Chapter 5
Kumalat na sa aming bayan ang balita tungkol sa pagkawala ng ilang mga bata sa aming lugar. Ilang kaso na rin sa ibang bayan ang naitala at nakakaalarma na ang pagdami ng bilang ng mga nawawalang paslit.
Sadyang mapalad kami na mga nakaligtas ngunit talagang wala kaming maalala sa kung anuman ang nangyari sa amin. Marami sa amin ang hatid at sundo na ng aming mga magulang sa eskwelahan. Ni hindi ko rin maalala na magkasama pala kami ni Mila noong nawala kami.
Magkasabay kami ni Mila na hinatid ni Inay sa eskwelahan dahil abala ang kanyang mga magulang. Parang wala lamang sa amin ang masalimuot daw na nangyari sa amin.
Masiglang pumasok kami sa aming silid aralan. Magka-iskwela kami ni Mila at kapwa nasa unang baitang sa elementarya. Tumigil si Mila sa pag-aaral noong nakapagtapos siya ng kindergarten, dahil sa kahirapan ng buhay, kaya magkasabay kaming pumasok sa unang baitang.
Agad kaming tumungo sa aming mga silya. Agad akong naupo at nilahad sa lamesa ang aking kwaderno. Napasinghap ako sa gulat nang may kumalabit sa aking balikat, mula sa aking likuran. Napamulagat na lang ako nang makita kung sino ang kumalabit sa akin.
Natulala ako sa batang babae na katabi ni Mila. Tila naparalisa ang aking katawan at nanlamig ang aking balat. Kumurap-kurap si Mila sa akin.
"Anong nangyari sa'yo Amy?" Nagtatakang tanong niya.
Parang may kakaibang kapangyarihan na nagpapatigil sa aking utak sa pagsasalita ng mga nais kong sabihin. Kilala ko ang batang kaharap ko nginit hindi ko masabi iyon kay Mila.
Ngumiti si Quara sa akin. "Magandang umaga, ako nga pala si Geeneth, bago lang ako rito sa inyong paaralan. Nawa'y maging magkakaibigan tayo."
Bakit Geeneth ang pinakilala niya sa amin? Alam ko na Quara ang pangalan niya ngunit hindi ko masabi iyon sa aking bibig.
"Ikinagagalak kitang makilala, Geeneth." Sabi ko, ngunit hindi iyon ang talagang nais kong sabihin.
Napansin ko na kakaiba ang tingin ni Quara kay Mila. Tila kinikilala nito ang bawat hilatsa ng mukha ng kaibigan ko. Napansin ko rin ang pagkunot ng kanyang noo at bahagyang pag-iling at tila pag-iisip.
Naputol ang tila kakaibang koneksyon nang dumating ang aming guro. Bumaling ako kay Quara at sinabi ko sa isip ko na mag-usap kami pagkatapos ng klase, dahil ayaw bumuka ng aking bibig. Agad naman siyang tumungo na tila nabasa ang nasa utak ko.
Tila lumilipad ang aking utak habang nagsasalita ang aming guro. Hindi ko namalayan ang mabilis na pag-usad ng oras. Pakiramdam ko nabitin ako sa maghapon naming klase.
Kinalabit ako ni Mila nang tumunog ang kampanilya. Hudyat na tapos na ang huling peryodiko. Tumayo ako at inayos ang aking mga gamit. Bumaling ako kay Quara na nakatayo na sa labas ng silid.
Ngumiti siya sa akin saka kami lumabas ni Mila. "Tara na," Masiglang sabi ni Mila.
Naglalakad ang katawan ko ngunit lumilipad pa rin ang isip ko. Hindi ko makausap nang matino si Mila. Para akong na-engkanto na hindi ko mawari. Malamang ang diwatang si Quara ang may kagagawan ng lahat.
Tumigil kami sa paglalakad nang natumbok namin ang guard house ng aming paaralan. Dito hinihintay ng mga bata ang kani-kanilang mga sundo, dahil hindi na kami pinapayagan umuwi nang walang kasamang nakakatanda.
Ang ibang mga bata na walang dumating na sundo ay inihahatid ng ilang tagapangasiwa ng paaralan upang maging ligtas sa pag-uwi. Unang dumating ang ina ni Mila, hindi na ako sumabay sa kanila dahil pupunta pa sila sa palengke.
Bumaling ako kay Quara na tahimik na nakaupo lamang sa isang sulok. "Paanong naging Geeneth ang pangalan mo?" Nakahinga ako nang maluwag nang masabi ko na sa wakas ang nais kong sabihin.
Humagikhik siya. "Quara Geeneth talaga ang tunay kong pangalan, Amethyst."
Napatango ako sa sinabi niya. "Ah, kaya pala," Napanguso ako. "Pinipigilan mo ba ako aa mga nais kong sabihin kanina?" Tanong ko ulit.
Napangiti siya. "Ginawa ko lang naman iyon dahil ayaw ko na ibulgar mo ang tunay kong pagkatao."
"Paano ka uuwi sa inyo? Saan ka ba nakatira? May susundo ba sayo? May mga magulang ka ba?" Sunod-sunod na tanong ko dahil naipon ang lahat ng iyon noong pinigilan niya ako magsalita ng nasa isip ko.
Bahagya siyang natawa. "Oo naman, may magulang ako at," Natigil siya sa sasabihin niya at nanlaki ang mata niya nang may dumating na isang maputing lalaki. "Papa!" Masiglang sigaw niya.
Napanga-nga na lang ako sa sinabi niya at napabaling sa bagong dating na lalaki. Kumunot ang aking noo dahil napakabata ng itsura ng kanyang ama. Nangungusap ang mapupungay na mga mata na katulad ni Quara.
Nagulat din ako sa pagbigkas ni Quara na Papa niya iyon. Masyadong moderno ang tawag niya sa kanyang ama bilang isang diwata. Napansin ko rin na nagulat ang lalaki nang sumigaw si Quara ng Papa.
Kumindat si Quara sa akin. Amang prinsipe talaga ang tawag ko sa kanya. Gusto ko lang na maging parang normal na tao kaya tinawag ko siya na Papa, tulad ng ibang mga bata. Sabi niya sa akin.
Teka, paano nasabi ni Quara iyon nang hindi bumubuka ang kanyang bibig? Ini-engkanto na naman ba ako ng diwata na ito? Saka, tama ba ang unawa ko sa sinabi ng utak niya? Prinsipe ang kanyang ama?
Prinsipe ng mga diwata kaya? Prinsesa siya ng mga diwata? Naguguluhan ako, nababasa ko ang nasa isip niya? Paanong nangyari iyon?
Napahawak ako sa aking sintido nang biglang sumakit ang aking ulo. Simula noon, wala na akong nabasa sa iniisip ni Quara. Kinokontrol ba niya ang utak ko? Ipapabasa niya sa akin ang laman ng isip niya kung kailan niya gusto? Isasara niya pag ayaw na niya ipabasa?
Agad na nagpakarga si Quara sa kanyang ama saka kumapit sa leeg nito. "Papa, hintayin po muna natin ang Mama ni Amethyst bago tayo umuwi." Malambing na sabi niya.
Tumango naman ang ama ni Quara.
Napabaling ako sa kalsada nang matanaw ko si Inay na naglalakad. Agad akong kumaway at ngumiti siya sa akin bilang ganti.
"Naghintay ka ba nang matagal anak?" Nakangiting sabi ni Inay.
Umiling ako. "Hindi naman po Inay, kasama ko naman po si Quara." Bumaling ako sa mag-ama. "Bagong ka-klase ko po siya, bagong lipat lang sila rito sa lugar natin."
Kumaway si Quara kay Inay. "Hello po, ako po si Quara Geeneth. Papa ko po, si Papa G." Pakilala niya sa kanyang ama.
Nakipag kamay si Inay sa ama ni Quara. "Kinagagalak ko kayong makilala." Ngumiti si Inay at tumango naman ang ama ni Quara.
Masyadong tahimik ang ama ni Quara ngunit mukhang mabait naman tulad niya. Isang malaking karangalan para sa akin na may makilalang mga tunay na diwata. Marahil nahihibang na ako ngunit, wala namang maniniwala sa akin kung ibubulgar ko ang sikreto nila.
Hindi rin naman mabuti para sa kanilang kaligtasan, kaya kailangan ilihim ko na lang sa iba ang aking nalalaman tungkol sa mga diwata.
ITUTULOY...
BINABASA MO ANG
Tamawo 3
FantasySi Aldous ang anak ng hari ng mga Tamawo. Ang nag-iisa at susunod na tagapagmana ng trono. Ang dugo niya ang nagpalaya sa sumpa na pinataw ng kanyang ama na si Heraldo laban kay Lazaro. Mapapangalagaan ba niya ang buong kaharian laban sa mga itim na...