Chapter 2
Konti lang ang bisita namin at karamihan ay mga bata pa. Lumang radyo ni Ama ang gamit naming pangpatugtog habang nagkakainan kami sa mahabang lamesa. Simple lang ang mga pagkain ngunit masidhing kaligayahan naman ang dulot sa akin.
Katabi ko si Mila na abala sa pagkain ng manok. Sa harapan ko naman sina Ina at Ama. Meron din akong maliit na cake na bigay ni Inang Imelda na kaibigan ni Ina. Sapat naman ang isang bandehadong pansit, inihaw na manok at kalamay na aming pinagsasaluhan.
Bahagya akong natawa nang marinig ko ang pagbighay ni Mila. "Thank you Lord." Sabi niya.
"Kain ka pa, kulang pa 'yung pagdighay mo." Nakangiting sabi ko.
"Pwede take out?" Papikit pikit na sabi niya.
Natawa naman si Ina. "Oo naman Mila, mag-uwi ka para sa hapunan n'yo mamaya." Sabi niya.
"Oh, malakas ka talaga kay Inay." Natatawang sabi ko.
Ngumiti naman si Mila. "Maraming salamat po Tita Nelly," Bumaling siya sa akin at inabot ang isang maliit na sobre. "Ito regalo ko sa'yo Amethyst,"
Nagulat ako at nakaramdam ng kasiyahan nang abutin ko ang maliit na sobre. "Cash ba ito?" Natatawang tanong ko habang pinagmamasdan ang sobre.
Natawa rin siya sa sinabi ko. "Alam mong wala ako noon," Nahampas pa niya ako sa braso. "Buksan mo kaya?" Nakangusong sabi niya.
Nasabik naman akong buksan iyon, kaya agad kong pinunit ang sobre at tumambad sa akin ang isang bracelet na kulay pink. Meron din itong palawit na mga makukulay na bato at maliliit na kabibe na galing sa tabing dagat.
Namangha ako sa ganda ng pagkakagawa nito. "Wow, ang ganda ganda naman nito." Bumaling ako sa kanya. "Maraming salamat Mila," Sabi ko saka ko siya niyakap.
"Walang anuman Amethyst," Nakangiting sabi niya.
Nang maghiwalay kami, pinakita niya ang kaliwang kamay niya. "Parehas tayo oh? Ako ang gumawa ng mga 'yan." Sabi pa niya.
"Oo nga, nakakatuwa naman." Sabi ko saka niya nilagay sa kaliwang kamay ko ang bracelet.
Nang matapos ang kainan sa aking kaarawan, abala na si Ina sa pag-aayos ng aming mga ginamit. Tumulong naman si Ama sa kanya at ako ay abala naman sa paghuhugas ng mga plato. Napalingon ako sa bintana nang may mapansin ako na mabilis na dumaan.
Bahagya akong sumilip sa bintana upang makita kung ano iyon ngunit wala naman akong nakita. Nagkibit balikat na lang ako saka ipinagpatuloy ang aking ginagawa. Nang matapos kami sa pag-iimis ng kalat, magpaalam si Ina na pupunta kina Inang Imelda upang ubalik ang lalagyan ng cake na ibinigay niya.
Si Ama naman ay nag-aayos na ng kanyang gamit sa pangingisda. Nang mapansin niya ako na nakatingin sa ginagawa niya, pinalapit niya ako sa kanya. Naupo naman ako sa kanyang tabi saka niya kinuha ang kanyang bag.
"Ito ang regalo ko sa'yo anak," Inabot niya sa akin ang isang kabibe na kasing kasi ng aking palad. "Buksan mo." Nakangiting sabi niya sa akin.
Tumambad sa akin ang isang kwintas na gawa sa mga maliliit na sigay, mas maliit pa iyon kesa sa ginagamit namin ni Mila sa paglalaro ng sungka. Namangha ako sa palawit noon na isang itim na perlas. Hindi pangkaraniwan ang sukat nito dahil mas malaki ito sa normal na nakukuha na perlas sa dagat.
Kasing laki ito ng limang pisong barya at kasing kinang ng bituin sa kalangitan. Nangingislap ang aking mga mata habang pinagmamasdan ko iyon. Napatingin ako kay Ama nang magsalita siya.
"Kahapon ko lamang nakuha sa dagat iyan anak. Naisipan ko na gawing kwintas para sa iyong kaarawan. Ngayon lamang ako nakakuha ng ganyang klase ng perlas at nararapat lamang na ibigay sa aking munting prinsesa." Masiglang sabi niya sa akin.
