☕ Tsinelas

202 12 4
                                    

TSINELAS
isinulat ni Ayradel

Sawang-sawa na ako ayoko na talaga 

Pagtakbong walang hanggan kailan magpapahinga 

Halos mapudpod ang tsinelas ko katatakbo 

Para lang matakasan ang malupit kong mundo 

Ako'y isang batang kalye walang ama't ina 

Sa limang magkakapatid ako ang pang-una 

Ako na rin ang tumayong ama't ina nila 

Nakagisnang tahanan namin ay ang kalsada 

Natutong magbanat ng buto sa murang edad 

Kailangang magtrabaho kahit saan mapadpad 

Minsa'y nanlilimos hawak ang isang sisidlan 

Sisidlang huhulugan pangkain ngayong b'wan 

Kaunting barya lang po panglaman tiyan 

Kaunting barya para sa batang pitong buwan 

Ngunit hindi parin sapat sampung pisong kita 

Upang pakainin kumakalam na sikmura 

Kahit ano pa ang gawin kong pag-ahon 

Hindi magiging mansyon ang tinitirhang kahon 

Gamitin man ang una o ikalawang pakpak 

Sanlibong kamay humihila sakin pabagsak 

Hindi nagtagal sa sobrang hirap ng buhay 

Napuno ng kalyo ang dalawa kong kamay 

Natutong magnakaw at gumawa ng masama 

Samahan ang mali at takasan ang tama 

Lahat ng turo ni ina'y aking binitawan 

Ang daan'g baluktot ang syang nilakaran 

Ngayon ay di na tuyo't asin ang aming ulam 

Di na nakakaranas na manlimos sa daan 

Holdap 'to walang kikilos kahit isa 

Kung ayaw nyong ang baril na ito sa inyo tumama 

Napalitan ng baril dating hawak na lata 

Kailangang matapang 'wag magpakita ng awa 

Subalit kailanma'y di naging tama ang mali 

Tinig ni ina'ng sa isip ko'y sumagi 

Tila pinipigil akong gumawa ng masama 

Ibinaba ang baril habang tumutulo ang luha 

Sabay takbo...di alam kung sa'n tutungo 

Mga pulis na humahabol sakin ay walo 

Kailan,kailan,kailan ba 'to matatakasan? 

Kailan makakamtan ang pag-asang inaasam? 

Isang bala ng baril ang tumama sa likod 

At bumagsak sa lupa ang katawan kong pagod 

Bigla na lamang nandilim ang aking paningin 

Sa isip ay iisa lamang ang syang panalangin 

Natapos din ang paghihirap ko sa wakas 

Di na muling mapupudpod ang aking tsinelas 

Salamat at natapos na ako sa pagtakbo 

Di na muling mararamdan ang lupit ng mundo 

She and Her Overflowing ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon