
Kung pinsan ni Quara si Aldous, malamang diwata rin ito? Pero bakit iba ang pananamit nito kumpara kay Quara? Ang dami nang tanong sa isip ko habang lumilipad-lipad si Quara sa harapan ko.
Biglang tumigil si Quara sa paglipad. "No, nagkakamali ka dear Amy,"
Aba at marunong na mag english ang diwatang ito.
"Hindi siya isang diwata," Natatawang sabi ni Quara.
Tumaas ang kilay ko. Binabasa na naman niya ang iniisip ko. Paano ba niya 'yun nagagawa? Kung hindi siya isang diwata, ano siya? Duwende? Kapre? Lamang lupa? Manananggal?bampira? Tikbalang? Kutong lupa? Ang gwapo naman nito para maging ganung nilalang.
Humagalpak na naman sa pagtawa si Quara dahil sa pagbasa ng nasa isip ko. Napansin ko na pabalik-balik ang tingin ni Aldous sa aming dalawa. Marahil hindi niya alam na binabasa ni Quara ang iniisip ko.
"Ah basta," bulalas ni Quara pagkatapos niyang tumawa. Hinawakan niya ang kamay ko saka naglakad. "Tara na, sasamahan ka na namin pauwi, delikado rito sa gubat baka kung mapano ka pa." Naging seryoso na ang kanyang mukha.
ITUTULOY...
BINABASA MO ANG
Tamawo 3
FantasySi Aldous ang anak ng hari ng mga Tamawo. Ang nag-iisa at susunod na tagapagmana ng trono. Ang dugo niya ang nagpalaya sa sumpa na pinataw ng kanyang ama na si Heraldo laban kay Lazaro. Mapapangalagaan ba niya ang buong kaharian laban sa mga itim na...