"Salamat po Ama, napakaganda po nito." Sabi ko habang pinagmamasdan ang kwintas na aking hawak.
Kinuha ni Ama iyon sa aking kamay saka kinabit sa aking leeg. Napakaganda talaga noon habang pinagmamasdan ko sa aking dibdib ang palawit na perlas. Hinawakan ni Ama ang magkabilang pisngi ko saka matamang tinignan ako.
"Bagay na bagay sa'yo, anak. Kamukhang kamukha mo ang iyong ina. Sadyang napaka-swerte ko na kayo ang ibinigay sa akin ng Diyos." Nakangiting sabi niya.
Maluha-luha akong napayakap sa aking ama. "Maraming salamat po sa inyong pagmamahal sa amin ni Ina."
Marahang hinaplos ni Ama ang aking buhok. "Sige na anak, magpahinga ka na. Mamamalaot na kami sa dagat kasama si Mang Berto."
Kumalas ako sa kanya saka tumayo. Agad akong tumango saka niya ginulo ang aking buhok. "Mag-ingat po kayo Ama." Masiglang sabi ko sa kanya.
Nang makaalis ang aking Ama, naupo lang ako sa sala saka namintana habang hinihintay ang pag-uwi ni Ina. Nang mainip ako, naisipan kong lumabas sa bakuran upang tanawin siya sa kalsada. Nakita ko si Mila na nagdidilig ng kanilang halaman.
Napatingin ako sa aking relo sa kamay. Malapit na pala mag alasais ng hapon. Nag-aagaw na rin ang liwanag at dilim dahil papalubog na ang araw. Tinawag ko si Mila ngunit parang hindi niya ako narinig.
Humakbang ako palabas ng bakuran upang lapitan siya. Kinalabit ko siya sa kanyang tagiliran kaya naman naibagsak niya ang tabo na hawak niya. Kitang kita ko ang takot at pagkagulat sa kanyang mukha nang lumingon siya sa akin.
"Amethyst!" Bulyaw niya.
Natawa ako sa reaksyon niya. "Natakot ba kita? Tinatawag kasi kita pero hindi ka lumilingon."
Hindi pa rin humuhupa ang panglalaki ng kanyang mga mata. Para siyang natuod sa kanyang kinatatayuan at napansin ko rin ang pagtulo ng pawis mula sa kanyang noo. Kumunot ang aking noo at napansin ko na nakatingin siya sa aking likuran.
Halata ang panginginig ng kanyang mga labi at dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kamay, at may tinuro sa aking likuran. Kitang kita ko na nanginginig din ang kanyang kamay at wala paring lumalabas na salita sa kanyang bibig.
"Huwag mo naman akong takutin, gumaganti ka ba dahil sa ginawa ko?" Kinakabahang tanong ko.
Marahan siyang umiling kaya naman mas lalong kumalabog ang aking puso sa matinding kaba. Napalunok ako saka dahan-dahang lumingon sa aking likuran. Nakahinga ako nang maluwag nang wala naman akong nakitang kakaibang bagay o nilalang.
Napangiti ako saka muling bumaling kay Mila. "Niloloko mo naman a-" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang makita ko si Mila na hawak ng dalawang maitim na nilalang.
Nakatakip sa bibig ni Mila ang maitim na palad nito habang nanlilisik ang mga matang nakatitig sa akin. Nanlamig ang buo kong katawan saka ko naramdaman ang malamig na palad na humawak sa magkabilang braso ko.
"Tulong! Tulong! Tulungan n'yo kami!" Sigaw ko habang nagpupumiglas ako sa nakahawak sa akin.
Masyado silang malakas kaya naman walang laban ang ginagawa naming pagpupumiglas ni Mila laban sa kanila. Mga paslit lamang kami kaya kayang-kaya nila kaming buhatin ng walang kahirap-hirap. Nakita ko na may pinaamoy sila kay Mila at nawalan ito ng malay.
Pinagdadabog ko ang likod ng nilalang na bumuhat sa akin. Lumapit ang isa pang maitim na nilalang sa akin saka sapilitang pinaamoy ang ilang dahon na naging sanhi ng panlalabo ng aking paningin. Nakaramdam ako ng pagkahilo at dahan-dahang sumara ang aking mga mata.
ITUTULOY...
BINABASA MO ANG
Tamawo 3
FantasySi Aldous ang anak ng hari ng mga Tamawo. Ang nag-iisa at susunod na tagapagmana ng trono. Ang dugo niya ang nagpalaya sa sumpa na pinataw ng kanyang ama na si Heraldo laban kay Lazaro. Mapapangalagaan ba niya ang buong kaharian laban sa mga itim na...